Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
Pangangaral ‘sa Kaayaayang Kapanahunan at sa Maligalig na Kapanahunan’
NANG lumaganap ang digmaan sa bansang Bosnia at Herzegovina, libu-libo ang dumanas ng matinding paghihirap. Sa mahirap na panahong iyon, ginawa ng mga Saksi ni Jehova ang lahat ng magagawa nila upang magdala ng pampatibay-loob at pag-asa sa mga tao. Ang sumusunod ay mga halaw mula sa isang liham na isinulat ng isang Saksi na naglingkod sa loob ng mahaba-habang panahon sa Sarajevo.
“Mahirap ang buhay rito, subalit maganda ang pagtanggap ng mga tao sa katotohanan ng Bibliya. Isang kamangha-manghang halimbawa sa pagtitiyaga ang lokal na mga Saksi. Walang-wala sila sa materyal, subalit napakahusay ng kanilang espiritu. Halos lahat ng mga kabataan sa kongregasyon ay nasa buong-panahong ministeryo. Napatitibay ang bagong mga mamamahayag sa sigasig na ito, at karaniwan na sa kanila ang gumugol ng 60 oras o higit pa sa isang buwan sa ministeryo mula sa kanilang unang buwan ng paglilingkod.
“Bukod pa sa pangangaral sa bahay-bahay, sinubukan namin ang iba’t ibang paraan upang marating ang mga tao. Halimbawa, nagkaroon kami ng mabubuting resulta sa pamamahagi ng mga publikasyon ng Bibliya sa maraming sementeryo sa lunsod.
“Nakapagpatotoo na rin sa mga ospital. Sa Cardiology Department ng isang ospital sa Sarajevo, tinanggap ng punong manggagamot ang Disyembre 8, 1996, na Gumising!, na may paksang pabalat na ‘Atake sa Puso—Ano ang Maaaring Gawin?’ Humingi siya ng karagdagang mga kopya upang maibahagi niya ito sa iba pang doktor. Pagkatapos ay binigyan ng pahintulot ang mga Saksi na dumalaw sa lahat ng pasyente sa kaniyang departamento. Kaya, sa loob lamang ng mahigit-higit na isang oras, mahigit sa 100 magasin ang naipamahagi sa mga higaan. Maraming pasyente ang nagsabi na ito ang kauna-unahang pagkakataon na may dumalaw sa kanila sa ospital upang magbigay ng pampatibay-loob at pag-asa.
“Sa ibang pagkakataon ang Pediatric Department naman ang dinalaw na taglay ang mga artikulo sa magasin na angkop sa mga bata. Tinanggap din ng punong manggagamot ang ilang kopya ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya para sa silid na ginagamit sa pagbabasa. Binabasahan na ngayon ng mga ina na dumadalaw sa kanilang mga anak ang mga ito ng mga kuwento sa Bibliya araw-araw. Nagsaayos din na dalawin ang doktor na ito sa kaniyang tahanan.
“May libu-libong sundalo ng NATO [North Atlantic Treaty Organization] na may iba’t ibang nasyonalidad sa Sarajevo. Sila man ay tumanggap ng mainam na patotoo. Kung minsan ay nilalapitan namin ang mga armored car na ginagamit ang pulyetong Good News for All Nations kasama ang mga magasing Bantayan at Gumising! sa iba’t ibang wika. Mahigit sa 200 magasin ang naipamahagi sa mga kuwartel ng mga sundalong Italyano. Nakapagtataka, maraming sundalong Italyano ang nagsabi na wala pa silang nakakausap na mga Saksi ni Jehova. Buweno, nakausap namin sila sa Sarajevo.
“Isang araw, isang armored car ang nakaparada sa tabi ng daan. Kinatok ko ng aking payong ang sasakyan, at lumabas ang isang sundalo. Inalok ko siya ng Bantayan na ang pamagat sa pabalat ay ‘Mga Mensahero ng Kapayapaan—Sino Sila?’ Tiningnan ako ng sundalo at nagtanong, ‘Isa ka sa mga Saksi ni Jehova, di ba?’ Nang malaman niya na Saksi nga ako, siya’y sumagot, ‘Hindi yata ako makapaniwala; nandito rin kayo! Mayroon bang dako sa lupa na walang mga Saksi?’ ”
Nagpayo si apostol Pablo: “Ipangaral mo ang salita, maging apurahan ka rito sa kaayaayang kapanahunan, sa maligalig na kapanahunan.” (2 Timoteo 4:2) Katulad ng kanilang mga kapananampalataya sa buong daigdig, gayon ang ginagawa ng mga Saksi ni Jehova sa Sarajevo, sa mga higaan at sa mga armored car!