Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa Tulong ng Espiritu ni Jehova
1 Upang maging matagumpay sa ministeryo ng Kaharian, kailangan natin ang patnubay at pagpapala ni Jehova. Mahalaga na tayo’y manalangin ukol sa tulong ng banal na espiritu sa ating gawain.—Luk. 11:13.
2 Kapag nagpapatotoo sa iba’t ibang uri ng mga tao, kailangang tayo’y lubusang handa. (Ihambing ang 1 Corinto 2:1-5.) Subali’t tayo’y tutulungan ng espiritu ng Diyos kung ating hinihiling iyon, anupa’t maitatawid natin nang tumpak at maliwanag ang katotohanan.
3 Ibibigay sa atin ng banal na espiritu ang kinakailangang tapang upang salitain ang katotohanan sa “lahat ng uri ng mga tao.” (1 Tim. 2:3, 4; 1 Tes. 2:2) Sabihin pa, ang pagiging matapang ay hindi nangangahulugang tayo ay magiging dominante o mapaghamon.
LINANGIN ANG BUNGA NG ESPIRITU
4 Sinabi ni apostol Pedro na sa ating pagsasalita, tayo’y dapat magtaglay ng “kaamuan at takot.” (1 Ped. 3:15) Ang kaamuan ay isang bunga ng espiritu at mahalaga lalo na sa pakikitungo sa mga taong hindi makatuwiran. Ang iba pang bunga ng espiritu ay makatutulong din sa pagharap sa mahihirap na kalagayan. (Gal. 5:22, 23) Hindi natin dapat malasin ang pagtanggi ng ilan bilang paghamak sa atin. Sa halip, tantuin na marahil ay hindi nila nauunawaan ang kahalagahan ng pabalita. Ang pagkakaroon ng ganitong saloobin ay tutulong sa atin na maging maamo at magalang. Kung angkop, magsalita nang may kabaitan bago lumisan. Maaaring ito ay magkaroon ng mabuting epekto sa mga tao na umaayaw.—Kaw. 15:1.
5 Kapag nasa ministeryo tayo ay pinagmamasdan ng iba. Ang ating pagsasalita at pagkilos ay dapat na laging walang kapintasan. Hindi ang lahat ay nagpapahalaga sa ating gawain. Hindi makikinig ang karamihan. Huwag masisiraan ng loob. Tandaan na hinahanap natin ang mga tulad-tupa. (Mat. 10:12-14) Ang ating paggawi sa ministeryo sa larangan ay dapat na magbigay ng karangalan sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapakita ng bunga ng kaniyang espiritu, at ito’y maaaring magpalambot sa puso ng ilan.—2 Cor. 6:3.
6 Kung ang taong kinakausap natin ay talagang abala, maaaring makapagsalita lamang tayo nang maikli. Subali’t ang ating pagiging makonsiderasyon ay maaaring magbunga ng lalong mainit na pagtanggap sa susunod na pagdalaw ng isang Saksi. Ang espiritu ng Diyos ay tutulong sa atin na magpakita ng tunay na pag-ibig at maging matiisin at mabait. Tayo’y nagagalak na dahilan sa awa ng Diyos ay mabibigyan ng maraming pagkakataon ang mga tao na makarinig, at bilang resulta nito ay maniniwala ang iba sa dakong huli.—1 Cor. 13:4.
7 Habang hinahayaan nating patnubayan ng espiritu ng Diyos ang ating mga pagsisikap, ating ihaharap ang pabalita sa paraang nakakaakit sa makatuwirang mga tao. Gawin ninyong tunguhin na “palamutihan sa lahat ng mga bagay ang aral ng Diyos na ating Tagapagligtas.”—Tito 2:10.