Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 5/15 p. 16-20
  • Ang Katangian ng Inyong Pananampalataya—Sinusubok Ngayon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Katangian ng Inyong Pananampalataya—Sinusubok Ngayon
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paano Kayo Maaaring Subukin?
  • Kapakinabangan Mula sa Subók na Pananampalataya
  • Susubukin ang Pananampalatayang Kristiyano
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • ‘O Jehova, Ilagay Mo Ako sa Pagsubok’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Paano Natin Dapat Malasin ang mga Pagsubok?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • “Tulungan Mo Ako Kung Saan Kailangan Ko ng Pananampalataya!”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 5/15 p. 16-20

Ang Katangian ng Inyong Pananampalataya​—Sinusubok Ngayon

“Ituring ninyong buong kagalakan, mga kapatid ko, kapag kayo ay napaharap sa iba’t ibang pagsubok, yamang nalalaman ninyo na ang subok na katangiang ito ng inyong pananampalataya ay gumagawa ng pagbabata.”​—SANTIAGO 1:2, 3.

1. Bakit dapat asahan ng mga Kristiyano ang mga pagsubok sa kanilang pananampalataya?

HINDI ninanais ng mga tunay na Kristiyano na sila’y dumanas ng pagdurusa, at hindi sila nasisiyahang masaktan o mapahiya. Gayunman, isinasaisip nila ang nabanggit na mga salitang isinulat ng kapatid sa ina ni Jesus na si Santiago. Niliwanag ni Kristo sa kaniyang mga alagad na sila’y makaaasa ng pag-uusig at iba pang mga suliranin dahil sa pagsunod nila sa mga pamantayan ng Diyos. (Mateo 10:34; 24:9-​13; Juan 16:33) Gayunpaman, kagalakan ang ibubunga ng gayong mga pagsubok. Paano?

2. (a) Paano maaaring magbunga ng kagalakan ang mga pagsubok sa ating pananampalataya? (b) Paano magaganap ng pagbabata ang gawa nito sa ating kalagayan?

2 Ang isang pangunahing dahilan kung kaya nakasusumpong tayo ng kagalakan kapag nasa ilalim ng mga kahirapan o pagsubok sa pananampalataya ay ang bagay na maaaring magluwal ng mabuting bunga ang mga ito. Gaya ng sabi ni Santiago, ang pagtitiis sa harap ng mga pagsubok o kahirapan ay “gumagawa ng pagbabata.” Makikinabang tayo sa paglinang ng ganiyang napakahalagang katangiang Kristiyano. Sumulat si Santiago: “Hayaang ganapin ng pagbabata ang gawa nito, upang kayo ay maging ganap at malusog sa lahat ng bagay, na hindi nagkukulang ng anuman.” (Santiago 1:4) Ang pagbabata ay may tungkulin, isang “gawa.” Ang atas nito ay gawin tayong ganap sa lahat ng bagay, na tulungan tayong maging timbang at maygulang bilang mga Kristiyano. Kaya naman, sa pagpapahintulot na maganap ang mga pagsubok nang walang anumang pagtatangka na gumamit ng di-maka-Kasulatang paraan upang tapusin kaagad ang mga ito, ang ating pananampalataya ay nasusubok at nadadalisay. Kung kulang tayo sa pagtitiis, pagdamay, kabaitan, o pag-ibig sa pagharap sa mga situwasyon o sa ating kapuwa, maaari tayong gawing lalong ganap sa pamamagitan ng pagbabata. Oo, ang pagkakasunud-sunod ay: Ang mga pagsubok ay nagbubunga ng pagbabata; ang pagbabata ay nagpapasulong sa mga katangiang Kristiyano; ang mga ito ay sanhi ng kagalakan.​—1 Pedro 4:14; 2 Pedro 1:5-8.

3. Bakit hindi tayo dapat umurong dahil sa takot sa mga panggigipit o pagsubok sa pananampalataya?

3 Itinampok din ni apostol Pedro kung bakit hindi tayo dapat matakot o umurong sa mga pagsubok sa ating pananampalataya. Sumulat siya: “Sa katotohanang ito ay labis kayong nagsasaya, bagaman sa loob ng kaunting panahon sa kasalukuyan, kung kinakailangan, ay pinipighati kayo ng iba’t ibang panggigipit, upang ang subók na katangian ng inyong pananampalataya, na may lalong nakahihigit na halaga kaysa ginto na nasisira sa kabila ng pagkasubok dito ng apoy, ay masumpungang dahilan ukol sa kapurihan at kaluwalhatian at karangalan sa pagkakasiwalat kay Jesu-Kristo.” (1 Pedro 1:6, 7) Lalo nang nakapagpapatibay-loob ngayon ang mga salitang ito sapagkat ang “malaking kapighatian”​—ang panahon ng papuri, kaluwalhatian, karangalan, at kaligtasan​—ay mas malapit na kaysa sa inaakala ng ilan at lalong malapit na kaysa noong maging mga mananampalataya tayo.​—Mateo 24:21; Roma 13:11, 12.

4. Ano ang nadama ng isang kapatid tungkol sa mga pagsubok na naranasan niya at ng iba pang pinahirang Kristiyano?

4 Sa naunang artikulo, tinalakay natin ang mga pagsubok na napaharap sa mga pinahirang nalabi mula noong 1914 patuloy. Ang mga ito ba’y dahilan upang magalak? Ganito ang sinabi ni A. H. Macmillan bilang pag-alaala: “Nasaksihan ko ang maraming matitinding pagsubok na sumapit sa organisasyon at ang mga pagsubok sa pananampalataya niyaong mga kabilang dito. Sa tulong ng espiritu ng Diyos ay nakaraos ito at nagpatuloy na sumulong. Nakita ko ang karunungan sa matiyagang paghihintay kay Jehova na liwanagin ang ating pagkaunawa sa maka-Kasulatang mga bagay sa halip na mayamot dahil sa isang bagong ideya. . . . Anuman ang mga pagbabagong dapat nating gawin sa pana-panahon sa ating mga pangmalas, hindi nito mababago ang maawaing paglalaan ng pantubos at ang pangako ng Diyos na buhay na walang hanggan. Kaya hindi natin kailangang pahintulutang humina ang ating pananampalataya dahil sa di-natupad na mga inaasahan o mga pagbabago sa pangmalas.”​—The Watchtower, Agosto 15, 1966, pahina 504.

5. (a) Anong mga kapakinabangan ang ibinunga ng mga pagsubok sa mga pinahiran? (b) Bakit dapat tayong maging interesado ngayon hinggil sa pagsubok?

5 Ang mga pinahirang Kristiyano na nakaligtas sa panahong iyon ng pagsubok noong 1914-​19 ay napalaya mula sa nangingibabaw na impluwensiya ng sanlibutan at mula sa mga kaugalian ng maka-Babilonyang relihiyon. Ang nalabi ay sumulong bilang isang nilinis at dinalisay na bayan, anupat kusang naghahandog ng mga hain ng papuri sa Diyos at nagtataglay ng katiyakan na sila bilang isang bayan ay kaayaaya sa kaniya. (Isaias 52:11; 2 Corinto 6:14-​18) Ang paghatol ay nagsimula sa bahay ng Diyos, ngunit hindi iyon natatapos sa isang itinakdang panahon. Ang pagsubok at pagliglig sa bayan ng Diyos ay nagpapatuloy pa rin. Ang pananampalataya niyaong mga umaasang makaliligtas sa dumarating na “malaking kapighatian” bilang bahagi ng “malaking pulutong” ay sinusubok din. (Apocalipsis 7:9, 14) Ito’y ginaganap sa mga paraang kahawig ng naranasan ng pinahirang nalabi gayundin sa iba pang paraan.

Paano Kayo Maaaring Subukin?

6. Ano ang isang uri ng matinding pagsubok na nararanasan ng marami?

6 Naiisip ng maraming Kristiyano ang tungkol sa hamon ng pagharap sa mga pagsubok gaya ng tuwirang pagsalakay. Natatandaan nila ang ulat na ito: “Tinawag [ng mga lider na Judio] ang mga apostol, pinaghahampas sila, at inutusan silang tumigil na sa pagsasalita salig sa pangalan ni Jesus, at pinawalan sila. Ang mga ito, nang magkagayon, ay humayo mula sa harapan ng Sanedrin, na nagsasaya sapagkat ibinilang silang karapat-dapat na walaing-dangal alang-alang sa kaniyang pangalan.” (Gawa 5:40, 41) At ang modernong kasaysayan ng bayan ng Diyos, lalo na noong panahon ng mga digmaang pandaigdig, ay nagpapakita na maraming Saksi ni Jehova ang aktuwal na nakaranas ng pambubugbog, at ng mas masahol pa rito, sa kamay ng mga mang-uusig.

7. Hanggang saan umabot ang pagpapamalas ng ilang modernong-panahong Kristiyano ng kanilang pananampalataya?

7 Kung tungkol sa kalagayan ng mga Kristiyano bilang mga tudlaan ng pag-uusig, walang pagkakaiba ang pakikitungo ng sanlibutan sa pinahirang nalabi at sa malaking pulutong ng “ibang mga tupa.” (Juan 10:16) Sa paglipas ng mga taon, ang mga miyembro ng dalawang grupong ito ay matinding sinubok sa pamamagitan ng pagkabilanggo at maging ng pagkamartir dahil sa kanilang pag-ibig sa Diyos at sa kanilang pananampalataya sa kaniya. Ang dalawang grupo ay nangailangan ng espiritu ng Diyos, anuman ang kanilang pag-asa. (Ihambing Ang Bantayan, Hunyo 15, 1996, pahina 31.) Noong mga dekada ng 1930 at 1940 sa Alemanyang Nazi, marami sa mga lingkod ni Jehova, kasama ang mga bata, ang nagpakita ng pambihirang pananampalataya, at marami ang sinubok nang sukdulan. Nitong kalilipas na mga taon, napaharap ang bayan ni Jehova sa pagsubok ng pag-uusig sa mga lupaing tulad ng Burundi, Eritrea, Etiopia, Malawi, Mozambique, Rwanda, Singapore, at Zaire. At nagpapatuloy pa rin ang ganitong uri ng mga pagsubok.

8. Paano ipinakikita ng komento ng isang kapatid na Aprikano na higit pa ang nasasangkot sa pagsubok sa ating pananampalataya kaysa sa pagbabata ng pag-uusig sa pamamagitan ng pambubugbog?

8 Subalit gaya ng nabanggit na, ang ating pananampalataya ay sinusubok din sa mas tusong pamamaraan. Ang ilan sa mga pagsubok ay hindi tuwiran at hindi madaling makilala. Tingnan kung paano ka tutugon sa ilan sa mga sumusunod. Isang kapatid na lalaki sa Angola na may sampung anak ang kabilang sa isang kongregasyon na sa isang panahon ay walang komunikasyon sa mga responsableng kapatid. Nang dakong huli ay naging posible para sa iba na dalawin ang kongregasyong ito. Tinanong siya kung paano niya napakakain ang kaniyang pamilya. Hindi naging madali para sa kaniya na makasagot, at wala siyang nasabi kundi mahirap nga ang situwasyon. Napakakain ba niya ang kaniyang mga anak kahit minsan man lamang sa maghapon? Sumagot siya: “Halos hindi nga. Pinagkakasiya na lang namin kung ano ang mayroon.” Pagkatapos, sa isang matatag na tinig, sinabi niya: “Pero hindi ba iyan ang maaasahan natin sa mga huling araw na ito?” Ang ganitong pananampalataya ay pambihira sa sanlibutan, ngunit pangkaraniwan ito sa mga matapat na Kristiyano, na may lubos na pananalig na matutupad ang mga pangako ng Kaharian.

9. Paano tayo sinusubok may kinalaman sa 1 Corinto 11:3?

9 Sinusubok din ang malaking pulutong may kinalaman sa teokratikong mga kaayusan. Ang pandaigdig na kongregasyong Kristiyano ay pinangangasiwaan ayon sa banal na mga simulain at teokratikong mga pamantayan. Nangangahulugan ito una sa lahat ng pagkilala kay Jesus bilang Lider, ang isa na hinirang na Ulo ng kongregasyon. (1 Corinto 11:3) Ang kusang pagpapasakop sa kaniya at sa kaniyang Ama ay naipakikita sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa teokratikong mga atas at desisyon may kaugnayan sa ating nagkakaisang paggawa ng kalooban ni Jehova. Isa pa, sa bawat lokal na kongregasyon, may mga lalaking hinirang upang manguna. Sila’y mga taong di-sakdal na ang mga pagkakamali’y maaaring madali nating makita; ngunit hinihimok tayo na igalang ang gayong mga tagapangasiwa at maging mapagpasakop. (Hebreo 13:7, 17) Kung minsan ba ay nahihirapan ka sa paggawa nito? Talaga bang ito’y isang pagsubok para sa iyo? Kung gayon, nakikinabang ka ba sa ganitong pagsubok sa iyong pananampalataya?

10. Anong pagsubok ang napapaharap sa atin may kaugnayan sa ministeryo sa larangan?

10 Sinusubok din tayo may kaugnayan sa pribilehiyo at kahilingan na makibahagi nang regular sa ministeryo sa larangan. Upang makapasa tayo sa pagsubok na ito, dapat nating tantuin na ang lubusang pakikibahagi sa ministeryo ay nagsasangkot ng higit pa kaysa kakaunti, o bahagyang pangangaral. Tandaan ang mabuting komento ni Jesus tungkol sa dukhang balo na nagbigay ng lahat niyang tinatangkilik. (Marcos 12:41-​44) Maaaring tanungin natin ang ating sarili, ‘Nagbibigay rin ba ako ng aking sarili kung tungkol sa aking ministeryo sa larangan?’ Lahat tayo ay dapat maging Saksi ni Jehova sa lahat ng panahon, anupat laging handa sa bawat pagkakataon na pasikatin ang ating liwanag.​—Mateo 5:16.

11. Paano maaaring maging isang pagsubok ang mga pagbabago sa pagkaunawa o ang payo hinggil sa paggawi?

11 Ang isa pang pagsubok na maaaring mapaharap sa atin ay may kaugnayan sa antas ng ating pagpapahalaga sa tumitinding liwanag tungkol sa katotohanan ng Bibliya at sa payo na inilalaan sa pamamagitan ng uring tapat na alipin. (Mateo 24:45) Kung minsan ay humihiling ito ng pagbabago sa personal na paggawi, gaya noong naging maliwanag na yaong mga gumagamit ng tabako ay kailangang huminto na kung ibig nilang manatili sa kongregasyon.a (2 Corinto 7:1) O ang pagsubok ay maaaring may kinalaman sa pagtanggap natin sa pangangailangan na baguhin ang ating hilig sa musika o ilang anyo ng paglilibang.b Pag-aalinlanganan ba natin ang karunungan sa payong ibinibigay? O hahayaan nating hubugin ng espiritu ng Diyos ang ating kaisipan at tulungan tayong isuot ang bagong Kristiyanong personalidad?​—Efeso 4:20-24; 5:3-5.

12. Ano ang kailangan upang palakasin ang pananampalataya matapos mabautismuhan ang isa?

12 Sa loob ng mga dekada, dumarami yaong mga kabilang sa malaking pulutong, at pagkatapos na mabautismuhan ay nagpapatuloy sila na patatagin ang kanilang kaugnayan kay Jehova. Higit pa ang nasasangkot dito kaysa sa basta pagdalo lamang sa isang asambleang Kristiyano, pagdalo sa ilang pulong sa Kingdom Hall, o manaka-nakang pakikibahagi sa paglilingkod sa larangan. Bilang paglalarawan: Maaaring ang isang tao sa pisikal na paraan ay nasa labas ng Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ngunit talaga nga kayang tinalikuran na niya ito? Nangungunyapit pa ba siya sa mga bagay na nagpapaaninag ng espiritu ng Babilonyang Dakila​—isang espiritu na lumalapastangan sa mga matuwid na pamantayan ng Diyos? Ipinagwawalang-bahala ba niya ang moralidad at katapatan sa asawa? Higit pa ba niyang pinagtutuunan ng pansin ang personal at materyal na mga kapakanan kaysa espirituwal na mga kapakanan? Oo, siya ba’y nananatiling walang batik mula sa sanlibutan?​—Santiago 1:27.

Kapakinabangan Mula sa Subók na Pananampalataya

13, 14. Ano ang ginawa ng ilan matapos magsimula sa daan ng tunay na pagsamba?

13 Kung tunay ngang nakatakas na tayo mula sa Babilonyang Dakila at nakalabas na mula sa sanlibutan, huwag na nating lingunin pa ang mga bagay na nasa likuran. Kasuwato ng simulaing masusumpungan sa Lucas 9:62, ang paglingon ng sinuman sa atin ay maaaring mangahulugan ng pagkawala ng pribilehiyo na maging sakop ng Kaharian ng Diyos. Sinabi ni Jesus: “Walang taong naglagay na ng kaniyang kamay sa araro at tumitingin sa mga bagay sa likuran ang karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.”

14 Ngunit ang ilan na naging mga Kristiyano noong nakaraan ang mula noo’y nagpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay. Hindi nila pinaglabanan ang espiritu ng sanlibutan. (2 Pedro 2:20-22) Buhos-na-buhos ang interes at panahon nila sa mga makasanlibutang kaabalahan, kung kaya napipigilan ang kanilang pagsulong. Sa halip na laging nakatuong mabuti ang kanilang isip at puso sa Kaharian ng Diyos at sa kaniyang katuwiran, anupat inuuna ito sa buhay, sila’y lumilihis upang itaguyod ang materyalistikong mga tunguhin. Malibang mapakilos sila na kilanlin ang kanilang mahinang pananampalataya at malahiningang kalagayan at magbago ng kanilang landasin sa pamamagitan ng paghiling ng banal na payo, sila’y nanganganib na mawalan ng kanilang katangi-tanging kaugnayan kay Jehova at sa kaniyang organisasyon.​—Apocalipsis 3:15-19.

15. Ano ang kinakailangan upang manatiling kaayaaya sa Diyos?

15 Ang ating pagiging sinang-ayunan at nakahanay para makaligtas sa mabilis-na-dumarating na malaking kapighatian ay depende sa ating pananatiling malinis, na may suot na mahahabang damit na ‘nilabhan sa dugo ng Kordero.’ (Apocalipsis 7:9-14; 1 Corinto 6:11) Kung hindi natin pananatilihin ang isang malinis at matuwid na katayuan sa harap ng Diyos, ang ating sagradong paglilingkod ay hindi magiging kaayaaya. Tunay na dapat matalos ng bawat isa sa atin na ang subók na katangian ng pananampalataya ay tutulong sa atin na makapagbata at makaiwas sa di-pagsang-ayon ng Diyos.

16. Sa anu-anong paraan maaaring mapatunayang isang pagsubok sa ating pananampalataya ang mga kasinungalingan?

16 Kung minsan, ang media at ang sekular na mga awtoridad ay nagpaparatang nang may kamalian sa bayan ng Diyos, anupat pinasasamâ ang ating mga paniniwala at paraan ng pamumuhay bilang mga Kristiyano. Hindi natin dapat ipagtaka ito, sapagkat maliwanag na sinabi ni Jesus na ‘tayo’y kapopootan ng sanlibutan sapagkat hindi tayo bahagi nito.’ (Juan 17:14) Pahihintulutan ba natin ang mga nabulag ni Satanas na takutin at pahinain tayo anupat ikahihiya natin ang mabuting balita? Pahihintulutan ba nating makaapekto sa ating regular na pagdalo sa mga pulong at gawaing pangangaral ang mga kasinungalingan laban sa katotohanan? O tayo ba’y maninindigang matatag at maglalakas-loob at magiging determinado higit kailanman na ipagpatuloy ang paghahayag ng katotohanan hinggil kay Jehova at sa kaniyang Kaharian?

17. Anong katiyakan ang makapagpapasigla sa atin na magpatuloy sa pagpapamalas ng pananampalataya?

17 Ayon sa natupad na hula sa Bibliya, nabubuhay tayo ngayon sa huling bahagi ng panahon ng kawakasan. Ang ating salig-sa-Bibliyang pag-asa sa isang bagong sanlibutan ng katuwiran ay tiyak na magiging isang kaiga-igayang katuparan. Hangga’t hindi pa dumarating ang araw na iyon, harinawang tayong lahat ay magpakita ng walang-tinag na pananampalataya sa Salita ng Diyos at patunayan ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng walang humpay na pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa buong daigdig. Isip-isipin ang libu-libong bagong alagad na nababautismuhan linggu-linggo. Hindi ba sapat na dahilan ito upang makita na ang pagkamatiisin ni Jehova hinggil sa pagsasagawa ng kaniyang hatol ay maaaring magdulot ng kaligtasan ng marami pang tao? Hindi ba tayo nagagalak na pinahintulutan ng Diyos na magpatuloy ang nagliligtas-buhay na gawaing pangangaral ng Kaharian? At hindi ba tayo naliligayahan na milyun-milyon ang tumatanggap ng katotohanan at nagpapamalas ng kanilang pananampalataya?

18. Ano ang iyong pasiya may kinalaman sa paglilingkod kay Jehova?

18 Hindi natin masasabi kung gaano pa katagal magpapatuloy ang kasalukuyang pagsubok sa ating pananampalataya. Ngunit may isang bagay na tiyak: May takdang araw si Jehova ng pagsusulit para sa kasalukuyang balakyot na langit at lupa. Samantala, maging determinado nawa tayo na tularan ang pinakamainam na kaurian ng subók na pananampalataya na ipinamalas ng Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus. At atin nawang tularan ang halimbawa ng may-edad nang pinahirang nalabi sa lupa at ng iba pa na buong katapangang naglilingkod na kasama natin.

19. Ano ang maaari mong matiyak na mananaig sa sanlibutang ito?

19 Dapat tayong maging determinado na ipahayag nang walang humpay ang walang-hanggang mabuting balita sa bawat bansa, tribo, wika, at bayan, bilang pakikipagtulungan sa anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit. Iparinig sa kanila ang anghelikong kapahayagan: “Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian, sapagkat ang oras ng paghatol niya ay dumating na.” (Apocalipsis 14:6, 7) Kapag inilapat na ang banal na kahatulang ito, ano ang magiging resulta sa subók na katangian ng ating pananampalataya? Hindi ba ito magiging isang maluwalhating tagumpay​—ang pagkaligtas mula sa kasalukuyang sistema ng mga bagay tungo sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos? Sa pagbabata sa mga pagsubok sa ating pananampalataya, maaari na nating sabihin, gaya ni apostol Juan: “Ito ang pananaig na dumaig sa sanlibutan, ang ating pananampalataya.”​—1 Juan 5:4.

[Mga talababa]

a Tingnan Ang Bantayan ng Disyembre 1, 1973, pahina 721-36, at The Watchtower ng Hulyo 1, 1973, pahina 409-11.

b Tingnan Ang Bantayan ng Enero 15, 1984, pahina 22-6.

Natatandaan Mo Ba?

◻ Paano maaaring maging isang sanhi ng kagalakan ang mga pagsubok sa ating pananampalataya?

◻ Ano ang ilang pagsubok sa ating pananampalataya na maaaring hindi madaling makilala?

◻ Paano tayo makikinabang sa pamamagitan ng matagumpay na pagbabata ng mga pagsubok sa ating pananampalataya?

[Mga larawan sa pahina 17]

Si A. H. Macmillan (nasa kaliwa sa unahan) noong siya at ang mga opisyal ng Samahang Watch Tower ay di-makatarungang ibinilanggo

Siya ay isang delegado sa kombensiyon sa Detroit, Michigan, noong 1928

Noong kaniyang mga huling taon, nagpamalas pa rin ng pananampalataya si Brother Macmillan

[Larawan sa pahina 18]

Tulad ng pamilyang ito, maraming Kristiyano sa Aprika ang nakapagpamalas na ng isang subók na katangian ng pananampalataya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share