“Sino ang Nagsilang sa mga Patak ng Hamog?”
INILARAWAN ng isang ika-19 na siglong peryodista ang mga patak ng hamog bilang “ang likidong hiyas ng lupa na inanyuan ng hangin.” Tinanong ng ating Maylalang ang sinaunang patriyarkang si Job: “Sino ang nagsilang sa mga patak ng hamog?” (Job 38:28) Ipinapaalaala ng Diyos kay Job ang banal na pinagmulan ng mahalagang hamog.
Bukod sa makinang at tulad-hiyas na kagandahan nito, ang hamog ay iniuugnay ng Bibliya sa pagpapala, kakayahang mag-anak, kasaganaan, at pagpapanatili ng buhay. (Genesis 27:28; Deuteronomio 33:13, 28; Zacarias 8:12) Sa mga panahon ng tag-init at walang-ulan sa Israel, “ang hamog ng Hermon” ang nagpanatiling buháy sa mga pananim ng lupain, at samakatuwid, sa mga mamamayan nito. Ang magubat at punô-ng-niyebeng mga taluktok ng Bundok Hermon ay naglalabas pa rin ng singaw kung gabi na siyang nagiging saganang hamog. Inihalintulad ng salmistang si David ang pagpapanariwang dulot ng hamog na ito sa nakalulugod na karanasan ng pagtahan nang nagkakaisa kasama ang mga kapuwa mananamba ni Jehova.—Awit 133:3.
Ang mga tagubilin ni propeta Moises sa Israel ay banayad at nakapananariwa, tulad ng mga patak ng hamog. Kaniyang sinabi: “Ang aking pananalita ay papatak-patak na gaya ng hamog, gaya ng banayad na ulan sa damo at gaya ng saganang ulan sa pananim.” (Deuteronomio 32:2) Sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay naghahayag ng nagbibigay-buhay na mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos hanggang sa mga kadulu-duluhang bahagi ng lupa. (Mateo 24:14) Ipinaaabot ng Diyos ang paanyaya: “ ‘Halika!’ At ang sinumang nauuhaw ay pumarito; ang sinumang nagnanais ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.” (Apocalipsis 22:17) Milyun-milyong tao sa lahat ng mga bansa ang tumatanggap ng alok na ito ng espirituwal na pagpapanariwa mula sa Diyos, na makatutustos sa buhay nang walang hanggan.