Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 9/15 p. 2-4
  • Talaga Bang may Nagmamalasakit?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Talaga Bang may Nagmamalasakit?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pangangailangan Para sa Isang Magmamalasakit
  • Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos?
    Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos?
  • Talaga Bang May Nagmamalasakit sa Akin?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Bibliya ni Bedell—Isang Maliit na Hakbang Para Mas Maunawaan ang Bibliya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Talagang may Nagmamalasakit
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 9/15 p. 2-4

Talaga Bang may Nagmamalasakit?

“Ang mga luha ng mga sinisiil” ay naging isang baha. Ito’y iniluha ng mga biktima ng di-mabilang na “paniniil” sa buong daigdig. Kadalasang nadarama niyaong mga naging biktima na sila’y “walang mang-aaliw”​—na talagang walang nagmamalasakit sa kanila.​—Eclesiastes 4:1.

SA KABILA ng hugos na ito ng mga luha, ang ilan ay hindi naaantig sa mga pagdurusa ng kanilang mga kapuwa-tao. Nagbubulag-bulagan sila sa paghihirap ng ibang tao, gaya ng ginawa ng saserdote at Levita sa ilustrasyon ni Jesu-Kristo tungkol sa isang taong sinalakay, pinagnakawan, at iniwang halos patay na sa tabi ng daan. (Lucas 10:30-32) Basta mabuti ang mga bagay-bagay para sa kanila at sa kanilang mga pamilya, hindi sila nababahala sa iba. Sa katunayan, sinasabi nila, “Anong pakialam ko?”

Hindi natin dapat ikabigla ito. Inihula ni apostol Pablo na sa “mga huling araw” maraming tao ang mawawalan ng “likas na pagmamahal.” (2 Timoteo 3:1, 3) Isang nagmamasid ang nanangis sa nangyayaring kawalan ng malasakit. “Ang dating pilosopiya at tradisyon sa Ireland na pagmamalasakit at pagbabahagi,” aniya, “ay napalitan na ng isang bagong kodigo ng pagiging makasarili.” Sa buong daigdig, ang mga tao’y gumagawa at kumukuha para sa kanilang sarili, taglay ang halos ganap na kawalang-malasakit sa suliranin ng iba.

Pangangailangan Para sa Isang Magmamalasakit

Tiyak na may pangangailangan para sa isang magmamalasakit. Halimbawa, isipin ang tungkol sa isang nangungulilang lalaki sa Alemanya na “nasumpungang nakaupo sa harap ng kaniyang telebisyon​—limang taon pagkatapos niyang mamatay noong Pasko.” Ang “diborsiyado at may kapansanang taong [ito] na nag-iisa,” palibhasa’y dumanas ng kapaitan dahil sa kaniyang malulungkot na karanasan sa buhay, ay hindi man lang hinahanap hanggang sa maubos na ang pera niya sa bangko na nagbabayad ng kaniyang upa. Talagang walang nagmamalasakit sa kaniya.

Isip-isipin din ang kaawa-awang mga biktima ng makapangyarihan at sakim na mga panginoon. Sa isang lugar, mga 200,000 katao (sangkapat ng populasyon) ang “namatay dahil sa paglupig at taggutom” pagkatapos na may karahasang kamkamin mula sa kanila ang kanilang lupa. O isipin ang mga bata na nalantad sa halos di-kapani-paniwalang kalupitan. Ganito ang sabi ng isang ulat: “Ang porsiyento ng mga bata sa [isang lupain] na nakasaksi sa maraming kabuktutan​—pagpatay, pambubugbog, panghahalay, kung minsan ay ginagawa ng ibang tin-edyer, ay napakalaki.” Mauunawaan mo kung bakit may pagluha na maitatanong ng isang biktima ng gayong kawalang-katarungan, “Talaga bang may sinumang nagmamalasakit sa akin?”

Ayon sa isang ulat ng United Nations, 1.3 bilyon katao sa papaunlad na mga bansa ang kailangang makaraos sa katumbas na wala pang isang dolyar ng Estados Unidos sa isang araw. Tiyak na nagtatanong sila kung mayroon bang nagmamalasakit. Gayundin ang libu-libong lumikas na, sabi ng isang ulat ng The Irish Times, “napapaharap sa mahirap at hindi kanais-nais na pagpili, kung mananatili sa isang napakaabang kampo o sa hindi mapagpatuloy na bansa o magtangkang bumalik sa lupang tinubuan na hinahati [o, ginigiyagis] ng digmaan o ng etnikong pagkakabaha-bahagi.” Isinama ng ulat ding iyon ang nakapanlulumong pamamaraan: “Ipikit mo ang iyong mga mata, bumilang ka ng hanggang tatlo, isang bata ang kamamatay lamang. Isa sa 35,000 bata na mamamatay ngayon dahil sa malnutrisyon o maiiwasan sanang karamdaman.” Hindi kataka-taka na marami ang humihiyaw dahil sa kabagabagan at kapaitan!​—Ihambing ang Job 7:11.

Ang lahat bang ito’y talagang nilayon? Sa totoo, mayroon bang sinuman na hindi lamang nagmamalasakit kundi mayroon ding kapangyarihan na ihinto ang pagdurusa at lunasan ang lahat ng paghihirap na naranasan na ng tao?

[Picture Credit Line sa pahina 2]

Cover and page 32: Reuters/Nikola Solic/Archive Photos

[Picture Credit Line sa pahina 3]

A. Boulat/Sipa Press

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share