Mga Tunguhin Para sa 1988 Taon ng Paglilingkod
1 Samantalang nagpapasimula tayo ng isang bagong taon ng paglilingkod, maaari nating tingnan nang may kasiyahan ang mga pagpapala na ipinagkaloob ni Jehova sa atin sa nakaraang labindalawang buwan. Tunay na masasabi natin kay Jehova ang kagaya ng sinabi ni David: “Iyong dinudulutan ang taon ng iyong kabutihan.” (Awit 65:11) Naabot natin ang 100,000 mga mamamahayag at 20,000 mga auxiliary payunir sa unang pagkakataon noong Abril, nang 101,735 mga mamamahayag at 21,567 mga auxiliary payunir ang nag-ulat. Gayundin ang ating mga pag-aaral sa Bibliya ay malaki ang pagsulong sa taóng iyon ng paglilingkod.
2 Gayumpaman, tayo ay tumitingin sa hinaharap, na iniingatan sa kaisipan ang mga salita ni Pablo sa Filipos 3:16: “Lamang, ay magsilakad tayo ayon sa gayon ding ayos na ating inabot na.” Upang magawa natin ito, makabubuting magkaroon ng kanaisnais na mga tunguhing teokratiko sa kaisipan samantalang pinasisimulan natin ang isang bagong taon ng paglilingkod.
PAMBANSANG MGA TUNGUHIN
3 Tunay na isa sa ating mga tunguhin ay ang makapag-ulat nang mahigit sa 100,000 mga mamamahayag nang palagian bawa’t buwan. Upang magawa ito, nanaisin ng bawa’t mamamahayag ng Kaharian na maging lubos na interesado na makapaglingkod nang palagian, at maging gising din sa pag-uulat ng paglilingkod na iyon sa katapusan ng bawa’t buwan. Huwag tayong magpabaya sa ating paglilingkod kundi maging palagian at masipag sa gawa ng Panginoon.—1 Cor. 15:58.
4 Ang isa pang mainam na tunguhin na hindi pa natin naaabot ay ang pagkakaroon ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya para sa bawa’t mamamahayag ng Kaharian sa Pilipinas. Noong Abril ay nag-ulat tayo ng 84,030 mga pag-aaral sa Bibliya, ang pinakamataas kailanman. Magtulung-tulong tayong lahat upang maabot ang tunguhing ito sa taóng ito ng paglilingkod.
5 Ang ikatlong tunguhin natin ay ang mapasulong ang ating ipinamamahaging magasin. Ito ay bumaba sa nakaraang mga buwan. Kaya waring makabubuting bigyan natin ito nang higit na pansin, na naglalaan ng panahon para sa regular na gawain sa magasin, bawa’t linggo hangga’t maaari.
PERSONAL NA MGA TUNGUHIN
6 Ano ang ilan sa personal na mga tunguhin sa ministeryo sa larangan na maaari nating pagsikapan? Bueno, kung tayo ay basta na lamang naglalagay ng mga magasin at hindi pa nakasusubok na gumamit ng Paksang Mapag-uusapan, maaari ba nating pasulungin ito? Kung hindi pa kayo nakagagawa ng pagdalaw-muli, maaari bang pasimulan ninyo ito sa taóng ito? Kayo ba ay nagdaraos ng isang pag-aaral sa Bibliya? Kung hindi, ito ay isang napakainam na tunguhin para abutin sa taóng ito. Kung ginagawa na ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, maaari bang tumulong kayo sa iba pang mamamahayag na nangangailangan ng tulong?
7 Ano naman ang tungkol sa ating espirituwal na pagsulong? Kayo ba ay palagiang dumadalo sa lahat ng pulong, lakip na ang pag-aaral sa aklat? Kayo ba ay nagkokomento sa mga pulong? Kayo ba ay nakatala na sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro? Kung kayo ay isang kapatid na lalaki, maaari ba kayong magboluntaryo upang tumulong sa ilang maliliit na gawain sa Kingdom Hall, tulad ng paglilinis o pag-aayos ng mga upuan? Ang inyo bang kaalaman sa Bibliya ay sumusulong anupa’t masasagot ninyo nang mas madali ang mga katanungan at makagagawa ng mga matatalinong pagpapasiya? Kayo ba ay sumusulong sa pagkakaroon ng Kristiyanong personalidad?—Col. 3:10.
8 Habang tayo ay gumagawa nang lubusan sa mga tunguhing ito, makatitiyak tayo na mayamang pagpapalain tayo ni Jehova kagaya ng ginawa niya nang nakaraang taon ng paglilingkod.