Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
“Sa Diyos ang Lahat ng mga Bagay ay Posible”
ANG mga pananalitang nasa itaas, na masusumpungan sa Mateo 19:26, ay napatunayang totoo ng isang dalagita sa Venezuela. Nang matuto siyang maglagak ng lubos na pagtitiwala kay Jehova, napagtagumpayan niya ang isang malubhang suliranin. Sabi niya:
“Napakabait at maibigin ang aking lola. Nakalulungkot, namatay siya nang ako’y 16 anyos pa lamang. Isang matinding dagok sa akin ang pagkamatay niya. Ako’y naging di-timbang, ayaw kong lumabas ng bahay sa bakuran. Halos magkulong ako at mamuhay nang nag-iisa.
“Hindi ako nag-aral, at wala akong trabaho. Basta nagkulong ako sa aking kuwarto. Nag-iisa at wala man lamang kaibigan, dumanas ako ng matinding panlulumo. Nakadama ako nang kawalang-halaga at nais ko nang mamatay at wakasan na ang aking buhay. Palagi kong tinatanong ang aking sarili, ‘Bakit ba ako nabubuhay pa?’
“Ang aking nanay ay tumatanggap ng mga magasing Bantayan at Gumising! mula sa isang kabataang Saksi na nagngangalang Gisela. Isang araw, nakita ng aking nanay si Gisela habang siya’y nagdaraan sa aming bahay at hiniling na ako’y tulungan. Sumang-ayon si Gisela na susubukin niya, subalit tumanggi akong makipagkita sa kaniya. Hindi ito nakasirang-loob kay Gisela. Sinulatan niya ako at sinabi sa akin na gusto niya akong maging kaibigan at na mayroon pang mas importante kaysa sa kaniya na gusto ring maging kaibigan ako. Ang personang iyon, sabi niya, ay ang Diyos na Jehova.
“Nakaantig ito sa akin, at sinagot ko ang kaniyang liham. Nagsulatan kami sa loob ng tatlong buwan. Tanging sa paghikayat at paghimok ni Gisela, sa wakas ay nakasumpong ako ng lakas ng loob na makipagkita sa kaniya. Sa aming unang pagkikita, inaralan ako ni Gisela sa Bibliya, na ginagamit ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. Pagkatapos ng pag-aaral, inanyayahan niya akong dumalo sa isang pulong sa lokal na Kingdom Hall. Nabigla ako. Hindi pa ako lumabas ng bahay sa loob ng apat na taon, at ang isipin lamang na lumabas sa lansangan ay nakatatakot na.
“Napakatiyaga ni Gisela sa akin. Tiniyak niya sa akin na walang dapat ikatakot at na sasamahan niya ako sa pulong. Sa wakas ay pumayag ako. Pagdating namin sa Kingdom Hall, nanginig ako at pinagpawisan. Hindi ko mabati ang sinuman. Gayunpaman, sumang-ayon akong patuloy na dumalo sa mga pulong, at walang-sawang sinusundo ako ni Gisela linggu-linggo.
“Upang tulungan akong madaig ang aking nerbiyos, maaga kaming nagtutungo ni Gisela sa mga pulong. Tumatayo kami sa may pinto at binabati ang lahat habang sila’y dumarating. Sa ganitong paraan ay nakakaharap ko ang isa o dalawang tao lamang sa isang pagkakataon, sa halip na ang buong grupo nang minsanan. Kapag inaakala kong hindi ko na kaya ito, binabanggit sa akin ni Gisela ang Mateo 19:26: ‘Sa mga tao ito ay imposible, ngunit sa Diyos ang lahat ng mga bagay ay posible.’
“Bagaman hindi madali, sa wakas ay nakadadalo na ako sa mas malalaking pagtitipon ng mga tao sa isang pansirkitong asamblea. Anong laking hakbang nito para sa akin! Noong Setyembre 1995, nagkaroon ako ng lakas ng loob na makipag-usap sa matatanda tungkol sa pakikibahagi sa ministeryo sa bahay-bahay. Pagkaraan ng anim na buwan, noong Abril 1996, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.
“Nang may magtanong sa akin kamakailan kung paano ko nasumpungan ang lakas ng loob na gawin ito, sumagot ako: ‘Ang pagnanais kong palugdan si Jehova ay mas matindi kaysa sa takot ko.’ Bagaman dumaranas pa rin ako paminsan-minsan ng panlulumo, nadaragdagan ang kagalakan ko sa pamamagitan ng paglilingkod ko bilang isang regular pioneer. Sa paggunita sa nakaraan, sumasang-ayon ako kay Gisela. Mayroon na ako ngayong isang Kaibigan na interesado sa akin at isa na ‘nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.’”—Filipos 4:13.
[Mga larawan sa pahina 8]
“Ang pagnanais kong palugdan si Jehova ay mas matindi kaysa sa takot ko”