Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w00 10/1 p. 30-31
  • Isang “Mapanghalinang Kambing-Bundok”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang “Mapanghalinang Kambing-Bundok”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
w00 10/1 p. 30-31

Isang “Mapanghalinang Kambing-Bundok”

ANG mapanghalina ay isang pang-uri na hindi gagamitin ng karamihan sa atin upang ilarawan ang isang kambing. Maaari nating isipin ang mga kambing bilang kapaki-pakinabang na mga hayop na kakainin ang halos lahat ng bagay at na maglalaan sa atin ng masarap na karne at masustansiyang gatas​—subalit malabong tawagin natin ang mga ito na mapanghalina.

Gayunpaman, inilalarawan ng Bibliya ang isang asawang babae na “isang kaibig-ibig na babaing usa at mapanghalinang kambing-bundok.” (Kawikaan 5:18, 19) Si Solomon, isang manunulat ng aklat ng Kawikaan, ay isang matalas na tagapagmasid ng buhay-iláng ng Israel, kaya walang alinlangang may mabuting dahilan siya sa paggamit ng metaporang ito. (1 Hari 4:30-33) Marahil, tulad ng kaniyang amang si David, napagmasdan niya ang mga kambing-bundok na malimit sa palibot ng En-gedi, na malapit sa mga dalampasigan ng Dagat na Patay.

Ang mumunting kawan ng mga kambing-bundok na nakatira malapit sa Disyerto ng Judea ay regular na dumadalaw sa bukal ng En-gedi. Yamang ito lamang ang maaasahang pinagmumulan ng tubig sa tigang na dakong ito, ang En-gedi ang paboritong patubigan para sa mga kambing-bundok sa loob ng mga dantaon. Sa katunayan ang pangalang En-gedi ay malamang na nangangahulugang “bukal ng bisirong kambing,” isang patotoo sa palaging pagkanaroroon ng mga bisirong kambing sa dakong ito. Dito nakasumpong ng kanlungan si Haring David nang usigin siya ni Haring Saul, bagaman nanirahan siyang parang isang taong takas “sa mga hantad na bato ng mga kambing-bundok.”​—1 Samuel 24:1, 2.

Sa En-gedi, mamamasdan mo pa rin ang isang babaing ibex, o kambing-bundok, na maingat at may kagandahang bumababa sa isang mabatong bangin habang sumusunod sa isang lalaking kambing patungo sa tubig. Saka mo mauunawaan ang paghahambing ng isang babaing kambing-bundok sa isang matapat na asawang babae. Ang kaniyang tahimik na katangian at eleganteng pamamaraan ay nagpapahiwatig ng mga kagalingang pambabae. Ang salitang “mapanghalina” ay maliwanag na tumutukoy sa magandang kilos at eleganteng anyo ng kambing-budok.a

Ang babaing kambing-bundok ay kailangang maging matatag at maganda ring kumilos. Gaya ng binanggit ni Jehova kay Job, ang kambing-bundok ay nanganganak sa matarik na mga nakausling bato, sa mabato at mahirap marating na mga lugar kung saan walang gaanong pagkain at sukdulan ang mga temperatura. (Job 39:1) Sa kabila ng mga kahirapang ito, inaaruga niya ang kaniyang mga anak at tinuturuan ang mga ito na umakyat at lumukso sa mga bato nang maliksi na gaya niya. Buong tapang ding pinangangalagaan ng babaing kambing-bundok ang kaniyang mga bisiro mula sa mga maninila. Nakita ng isang tagapagmasid ang isang kambing-bundok na itinataboy ang isang agila sa loob ng kalahating oras, samantalang ang bisirong kambing ay nakayukyok sa ilalim niya para sa proteksiyon.

Kadalasang kailangang palakihin ng Kristiyanong mga asawang babae at mga ina ang kanilang mga anak sa masasamang kalagayan. Tulad ng kambing-bundok, nagpapakita sila ng pagtatalaga at kawalan ng pag-iimbot sa pagtupad sa bigay-Diyos na pananagutang ito. At buong tapang nilang sinisikap na pangalagaan ang kanilang mga anak mula sa espirituwal na mga panganib. Kaya, hindi minamaliit ng metaporang ito ang mga babae, sa katunayan ay itinutuon ni Solomon ang pansin sa magandang kilos at kagandahan ng isang babae​—ang espirituwal na mga katangian na kumikinang kahit na sa pinakamahirap na kapaligiran.

[Talababa]

a Ayon sa The New Brown-Driver-Briggs-Gesenius Hebrew and English Lexicon, sa kontekstong ito ang Hebreong salita na chen, na isinaling “mapanghalina,” ay nangangahulugang ‘magandang kilos o mabikas na anyo at hitsura.’

[Mga larawan sa pahina 30, 31]

Ang isang Kristiyanong asawang babae at ina ay nagpapakita ng magagandang espirituwal na katangian kapag tinutupad niya ang kaniyang bigay-Diyos na mga pananagutan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share