Ikaw ba ay Maingat?
SA PAG-ATAS ng mga hukom sa Israel, nagsikap si Moises na humanap ng “marurunong at maiingat at makaranasang mga lalaki.” (Deuteronomio 1:13) Hindi lamang ang pagiging makaranasan, na kaagapay ng pagtanda, ang tanging pamantayan. Mahalaga rin ang karunungan at ang pagiging maingat.
Ang taong maingat ay nagpapakita ng mahusay na pagpapasiya sa pananalita at sa paggawi. Ayon sa Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary, ang taong maingat ay ‘may kakayahan ding panatilihin ang katahimikan nang may karunungan.’ Oo, may “panahon ng pagsasalita,” at may “panahon ng pagtahimik,” at pinahahalagahan ng taong maingat ang pagkakaiba nito. (Eclesiastes 3:7) Kadalasan, may mabuting dahilan na tumahimik, sapagkat sinasabi ng Bibliya: ”Sa karamihan ng mga salita ay hindi magkukulang ng pagsalansang, ngunit ang sumusupil sa kaniyang mga labi ay kumikilos nang maingat.”—Kawikaan 10:19.
Maingat ang mga Kristiyano sa kanilang pakikitungo sa isa’t isa. Ang taong pinakamadalas at pinakamapuwersang magsalita ay hindi siyang laging pinakaimportante at kailangang-kailangan. Tandaan, “makapangyarihan sa kaniyang mga salita” si Moises, pero hindi niya mabisang napangunahan ang bansang Israel hanggang sa malinang niya ang pagtitiis, kaamuan, at pagpipigil-sa-sarili. (Gawa 7:22) Kung gayon, dapat na ang mga pinagkatiwalaang magtaglay ng awtoridad sa iba ang lalung-lalo nang dapat magsikap na maging mahinhin at maging makatuwiran.—Kawikaan 11:2.
Inilarawan ng Salita ng Diyos yaong mga taong pinagkatiwalaan ni Jesu-Kristo ng “lahat ng kaniyang mga pag-aari” bilang “tapat at maingat.” (Mateo 24:45-47) Hindi nila pinangungunahan si Jehova dahil sa isang pabigla-biglang kapritso, anupat nagpapakita ng kawalan ng kahinhinan; o nahuhuli man kapag maliwanag ang patnubay ng Diyos sa isang bagay. Alam nila kung kailan dapat magsalita at kailan dapat maghintay nang may katahimikan para sa karagdagang paglilinaw sa isang bagay. Ang lahat ng mga Kristiyano ay makabubuting hindi lamang dapat tumulad sa kanilang pananampalataya kundi patunayan din nila ang kanilang mga sarili na maingat, gaya ng ginagawa ng uring alipin.—Hebreo 13:7.