Nais ng Bawat Isa na Maging Malaya
“Ang tao ay isinilang na malaya, gayunman siya’y nakatanikala,” sulat ng pilosopong Pranses na si Jean-Jacques Rousseau noong 1762. Isinilang na malaya. Kay gandang isipin! Subalit gaya ng napansin ni Rousseau, milyun-milyong tao sa buong kasaysayan ang hindi kailanman nakaranas ng kalayaan. Sa halip, ginugol nila ang kanilang buhay na “nakatanikala,” bilanggo sa isang sistema na nag-alis sa kanila ng anumang namamalaging kaligayahan at kasiyahan sa buhay.
NASUSUMPUNGAN pa rin ng milyun-milyon ngayon na “ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9) Sa kanilang paghahangad ng kapangyarihan, ang ambisyosong mga lalaki’t babae ay patuloy na nagpapakita ng kaunti o walang pagkabahala sa paglupig sa kalayaan ng iba. “Pinatay ng naghuhuramentadong pangkat ng mamamatay-tao ang 21 katao,” sabi ng isang karaniwang ulat. Iniulat pa ng isa ang tungkol sa “walang-awang pagpatay,” anupat ‘pinapatay [ng hukbong panseguridad] ang walang kalaban-laban na kababaihan, mga bata at matatanda, ginigilitan ng leeg, binabaril sa ulo ang sibilyan na mga bilanggo, at sinusunod ang patakarang sunóg na lupa sa pamamagitan ng pananalanta sa mga nayon at walang-pinipiling pagkanyon.’
Hindi kataka-taka na taimtim na hinahangad at tunay na ipinaglalaban ng mga tao ang kalayaan mula sa paniniil! Gayunman, ang malungkot na katotohanan ay na sa pakikipaglaban para sa kalayaan ng isang tao, kadalasang nayuyurakan ang mga karapatan at kalayaan ng iba. Halos talagang naisasakripisyo ang walang-salang mga lalaki, babae, at mga bata sa paggawa nito, anupat ang kanilang kamatayan ay “nabibigyan-katuwiran” sa pagsasabing ang simulaing ipinaglalaban ay karapat-dapat at makatarungan. Halimbawa, sa Ireland noong nakaraang taon, isang bomba sa kotse na inilagay ng “mga tagapagtanggol ng kalayaan” sa isang maliit na bayan ng Omagh ang sumawi sa 29 na inosenteng miron at puminsala sa daan-daan pa.
“Nakatanikala” Pa Rin
Pagkatapos ng pakikipagbaka, ano ang natamo? Pagkatapos mawagi ng “mga tagapagtanggol ng kalayaan” ang kanilang mga pakikipagbaka, maaaring limitadong kalayaan lamang ang nawagi. Subalit, talaga bang malaya sila? Hindi ba’t totoo na kahit na sa pinakamalayang lipunan sa tinatawag na malayang daigdig, ang mga tao’y “nakatanikala” pa rin sa malulupit na panginoon na gaya ng karalitaan, di-kasakdalan, sakit, at kamatayan? Paano nga masasabi ng sinuman na siya ay tunay na malaya hangga’t patuloy na inaalipin siya ng mga bagay na ito?
May-katumpakang inilarawan ng sinaunang manunulat ng Bibliya na si Moises kung ano nga ang buhay para sa marami sa buong kasaysayan at kung ano pa rin ito sa ngayon. Maaari tayong mabuhay ng 70 o 80 taon, aniya, “ngunit ang kanilang pinagpupunyagian ay ang kabagabagan at nakasasakit na mga bagay.” (Awit 90:10) Magbabago pa kaya ito? Magiging posible ba para sa ating lahat na mabuhay nang lubos na kasiya-siyang buhay, malaya sa kirot at sindak na nararanasan ng napakarami sa ngayon?
Ang Bibliya ay nagsasabing oo! Binabanggit nito ang tungkol sa “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Roma 8:21) Maingat nating isaalang-alang ang kalayaang ito, na binanggit noong unang siglo ni apostol Pablo sa isang liham na isinulat niya sa mga Kristiyano sa Roma. Malinaw na ipinaliliwanag ni Pablo sa sulat na ito kung paano makakamit ng bawat isa sa atin ang tunay at namamalaging “maluwalhating kalayaan.”
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Mula sa aklat na Beacon Lights of History, Tomo XIII