Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w05 10/15 p. 16-20
  • Pumailanlang ang Salita ni Jehova sa “Lupain ng mga Agila”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pumailanlang ang Salita ni Jehova sa “Lupain ng mga Agila”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Subtitulo
  • Pagdalaw ng Isang Tanyag na Misyonero
  • Isang Kapana-panabik na Makabagong Pasimula
  • Isang Ateistikong Estado
  • Walang Takot sa Harap ng Pag-uusig
  • Liwanag sa Dulo ng Tunel
  • Nanguna sa Gawain ang Masisigasig na Banyagang Payunir
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
w05 10/15 p. 16-20

Pumailanlang ang Salita ni Jehova sa “Lupain ng mga Agila”

“LUPAIN ng mga Agila.” Iyan ang tawag ng mga taga-Albania sa kanilang bansa sa wikang Albaniano. Ang bansang ito na nakaharap sa Dagat Adriatico at matatagpuan sa Balkan Peninsula ay nasa pagitan ng Gresya at ng dating Yugoslavia. Bagaman maraming teoriya tungkol sa pinagmulan ng mga taga-Albania, sumasang-ayon ang karamihan sa mga istoryador na ang mga taga-Albania at ang kanilang wika ay nagmula sa sinaunang mga taga-Ilirico, na ang kultura, ayon sa The Encyclopædia Britannica, ay mula pa noong 2000 B.C.E.

Ang likas na kagandahan ng Albania ay mula sa matatarik na bundok sa dulong hilaga hanggang sa mahahaba at mapuputing dalampasigan sa timog malapit sa Adriatico. Gayunman, ang pinakamaganda rito ay ang mga tao. Sila ay magigiliw at mapagpatuloy, masayahin at makuwento, madaling matuto at may-kasiglahang nagpapahayag ng kanilang mga opinyon na may kasama pang mga pagkumpas.

Pagdalaw ng Isang Tanyag na Misyonero

Ang kaakit-akit na personalidad ng mga tao at ang magagandang tanawin ang walang-pagsalang nakatawag ng pansin ng isang pambihirang manlalakbay noong nagdaang mga siglo. Noong mga 56 C.E., si apostol Pablo, na marami nang napuntahang lugar, ay sumulat: “Hanggang sa Ilirico ay lubusan kong naipangaral ang mabuting balita tungkol sa Kristo.” (Roma 15:19) Ang timugang bahagi ng Ilirico ay katumbas ngayon ng sentral at hilagang Albania. Lumiliham noon si Pablo mula sa Corinto, Gresya, sa timog ng Ilirico. Ang pagsasabing lubusan siyang nangaral “hanggang sa Ilirico” ay nagpapahiwatig na nakaabot siya sa hangganan o sa loob mismo ng rehiyon. Alinman dito, malamang na nakapangaral siya sa tinatawag ngayong timugang Albania. Kaya ang pinakaunang nakapangaral sa Albania tungkol sa Kaharian ay si Pablo.

Lumipas ang maraming siglo. Bumangon at bumagsak ang iba’t ibang imperyo. Namahala ang iba’t ibang banyagang kapangyarihan sa maliit na sulok na ito ng Europa hanggang sa maging independiyenteng estado ang Albania noong 1912. Pagkalipas ng mga isang dekada, naipangaral na naman sa Albania ang tungkol sa Kaharian ni Jehova.

Isang Kapana-panabik na Makabagong Pasimula

Noong dekada ng 1920, ang ilang dayuhan sa Estados Unidos na taga-Albania na kasama ng International Bible Students, gaya ng pagkakilala noon sa mga Saksi ni Jehova, ay umuwi sa Albania upang ibahagi ang kanilang natutuhan. Kabilang dito si Nasho Idrizi. May ilang tao na malugod na tumugon. Upang mapangalagaan ang dumaraming interesado, inatasan ang tanggapan sa Romania na pangasiwaan ang gawaing pangangaral sa Albania noong 1924.

Si Thanas Duli (Athan Doulis) ay isa sa mga taga-Albania na naturuan tungkol kay Jehova noong mga taóng iyon. Naaalaala pa niya: “Noong 1925, may tatlong organisadong kongregasyon sa Albania, at mayroon ding nakabukod na mga Estudyante ng Bibliya at mga interesado sa iba’t ibang lugar sa palibot ng lupain. Ibang-iba ang pag-iibigan nila kung ihahambing sa . . . mga tao sa kanilang lugar!”a

Napakahirap ng paglalakbay dahil walang magagandang daan. Gayunman, hinarap ng masisigasig na mamamahayag ang hamon. Halimbawa, sa timugang baybayin ng Vlorë, nabautismuhan si Areti Pina noong 1928, nang siya ay 18 taon. Akyat-panaog siya sa matatarik na bundok, anupat nangangaral na hawak ang Bibliya. Kabilang siya sa isang masigasig na kongregasyon sa Vlorë noong unang mga taon ng dekada ng 1930.

Pagsapit ng 1930, pinangasiwaan na ng tanggapang pansangay sa Atenas, Gresya ang gawaing pangangaral sa Albania. Noong 1932, dumalaw sa Albania ang isang naglalakbay na tagapangasiwa mula sa Gresya upang pasiglahin at patibayin ang mga kapatid. Ang karamihan sa mga natututo ng katotohanan sa Bibliya noong panahong iyon ay may makalangit na pag-asa. Dahil sa kanilang reputasyon bilang malilinis at matuwid na mga tao, lubha silang iginalang saanmang dako. Naging mabunga ang gawain ng tapat na mga kapatid na ito. Mga 6,500 literatura sa Bibliya ang naipasakamay sa Albania sa bawat taon ng 1935 at 1936.

Isang araw, sa sentro ng Vlorë, pinatugtog ni Nasho Idrizi sa ponograpo ang isa sa mga pahayag ni J. F. Rutherford. Isinara muna ng mga tao ang kanilang mga negosyo at lumapit sila upang makinig habang isinasalin ito ni Brother Idrizi sa wikang Albaniano. Pinagpala ang sigasig ng unang mga tagapagturong iyon ng Bibliya na walang kapaguran sa paggawa. Pagsapit ng 1940, naging 50 na ang mga Saksi sa Albania.

Isang Ateistikong Estado

Noong 1939, sinakop ng mga Pasistang Italyano ang bansa. Pinawalang-bisa ang legal na pagkilala sa mga Saksi ni Jehova, at ipinagbawal ang kanilang gawaing pangangaral. Di-nagtagal pagkatapos nito, sinakop ng mga sundalong Aleman ang bansa. Habang papatapos ang Digmaang Pandaigdig II, napabantog ang isang karismatikong lider ng militar na si Enver Hoxha. Nanalo sa halalan ang kaniyang Partido Komunista noong 1946, at siya ang naging punong ministro. Ang sumunod na mga taon ay tinawag na panahon ng kalayaan, ngunit kabaligtaran ang kahulugan nito para sa bayan ni Jehova.

Unti-unti, nabawasan nang nabawasan ang pagpaparaya ng pamahalaan sa relihiyon. Kasuwato ng kanilang Kristiyanong neutralidad, ang mga Saksi ni Jehova sa Albania ay tumangging humawak ng sandata at makisangkot sa pulitika. (Isaias 2:2-4; Juan 15:17-19) Marami ang ibinilanggo nang walang pagkain o pangunahing mga pangangailangan sa buhay. Sa maraming pagkakataon, ang kanilang espirituwal na mga kapatid na babae sa labas ang naglaba ng kanilang mga damit at nagluto para sa kanila.

Walang Takot sa Harap ng Pag-uusig

Noong unang mga taon ng dekada ng 1940, narinig ni Frosina Xheka, isang tin-edyer noon sa isang nayon malapit sa Përmet, ang natututuhan ng kaniyang kuya mula sa isang Saksing manggagawa ng sapatos na nagngangalang Nasho Dori.b Lalong naghigpit noon ang mga awtoridad sa mga Saksi ni Jehova, ngunit lalo namang lumakas ang pananampalataya ni Frosina, na ikinayamot ng kaniyang mga magulang. “Itinatago nila ang aking sapatos at binubugbog ako kapag dumadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Tinangka nilang ipakasal ako sa isang di-sumasampalataya. Nang tumanggi ako, pinalayas nila ako sa aming tahanan. Umuulan ng niyebe noong araw na iyon. Hiniling ni Nasho Dori kay Brother Gole Flloko na taga-Gjirokastër na tulungan ako. Isinaayos nila na kupkupin ako ng kaniyang pamilya. Dalawang taon sa bilangguan ang aking mga kapatid na lalaki dahil sa kanilang neutral na paninindigan. Nang palayain sila, lumipat ako sa Vlorë upang makipanirahan sa kanila.

“Tinangka ng mga pulis na pilitin akong makibahagi sa pulitikal na mga gawain. Tumanggi ako. Inaresto nila ako, dinala sa isang silid, at pinalibutan. Isa sa kanila ang nagbanta sa akin: ‘Alam mo ba kung ano ang puwede naming gawin sa iyo?’ Sumagot ako: ‘Magagawa lamang ninyo kung ano ang ipahintulot ni Jehova na gawin ninyo.’ Pagalít siyang sumagot: ‘Nababaliw ka na talaga! Lumabas ka na nga!’ ”

Ganiyan din ang matapat na saloobin ng mga kapatid na taga-Albania noong mga taóng iyon. Pagsapit ng 1957, naabot ang pinakamataas na bilang na 75 mamamahayag ng Kaharian. Noong unang mga taon ng dekada ng 1960, isinaayos ng punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova na dumalaw si John Marks, taga-Albania na nandayuhan sa Estados Unidos, sa Tiranë upang tumulong na organisahin ang gawaing Kristiyano.c Subalit di-nagtagal, sina Luçi Xheka, Mihal Sveci, Leonidha Pope, at iba pang responsableng mga kapatid ay ipinadala sa mga kampo ng sapilitang pagtatrabaho.

Liwanag sa Dulo ng Tunel

Bago 1967, ang lahat ng relihiyon ay inaayawan sa Albania. Nang maglaon, hindi na ito pinahintulutan. Wala nang klerigong Katoliko, Ortodokso, o Muslim ang makapagsasagawa ng mga seremonya. Ang mga simbahan at moske ay ipinasara o ginawang mga himnasyo, museo, o mga pamilihan. Walang pinahintulutang magkaroon ng Bibliya. Walang sinuman ang maaaring magpahayag ng paniniwala sa Diyos.

Ang pangangaral at pagtitipon ay halos imposible. Ginawa ng bawat isa sa mga Saksi ang kanilang buong makakaya upang makapaglingkod kay Jehova, bagaman magkakahiwalay sila. Mula noong dekada ng 1960 hanggang dekada ng 1980, umunti ang mga Saksi hanggang sa iilan na lamang ang natira. Subalit malakas ang kanilang espirituwalidad.

Noong huling mga taon ng dekada ng 1980, mabagal na sumulong ang pulitikal na kalagayan sa Albania. Kapos pa rin sa pagkain at damit. Hindi maligaya ang mga tao. Nakaapekto rin sa Albania noong unang mga taon ng dekada ng 1990 ang mga repormang lumalaganap sa Silangang Europa. Pagkalipas ng 45 taon ng totalitaryong rehimen, isang bagong pamahalaan ang minsan pang nagpahintulot ng relihiyosong kalayaan.

Dahil sa tagubilin ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang mga tanggapang pansangay sa Austria at Gresya ay agad kumilos upang hanapin ang lokal na mga kapatid sa Albania. Ang mga kapatid na Griego na nakapagsasalita ng wikang Albaniano ay nagdala ng ilang bagong-saling literatura sa Bibliya sa Tiranë at Berat. Nalipos sa kagalakan ang puso ng dating nangalat na lokal na mga kapatid nang makatagpo nila ang mga Saksi mula sa ibang bansa sa kauna-unahang pagkakataon pagkalipas ng maraming taon.

Nanguna sa Gawain ang Masisigasig na Banyagang Payunir

Sa pagsisimula ng 1992, isinaayos ng Lupong Tagapamahala na lumipat sa Albania sina Michael at Linda DiGregorio, mag-asawang misyonero na may lahing Albaniano. Hinanap nila ang tapat na mga may-edad na, anupat tinulungan silang maging bahaging muli ng isang internasyonal na espirituwal na pamilya. Isang grupo ng 16 na Italyanong masisipag na special pioneer, o buong-panahong mga ebanghelisador, ang dumating noong Nobyembre, kasama ang apat pang payunir na Griego. Upang tulungan silang matuto ng lokal na wika, isinaayos ang isang kurso sa pag-aaral ng wika.

Mahirap ang buhay sa araw-araw para sa banyagang mga payunir. Paputul-putol ang elektrisidad. Maginaw at mamasa-masa ang taglamig. Pumipila nang ilang oras ang mga tao upang makakuha ng pagkain at iba pang mga pangangailangan sa buhay. Subalit ang pinakamalaking problema na napaharap sa mga kapatid ay kung paano makahahanap ng mga gusali na sapat ang laki upang magkasya ang napakaraming interesado na tumutugon sa katotohanan!

Natuklasan ng mga payunir na nahihirapang matuto ng wikang Albaniano na isa lamang palang kasangkapan ang wika para magawa ang isang bagay. Isang makaranasang tagapagturo ng Bibliya ang nagsabi sa kanila: “Hindi na natin kailangang banghayin pa nang tumpak ang mga pandiwa bago magiliw na makangiti o mayakap ang ating mga kapatid. Tutugon ang mga taga-Albania sa inyong taimtim na pag-ibig at hindi sa tumpak na balarila. Huwag kayong mag-alala, maiintindihan nila kayo.”

Matapos ang unang kurso sa pag-aaral ng wika, nagsimula nang magtrabaho ang mga payunir sa Berat, Durres, Gjirokastër, Shkodër, Tiranë, at Vlorë. Di-nagtagal, naglitawan ang mga kongregasyon sa mga lunsod na iyon. Si Areti Pina, mahigit na ngayong 80 anyos at mahina na ang kalusugan, ay nasa Vlorë pa rin. Dalawang special pioneer ang ipinadala roon upang mangaral kasama ni Areti. Nagulat ang mga tao na nakapagsasalita ng Albaniano ang mga banyaga: “Gusto ng mga misyonero ng ibang relihiyon na mag-aral muna kami ng Ingles o Italyano kung ibig naming matuto. Talagang mahal ninyo kami at may mahalaga kayong sasabihin, kasi pinag-aralan pa ninyo mismo ang wikang Albaniano!” Buong-katapatang tinapos ni Areti ang kaniyang makalupang landasin noong Enero 1994, na aktibo sa pangangaral hanggang sa mismong huling buwan ng kaniyang buhay. Pinagpala ang sigasig na ipinakita niya at ng mga payunir. Muling naitatag ang isang kongregasyon sa Vlorë noong 1995. Sa ngayon, tatlong masulong na kongregasyon ang abalang nangangaral sa daungang-dagat na iyon.

Sa buong bansa, ang mga tao’y gutóm sa espirituwal at hindi gaanong nagtatangi ng relihiyon. Buong-kasabikan nilang binabasa ang lahat ng uri ng salig-Bibliyang literatura na tinatanggap nila mula sa mga Saksi. Maraming kabataan ang nagsimulang mag-aral at mabilis na sumulong.

Mahigit 90 kongregasyon at mga grupo ang patuloy na “napatatag sa pananampalataya at dumami ang bilang sa araw-araw” sa buong bansa. (Gawa 16:5) Marami pang dapat gawin ang 3,513 Saksi sa Albania. Noong Marso 2005, may 10,144 na dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Ang pakikipagtalakayan sa mapagpatuloy na mga tao na nasusumpungan sa gawaing pangangaral ay nagbunga ng mahigit 6,000 pag-aaral sa Bibliya. Maliwanag, libu-libo ang makikinabang sa kalalabas lamang na Bagong Sanlibutang Salin sa wikang Albaniano. Tunay ngang pumailanlang ang salita ni Jehova sa “Lupain ng mga Agila” ukol sa kapurihan ni Jehova.

[Mga talababa]

a Para sa talambuhay ni Thanas Duli, tingnan ang The Watchtower, Disyembre 1, 1968.

b Para sa talambuhay ni Nasho Dori, tingnan Ang Bantayan, Enero 1, 1996.

c Para sa talambuhay ng asawa ni John Marks na si Helen, tingnan Ang Bantayan, Enero 1, 2002.

[Kahon sa pahina 20]

NAGLAHO ANG ETNIKONG PAGKAKAPOOTAN SA KOSOVO!

Naging bukambibig sa mga sambahayan ang pangalang Kosovo noong huling mga taon ng dekada ng 1990 nang humantong sa pagdidigmaan at pakikialam ng maraming bansa ang alitan hinggil sa teritoryo at matinding etnikong pagkakapootan.

Noong panahon ng digmaan sa mga bansa sa Balkan, maraming Saksi ang kinailangang tumakas sa karatig na mga lupain. Nang humupa na ang digmaan, isang maliit na grupo sa kanila ang nagbalik sa Kosovo, anupat handa na sa gawain. Ang mga special pioneer mula sa Albania at Italya ay nag-alok na lumipat sa Kosovo upang tulungan ang 2,350,000 naninirahan doon. Apat na kongregasyon at anim na aktibong grupo, may kabuuang mga 130 mamamahayag, ang naglilingkod kay Jehova sa teritoryong ito.

Noong tagsibol ng 2003, idinaos ang isang araw ng pantanging asamblea sa Priština at 252 ang dumalo. Kabilang dito ang mga indibiduwal na lahing Albaniano, Aleman, Hitano, Italyano, at Serbiano. Sa pagtatapos ng pahayag sa bautismo, nagbangon ng dalawang tanong ang tagapagsalita. Tatlong indibiduwal ang tumayo upang sumagot nang positibo: isang etnikong Albaniano, isang Hitano, at isang Serbiano.

Nagkaroon ng masigabong palakpakan matapos marinig ng mga tagapakinig ang malakas at sabay-sabay na: “Va!,” “Da!,” at “Po!” mula sa tatlong kandidato sa bautismo. Nagyakapan sila. Nasumpungan nila ang sagot sa ugat ng napakalalim na etnikong problema na sumalot sa kanilang lupain.

[Mapa sa pahina 17]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Dagat Mediteraneo

ITALYA

ALBANIA

GRESYA

[Larawan sa pahina 18]

Tinutularan ng mga kabataang Saksi ang sigasig ng mga may-edad na

[Larawan sa pahina 18]

Buong-katapatang naglingkod si Areta Pina mula 1928 hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1994

[Larawan sa pahina 19]

Ang unang grupo ng banyagang mga payunir na dumalo sa isang kurso sa pag-aaral ng wika

[Picture Credit Line sa pahina 16]

Agila: © Brian K. Wheeler/​VIREO

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share