Pinasaya ng Isang Makasaysayang Pagdalaw ang Isang Isla
Ang Cuba, isang magandang isla sa Caribbean, ay nakaranas kamakailan ng walang-katulad na panahon ng espirituwal na kaginhawahan. Ang pagtatapos ng 1998 ay nagdulot ng matagal-nang-inaasam na pagpapala para sa mga Saksi ni Jehova na naninirahan sa bansang ito sa West Indies. Sa unang pagkakataon sa mahigit na 30 taon, dumalaw roon ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, at kasama nila ang 15 pang delegado. Ang mga panauhin ay mga mamamayan ng Australia, Austria, Belgium, Gran Britanya, Italya, New Zealand, at Puerto Rico.
ITO ay isang makasaysayang pangyayari para sa 82,258 mamamahayag ng Kaharian doon at sa 87,890 na nakisama sa kanila sa pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon noong tagsibol ng 1998.
Mula Disyembre 1 hanggang 7, 1998, dinalaw nina Lloyd Barry, John Barr, at Gerrit Lösch ang Tahanang Bethel sa Havana at dinaluhan ang ilan sa “Ang Daan ng Diyos Ukol sa Buhay” na Pandistritong mga Kombensiyon na ginanap sa Cuba. Sila’y natutuwa na makatagpo ang naglalakbay na matatanda at higit na makilala ang mga opisyal ng bayan ng Cuba.
“Ito ay isang tampok na teokratikong bahagi sa buhay ko at ng aking asawa,” ang sabi ni John Barr. “Ang ating minamahal na mga kapatid sa Cuba ay lipos ng sigasig sa katotohanan! Lumisan akong taglay sa damdamin ang tunay na kahalagahan ng ating pambuong-daigdig na kapatiran!” “Ang napakahalagang linggong ito ay tumulong sa akin na higit na maunawaan ang kalagayan ng ating mga kapatid doon,” ang susog pa ni Lloyd Barry.
Sa nakalipas na limang taon, ang mga Saksi ni Jehova ay pinagkalooban ng higit na kalayaan ng pagsamba sa Cuba, at ang mga komento ng mga awtoridad sa Cuba ay umaakay sa isa na maniwala na nais nilang magpatuloy ang takbong ito ng mga pangyayari.
Noong Setyembre 1994, itinatag ang gawaing paglilimbag sa Tahanang Bethel sa Havana. Muli, ang mga Saksi ni Jehova ay nakapagtipon nang hayagan at nakapagpatotoo sa bahay-bahay. Nang maglaon, noong 1998, pinahintulutan ng mga awtoridad ang pagdalaw na ito ng internasyonal na delegasyon na binubuo ng 18 Saksi ni Jehova, kabilang na ang tatlong miyembro ng Lupong Tagapamahala.
Maligayang Pagsasama-samang Muli
Nang dumating ang delegasyon sa paliparan ng José Martí sa Havana, sila’y malugod na tinanggap ng isang pangkat ng mga opisyal ng bayan at ng isang grupo mula sa Tahanang Bethel, kabilang sa mga ito ang isang kapatid na lalaki na nakaalaala sa huling pagdalaw sa Cuba ng isang miyembro ng Lupong Tagapamahala—si Milton Henschel—noong 1961. Ang kapatid na lalaki ay 12 anyos noon; siya ngayon ay isa nang naglalakbay na tagapangasiwa.
Nang dumating ang mga delegado sa Tahanang Bethel, sinalubong sila na taglay ang mga pumpon ng gladyola, rosas, hasmin, at kulay dilaw at pulang mga daisy, na itinanim ng isang kapatid na lalaki para lamang sa okasyong ito. Tumulo ang mga luha habang malugod na tinatanggap ng pamilyang Bethel ang mga delegado. Bandang huli, nagsalu-salo sila sa pagkain ng baboy na inihaw sa paraan ng taga-Cuba, ng kanin at patani, ensalada, yucca na may mojo (isang sarsa na gawa sa bawang at langis ng olibo), at ng sariwang prutas. Pagkatapos ng kainan, ang bawat miyembro ng Lupong Tagapamahala ay nagbigay ng isang nakapagpapatibay na pahayag tungkol sa kahalagahan ng paglilingkod sa Bethel. Partikular na nakaaantig ang mga komento ni Brother Lösch, habang siya’y nagpapahayag sa mga kapatid sa wikang Kastila. Ang pamilyang Bethel ay binubuo ng 48 regular na boluntaryong manggagawa at 18 pansamantalang katulong.
Bagaman ang mga aklat at mga Bibliya ay nililimbag sa Italya para sa mga kapatid sa Cuba, ang itim-at-puting edisyon ng mga magasing Bantayan at Gumising! ay ginagawa mismo sa bansa, sa dalawang makinang pang-mimeograph. Kinakailangan ang mahahabang oras at paulit-ulit na manu-manong pagtatrabaho sa masisikip na lugar upang magawa ang lahat ng magasin na kailangan. Pinahahalagahan ng mga boluntaryo ang kanilang napakahalagang paglilingkod kay Jehova sa isang lubhang natatanging paraan.—2 Corinto 4:7.
Mga Tampok na Bahagi sa Kombensiyon
Ang 18 miyembro ng delegasyon ay hinati sa tatlong grupo upang daluhan ang pandistritong mga kombensiyon na ginanap sa tatlong lugar—sa Havana, Camagüey, at Holguín. Bawat isa sa tatlong araw, isang malaking grupo ng mga kapatid, kasali na ang maraming elder at payunir, ang inanyayahang dumalo sa bawat lugar ng kombensiyon. Sinabihan ang mga Saksi roon na ito ay magiging isang pantanging okasyon, subalit hindi nila alam na dadalo ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala. Gunigunihin ang pagkagulat nila nang makita ang minamahal na mga kapatid na lalaking ito at ang kani-kanilang asawa na bumababa sa inarkilang bus noong Biyernes ng umaga!
Ang mga kombensiyon ay ginanap sa walang-dingding na mga pasilidad na itinayo ng mga kapatid nang may kapahintulutan ng mga awtoridad. Sa lugar ng kombensiyon sa Havana, nakaukit sa isa sa mga pasukang bato ang “Awit 33:1.” Ipinaalaala nito sa mga kapatid ang mga salitang masusumpungan sa tekstong iyon: “Narito! Anong buti at anong kaiga-igaya na ang magkakapatid ay manahanang magkakasama sa pagkakaisa!” Walang-alinlangan, sa panahon ng kombensiyon, nagkaroon ng mabubuti at maiigayang pagsasamahan sa lugar na iyon.
Pinuri ng mga bisita ang napakahusay na paraan ng pagpapahayag at pakikipanayam, at sila’y humanga sa presentasyon ng drama, na salig sa kuwento ng Bibliya sa Daniel kabanata 3, na ang tagpo ay parang sa sinaunang Babilonya. Ganito ang komento ng isang kapatid na babae: “Mahuhusay ang lahat ng gumanap, at nasasabayang mabuti ang mga boses anupat hindi mo mapapansin na patiuna palang inirekord ang mga boses. . . . Ang masasamang taga-Babilonya ay talagang mukhang masasama, at ang tatlong Hebreo ay matatatag at determinado.”
Ang mga kinatawan ng Office of Religious Affairs at ang iba pang opisyal ng pamahalaan na dumalo upang makita ang mga kombensiyon ay pumuri sa mga kapatid dahil sa kanilang kaayusan at mainam na paggawi. Ipinahayag ni Brother Barry ang kaniyang taimtim na pasasalamat sa napakahusay na pakikitungong ipinakita ng mga awtoridad ng Cuba sa mga dumadalaw na delegado. Sa pamamagitan ng masigabong pagpapalakpakan nang nakatayo, na kadalasa’y tumatagal nang ilang minuto, ipinahayag ng mga kapatid ang kanilang pagpapahalaga sa mga pahayag, at gayundin sa pagpapahintulot ng mga awtoridad sa mga kombensiyon. “Higit pa ito sa inaasahan namin—isang maliit na internasyonal na kombensiyon!” ang sabi ng isang pamilyang Kristiyano. “Tunay na kamangha-mangha ito, sapagkat pinatunayan nito ang dakilang kapangyarihan ni Jehova sa pagtupad ng kaniyang mga pangako.”
Ang mga kombensiyon ay naglaan din ng pagkakataon sa iba upang makilala ang mga Saksi. Isa sa mga drayber ng bus ang dumalo sa kombensiyon noong Sabado at muli noong Linggo. Sinabi niya na marami na siyang narinig tungkol sa mga Saksi ni Jehova, ngunit alam na niya ngayon na sila’y mabubuti at mapapayapang tao.
“Mga Bagay na Hindi Namin Malilimutan Kailanman”
Ang pagiging magiliw at palakaibigan ng mga taga-Cuba ay hinangaan ng mga delegado. Ang mga taga-Cuba ay masisipag, maprinsipyo, at mababait. “Hindi lamang miminsan kaming inalok ng tulong ng mga hindi namin kakilala,” ang sabi ng isang delegado.
Ang mga delegado ay lubhang humanga sa pananampalataya, kaligayahan, at pag-ibig na ipinakita ng mga kapuwa Saksi sa Cuba. Sa kabila ng malalaking hadlang, ginagawa pa rin nilang moog si Jehova. (Awit 91:2) Sinabi ni John Barr: “Napakaraming bagay ang nakamangha sa akin sa unang pagdalaw kong ito sa Cuba—ang kagandahan ng bansa, ang kalugud-lugod na ugali ng mga taong nakilala ko, at higit sa lahat, ang kasiglahan ng mga Saksi sa Cuba. Hindi pa ako nakarinig kailanman sa tanang buhay ko ng gayong kataos-pusong pag-awit ng awiting pang-Kaharian at ng gayong kahabang palakpakan kapag ang kanilang puso ay naaantig ng espirituwal na mga bagay! Ito ang mga bagay na hindi namin malilimutan kailanman. Lagi naming gugunitain ang mga ito.”
Ang Awit 97:1 ay nagsasabi: “Magsaya ang maraming mga pulo.” Tunay na ang mga Saksi ni Jehova sa isla ng Cuba ay nagsasaya dahil sa kanilang naragdagang kalayaan sa pagsamba sa Diyos at dahil sa makasaysayang pagdalaw ng internasyonal na delegasyong ito.
[Mga larawan sa pahina 8]
Maraming pamilya ang dumalo sa pantanging “Ang Daan ng Diyos Ukol sa Buhay” na Pandistritong mga Kombensiyon sa Cuba
[Larawan sa pahina 8]
Muling binuksan ang Tahanang Bethel sa Havana noong 1994
[Larawan sa pahina 8]
Nilalagdaan ng mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ang mga Bibliyang ipinagkaloob sa mga opisyal ng bayan