Ang Bihasang mga Manggagawang Gumagamit na Matuwid ng Salita ng Diyos
1 Ang mga Kristiyanong ministro ay wastong tinutukoy bilang “mga kamanggagawa ng Diyos.” (1 Cor. 3:9) Dapat na maging tunguhin nating mapasulong ang kakayahan bilang mga manggagawa na gumagamit “na matuwid ng salita ng katotohanan.”—2 Tim. 2:15.
2 Upang matulungan tayong maging bihasa sa ministeryo, inilakip ng Samahan ang ilang natatanging mga bahagi sa New World Translation. Pamilyar ba kayo sa mga ito? Ginagamit ba ninyo ang mga ito sa ministeryo sa larangan at sa inyong personal na pag-aaral ng Bibliya?
ISANG NAPAKAHUSAY NA PAGLALAAN
3 Nang unang ilabas ang New World Translation, nakita nating ang mga cross reference, talababa, apendise at mga kawing-kawing na reperensiya ay napakalaki ang naitutulong sa ating ministeryo, sa paghahanda sa mga pulong, at sa personal na pag-aaral sa pangkalahatan. Pagkatapos, noong 1984, anong laking kasiyahan natin na tanggapin ang Reference Bible! Kay galing na paglalaan upang tulungan tayong maging bihasang mga manggagawa! Sa pamamagitan ng lubusang paggamit sa paglalaang ito, tayo ngayon ay higit na nasasangkapan upang magpatibay ng mga espirituwal na katangian sa ating sarili at sa iba.—Mat. 7:24; 1 Tim. 4:16; Heb. 5:14.
4 Habang kayo ay nasa ministeryo maaari kayong makasumpong ng isang taimtim na Katoliko na bumabanggit sa Mateo 16:18 bilang patotoo na si Pedro ang bato na doo’y itinatag ang Iglesiya Katolika. Maaari ninyong tingnan ang kasulatan sa inyong New World Translation na may cross-reference at hanapin ang limang kasulatan bilang reperensiya ng salitang “rock-mass.” Ang mga kasulatang ito ay nagpapakita na si Kristo, hindi si Pedro, ang Saligan ng kongregasyon. Sa pamamagitan ng pagkunsulta sa tekstong ito sa Reference Bible, masusumpungan ninyo ang karagdagang impormasyon sa talababa hinggil sa kahulugan ng salitang “rock-mass” sa orihinal na Griyego.
5 Ang seksiyong pinamagatang “Bible Topics for Discussion” ay isa pang bahagi na makatutulong sa ministeryo. Kapag gumagawa sa mga teritoryong malimit makubrehan, nanaisin ninyong pumili ng isang paksa na kakaiba sa naroroon sa Ating Ministeryo sa Kaharian. Sa ilalim ng sub-topikong gaya ng “Earth,” “Kingdom,” at “Last Days,” makakasumpong kayo ng mga kasulatan na maaaring gamitin sa presentasyon sa bahay-bahay o sa isang maka-Kasulatang pagtalakay sa isang pagdalaw-muli.
MGA PANTULONG SA MEMORYA
6 Kung hindi ninyo matandaan kung saan naroroon ang isang teksto samantalang nakikipag-usap sa Bibliya, maaari kayong bumaling sa “Bible Words Indexed” sa likuran ng inyong Bibliya upang masumpungan ang kinakailangang tulong. Ginagamit ba ninyo ang mahalagang bahaging ito?
7 Ang paunang salita sa pahina 5 ay may nakahihikayat na patotoo upang ipakita na ang New World Translation ay ginawa ng mga eskolar. Ang apendise ay naglalaan ng malinaw na paliwanag kung bakit ang paggamit ng banal na pangalan ay angkop. Pinatutunayan din nito sa maka-Kasulatang paraan kung ano ang kahulugan ng “Gehenna,” “Hades,” “Sheol,” at “Kaluluwa.” Bukod dito, sa pamamagitan ng pagtingin sa “Table of the Books of the Bible” sa mga pahina 1546-7, makikita natin kung sino ang sumulat ng bawa’t aklat, kung saan isinulat, at kailan isinulat, at ang sinaklaw na panahon.
8 Tunay, si Jehova ay naglaan ng kailangan natin upang “lubusang masangkapan sa bawa’t mabubuting gawa.” (2 Tim. 3:17) Sa pamamagitan ng paggamit sa New World Translation kasama ng alok nating mga publikasyon sa Bibliya, mabisa nating maisasagawa ang iniatas na gawain. (Luc. 6:47, 48) Habang pinatutunayan natin na tayo’y mga bihasang manggagawa, na ginagamit na mabuti ang Salita ng Diyos, may pagtitiwala nating aasahang sabihin ng Panginoon: “Mabuting gawa”!—Mat. 25:21.