May Tibay-Loob na Ipaabot ang Paanyayang “Halika!”
1 Ang mabilis na mga pangyayari sa daigdig ay nagpapakitang ang panahong ito ay ang mga “huling araw.” (2 Tim. 3:1-5) Ang paglago ng krimen, mabuway na ekonomiya, at mga sakit na nagbabanta sa buhay ay nagpatindi sa kaigtingan nito. Subalit sa harap ng ganitong mga kaabahan, patuloy na ipinaaabot sa mga tao ang paanyayang may walang-hanggang epekto sa kanila. Ang espiritu at ang kasintahang babae ay patuloy na nagsasabi: “Halika!” At ngayon “isang malaking pulutong” ang nakikisama sa kanila sa pag-aanyaya sa mga tao sa lahat ng dako na pumarito at kumuha ng walang bayad na tubig ng buhay.—Apoc. 7:9; 22:17.
2 Sa ngayon, marami sa mga nauuhaw sa katuwiran ang tumutugon sa paanyayang ito. Noong nakaraang taon milyun-milyon ang dumalo sa mga pandistritong kombensiyon na idinaos sa buong daigdig at halos sampung milyon ang naroroon sa Memoryal. Milyun-milyong iba pa ang nagpakita ng pagpapahalaga sa paglalaan ni Jehova sa pamamagitan ng pakikinig sa pabalita ng Kaharian. Gaano kahalaga kung gayon, na ating gamiting may katalinuhan ang panahon sa pagpapaabot ng pangmadlang paanyayang ito sa bahay-bahay!—Gawa 5:42; Efe. 5:15, 16.
MAKIBAHAGI NA MAY TIBAY-LOOB
3 Ang sinaunang mga Kristiyano ay pinag-usig dahilan sa kanilang sigasig sa pangangaral. (Gawa 16:19-21; 17:2-8) Gayumpaman, hindi sila huminto sa paghahayag ng mabuting balita na may katapangan. Tayo ay kailangan ding may tibay-loob at determinado sa ating pagsisikap na maipangaral ang mabuting balita.
4 Kahit na sa mga bansang may pagbabawal, ang mga kapatid ay nakikibahagi sa buong kaluluwang pangangaral sa kabila ng matinding pag-uusig, lakip na ang posibleng pagkawala ng trabaho, tahanan, at maging ng kanilang kalayaan. Ang kanilang mainam na halimbawa ay nagsisilbing pampatibay-loob sa atin na patuloy na magsabi sa iba, “Halika!”—2 Tes. 3:9.
5 Sa mahigit na 35 taon, isang kapatid na babae ang nagtaglay sa kaniyang puso ng pagnanais na magpayunir. Ang kaniyang kalagayan ay nagbago nang siya’y 70 taong gulang na, anupat siya’y nakapagregular payunir. Bagaman iilang tao lamang na katulad ng kaniyang edad ang papasok sa isang bagong karera, ginawa niya iyon. Pagkatapos na tamasahin ang pagpapayunir sa maraming mga taon, sinabi niya, “Lalong bumubuti araw-araw.”
6 Kagaya noong unang siglo, ang mga tao ngayon ay tumutugon sa paanyayang ito, na binabago ang kanilang kaisipan at humihinto sa mga gawaing lumalapastangan sa Diyos. Sila’y naging bahagi ng nag-alay na pang-internasyonal na pagkakapatiran ng mga Saksi at nakisama sa espiritu at sa kasintahang babae sa pagsasabing “Halika!” sa iba pang tapat pusong mga tao.
7 Ang malaking pagsulong ng gawaing pang-Kaharian at ang paglawak ng mga tanggapang pansangay sa iba’t ibang lupain ay katunayan ng pagpapala ni Jehova. Subalit ang panahon ay nauubos para sa matandang sistemang ito. Ngayon na ang panahon upang ipakita ang tibay-loob at sigasig sa pagsasabing “Halika!” upang ang iba pa’y makatugon agad at makakilos salig sa kanilang narinig. Gawin natin ito sa Hulyo at Agosto sa kampanya ng brochure.—Gawa 20:26, 27; Roma 12:11.