Magpatibay ng Pananampalataya sa Salita ng Diyos
1 Kung mayroon mang panahon na kailangan ang matibay na pananampalataya, iyon ay ngayon na. Maraming mga tao ang hindi na nagtataglay ng pananampalataya at walang pag-asa sa kinabukasan. Ang mga pinunong relihiyoso at politikal ay madalas na nagbabangon ng huwad na pag-asa anupa’t maraming mga tao ang hayagang nabibigo. Tunay, gaya ng ipinaliwanag ni apostol Pablo, “Hindi lahat ay mayroong pananampalataya.” (2 Tes. 3:2) Gayumpaman, ang pananampalataya ay isang bagay na tinataglay ng mga Saksi ni Jehova. Taglay natin ang lubusang pagtitiwala na ang mga pangakong nasusumpungan sa Salita ng Diyos ay matutupad.
2 Ang matibay na pananampalataya ay nagpapangyaring maging kakaiba ang mga Saksi ni Jehova mula sa ibang mga tao. Ito ay nagpapakilos ukol sa maiinam na mga gawa na nakatutulong sa iba at gayundin sa atin, habang nagbibigay ng karangalan sa Diyos. Ang gayong pananampalataya ay bunga ng pagpapahintulot sa Salita ng Diyos na magkaroon ng kapangyarihan sa ating buhay. Ang kasalukuyang pang-internasyonal na pagkakapatiran ng tunay na mga Kristiyano ay nagtatanghal sa kahalagahan ng pagpapatibay ng pananampalataya sa Bibliya bilang kinasihang Salita ng Diyos.—2 Tim. 3:16.
BAKIT KAILANGANG TULUNGAN ANG IBA NA TUMIBAY SA PANANAMPALATAYA
3 Yamang nakataya ang mga buhay, may matibay tayong dahilan sa pagtulong sa iba na tumibay sa kanilang pananampalataya. Taglay ito sa isipan, sa Nobyembre ay iaalok natin Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? sa unang pagkakataon. Ang layunin ng bagong aklat na ito ay upang tulungang makita ng mga tao na ang Bibliya ay Salita ng Diyos. Ito’y tumatalakay at nagpapabulaan sa maraming huwad na pagbibintang laban sa Salita ng Diyos. Ito’y nagbibigay ng kasiyasiyang sagot sa maraming katanungan, gaya ng: Ang Bibliya ba ay hindi maka-siyentipiko? Sinasalungat ba nito ang ganang sarili? Ito ba’y isa lamang katha-katha o alamat? Ang mga himala bang binabanggit sa Bibliya ay talagang nangyari? Napasinungalingan ba ng arkeolohiya ang kawastuan ng kasaysayan ng Bibliya? Bukod dito, ang publikasyong ito ay naghaharap ng maraming maiinam na patotoo ng pagiging kinasihan ng Bibliya. Itinatawag din nito ng pansin ang hindi nagkakamaling mga hula ng Bibliya at ang kamangha-manghang pagkakasuwato nito sa kabuuan.
4 Ang praktikal na karunungan ng Bibliya at ang kapangyarihan nito na baguhin ang tao sa ikabubuti ay isang bahagi lamang ng katunayan na nagpapakitang ang Bibliya ay Salita ng Diyos. May pananagutan tayong tulungan ang mga tao na mabatid ang mga katunayang ito. Upang magawa ito, kailangan muna nating turuan sila na maniwala sa sinasabi ng Bibliya.
5 Malamang na sa pamamagitan ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya ay natulungan tayong magkaroon ng matibay na pananampalataya sa Salita ng Diyos. Kung tayo ay nakinabang mula sa pakikipag-aral ng iba sa atin, nanaisin nating balikan kaagad ang mga napaglagyan natin ng literatura at alukin ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya upang tulungan silang magkaroon ng pananampalataya.
ANG BAGONG AKLAT AY TUMUTULONG SA PAGKAKAROON NG PANANAMPALATAYA
6 Kapag tapat na sinuri ang katibayan, walang taimtim na tao ang hindi tatanggap sa Bibliya bilang Salita ng Diyos. Ang bagong aklat na ito ay naghaharap ng saganang katibayan na madaling makuha. Nanaisin nating pasiglahin ang iba na tanggapin ang Bibliya bilang Salita ng Diyos at mamuhay sa kinasihang payo nito. Ang mga gagawa nito ay may kagalakang makapagsasabi rin kagaya ng taimtim na panalangin ng mang-aawit: “Dilidilihin mo kung gaano iniibig ko ang mga utos mo. Ingatan mo akong buháy, Oh Jehova, ayon sa iyong kagandahang-loob. Ang kabuuan ng iyong salita ay katotohanan. At bawa’t isa ng iyong matutuwid na kahatulan ay magpakailanman.”—Awit 119:159, 160.
7 Sa Nobyembre, maaari nating pasiglahin ang iba na basahin at pag-aralan ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aalok ng aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? sa kontribusyong ₱16.00.