Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 8/15 p. 31
  • Isang Gawaing “Tiyak na Pupukaw ng Paggalang”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Gawaing “Tiyak na Pupukaw ng Paggalang”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 8/15 p. 31

Isang Gawaing “Tiyak na Pupukaw ng Paggalang”

PINAYUHAN ni apostol Pedro ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano: “Panatilihing mainam ang inyong paggawi sa gitna ng mga bansa, upang, sa bagay na sinasalita laban sa inyo na gaya ng mga manggagawa ng kasamaan, ay luwalhatiin nila ang Diyos . . . bilang resulta ng inyong maiinam na gawa na dito sila ay mga saksing nakakita.” (1 Pedro 2:12) Sa loob ng maraming taon ay hayagang ipinakita ng mga Saksi ni Jehova sa Italya ang gayong mainam na paggawi. Sa diwa ng tagubilin ni Jesus na ‘mangaral mula sa mga tuktok ng bahay,’ kanilang isinasagawa ang kanilang Kristiyanong gawain nang hayagan, lubusang nakikita ng madla. (Mateo 10:27; Juan 18:20) Kaya naman, nang maglathala ang isang Italyanong abogado at isang pari ng mga akusasyon na ang mga Saksi ni Jehova ay “isang sektang nagpapanggap na relihiyoso” at kabilang sila sa “mga lihim na samahang nanlilinlang ng mga tao,” nagpasiya ang mga Saksi na gumawa ng legal na hakbang dahil sa mga mapanirang pananalita.

Sa unang paglilitis, ipinasiya ng hukuman na walang nilabag na batas ang abogado at ang pari. Gayunman, noong Hulyo 17, 1997, pinawalang-bisa ng Hukuman ng Paghahabol sa Venice ang pasiya ng unang hukuman, at nasumpungan nitong maysala ang dalawang nasasakdal. Ipinahayag ng Hukuman ng Paghahabol: “Ang dalawang nailathalang artikulong pinag-uusapan ay naglalaman ng pananalitang tiyak na makasisira sa reputasyon ng mga tagasunod ng relihiyon ng ‘mga Saksi ni Jehova.’ Maliwanag na ang layunin ng mga artikulo ay upang ibilad ang mga tagasunod nito sa pangmadlang pagdusta.” Binanggit ng hukuman na ang mga artikulo ay “hindi maituturing na wastong paggamit ng karapatang mag-ulat at pumuna.” Pinagmulta ng hukuman ang dalawang maninirang-puri at inutusan din silang bayaran ang lahat ng ginastos sa paglilitis, pati na ang gastusin ng mga Saksi ni Jehova sa paglilitis sa dalawang kaso.

Sa nasusulat na kapasiyahan nito, ang Hukuman sa Paghahabol ng Venice ay nagkomento: “Tanging sa pamamagitan ng pantay-pantay na pagpapatupad at pagbabantay sa lahat ng mga karapatang ginagarantiyahan ng Saligang-Batas [ng Italya] maaaring maiwasan ang mga anyo ng di-pagpaparaya at pagkapanatiko sa relihiyon.” Kinilala ng kapasiyahan na ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay hindi lihim ni ito man ay nagpapanggap na relihiyoso. “Ang pag-uuri sa mga Saksi sa mga lihim na samahan,” ang sinabi ng hukuman, “ay hindi man lamang pagpapahalaga sa makasaysayang katotohanan, yamang ang naturang relihiyon ay makikita sa maraming lunsod at ang malawakang gawain ng pangungumberte na isinasagawa ng mga miyembro nito, lalo na kung Linggo at iba pang pista opisyal, ay kilalang-kilala at tiyak na pupukaw ng paggalang para sa mga pagsisikap na ginagawa, anuman ang isipin ng isa hinggil sa doktrinang ipinangangaral.” Sa gayon, ang ulat ng masigasig na pangangaral at huwarang paggawi ng mga Saksi ni Jehova sa Italya ay nakatulong na mapawi ang pagtatangi laban sa kanila.​—Mateo 5:14-16; 1 Pedro 2:15.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share