Tulungan ang Iba na Isaalang-alang ang Katarungan
1 “Ang Bato, sakdal ang kaniyang mga gawa, sapagka’t lahat niyang daan ay katarungan.” (Deut. 32:4) Ang mga salitang ito ng sinaunang awit ay nagtatampok sa isa sa mga pangunahing katangian, ang katarungan. Dahilan sa ginawa tayo sa kaniyang larawan at wangis, makatuwirang asahan ni Jehova na tayo ay ‘magsasagawa ng katarungan sa paglakad kasama ng ating Diyos.’—Mik. 6:8; Gen. 1:26.
2 Ang ating mga pagsisikap na tularan si Jehova ay maliwanag na mahahayag sa “Banal na Katarungan” na mga Pandistritong Kombensiyon na nakatakda sa Pilipinas. (Efe. 5:1) Libu-libo sa ating mga kapatid taglay ang malaking pananabik ay tumitingin sa hinaharap para sa “Banal na Katarungan” na kombensiyong ito. Gumawa na ba kayo ng tiyak na kaayusan para makadalo sa bawa’t sesyon?
ILAN SA MGA NAMUMUKOD-TANGING BAHAGI
3 Mula sa Huwebes hanggang Linggo, ang saganang bahagi ng espirituwal na pagkain na nagtatampok sa ating pangangailangang itaguyod ang banal na katarungan ay ipaglilingkod sa pamamagitan ng mga pahayag sa Bibliya, mga pagtatanghal, mga pakikipanayam, at mga drama. Bukod pa rito, ang programa ay lalakipan ng mga karanasan at impormasyon tungkol sa gawain ng ating mga kapatid na lalake at babae na naglilingkod bilang misyonero. Ang ilan sa mga misyonerong ito ay maaaring dumalo sa inyong kombensiyon at maaaring kasama sa inyong programa. Ang kanilang halimbawa ng pananatiling matatag para sa banal na katarungan, kadalasa’y sa gitna ng napakahihirap na kalagayan, ay maaaring magpakilos sa atin na mamuhay at kumilos na kasuwato ng banal na katarungan sa lahat ng ating pakikitungo.
PAGTULONG SA IBA
4 Personal na ba ninyong naanyayahan ang inyong mga estudiyante sa Bibliya na dumalo sa kombensiyon? Maaaring kanilang mapansin mismo ang kaligayahan ng bayan ni Jehova at makumbinse sila sa kakayahan ni Jehova na wakasan ang lahat ng kawalang katarungan. Ang kombensiyong ito ay maaaring magsilbi bilang siyang pasimula ng pagbabago ng kanilang buhay, na makapagpakilos sa kanila na magkaroon ng tiyak na paninindigan sa Diyos ng katarungan.
5 Bagaman tayo ay dadalo sa isang kombensiyon at magbabakasyon sa buwang iyon, nanaisin natin na magkaroon ng isang mabuting eskedyul para sa paglilingkod sa larangan, at tiyaking iulat ang ating gawain sa larangan sa ating kongregasyon. Hanapin ang mga pagkakataon para magsalita sa iba ng tungkol sa Kaharian sa mga angkop na pagkakataon.
6 Lubusan nawa nating gamitin ang ating sarili sa teokratikong gawain habang tayo ay nagkakatipon para sa “Banal na Katarungan” na mga Pandistritong Kombensiyon at habang tayo ay nakikibahagi sa ministeryo sa larangan.