Pasimulan at Tapusin ang mga Pulong Nang Nasa Oras
1 Ang lahat ng mga pulong ng kongregasyon, lakip na ang mga pagtitipon bago maglingkod, ay dapat na magpasimula at magtapos nang nasa oras. Bakit? Ang pagiging nasa oras ay nagpapakita ng kaayusan at nagpapamalas ng konsiderasyon sa lahat ng dumadalo. (Ecles. 3:17b; 1 Cor. 14:33) Maipakikita natin ang ating pagkabahala sa pamamagitan ng pagkakapit ng sumusunod na mga tagubilin upang matiyak na ang mga pulong ay masisimulan at matatapos nang nasa oras.
2 Dapat natin laging pagsikapan na dumating sa pulong nang maaga upang makausap natin ang iba, magawa ang mahahalagang bagay, at makabahagi sa panimulang awit at panalangin. Karaniwan nang limang minuto ang itinalaga para sa awit at panalangin. Dapat na ingatan sa isipan ng mga kumakatawan sa kongregasyon sa panalangin ang layunin ng pulong at banggitin ito sa pasimula at pangwakas na mga panalangin. Ang gayong mga panalangin ay hindi kinakailangang maging mahaba.
3 Pahayag Pangmadla: Ang mga pahayag pangmadla ay limitado sa 45 minuto. Kapag sumobra sa ipinahihintulot na oras ito ay makakaapekto sa kasunod na pag-aaral sa Bantayan. Ang dalawang pulong, lakip na ang mga awit at panalangin, ay dapat na matapos sa dalawang oras. Ang mga tagapagsalita ay dapat na manatili sa oras na nasa balangkas ng Samahan at hindi dapat isama rito ang ekstrang mga bagay, gaya ng mga pagbati.
4 Pag-aaral ng “Bantayan”: Isang oras ang inilaan para sa Pag-aaral ng Bantayan, na binabasa ang lahat ng mga parapo at nirerepaso ang mga katanungang isinaalang-alang. Ang maikli, tuwirang pambukas na komento ng konduktor ay dapat na umantig sa interes para sa leksiyon. Ang kaniyang mga komento sa pag-aaral ay dapat na limitado. Ang pagbabahagi sa materyal ayon sa oras ay tutulong sa kaniya na maiwasan ang paggamit ng masyadong malaking panahon sa unang bahagi at pagkatapos ay magmadali sa huling bahagi.
5 Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro: Ito ay 45-minutong pulong. Bagaman ang pahayag na nagtuturo at mga tampok na bahagi sa Bibliya ay hindi pahihintuin kapag sobra na sa oras, ang mga kapatid na gumaganap nito ay dapat na manatili sa itinakdang panahon. Kung hindi sinusunod, dapat bigyan ng pribadong payo. Gayundin, ang payo ng tagapangasiwa sa paaralan ay dapat na manatili sa loob ng inilaang panahon. Makapagtitipid din ng panahon kung ang lahat ng mga estudiyante ay uupo na malapit sa plataporma at hihinto ang bawa’t isa sa kaniyang pagpapahayag kapag ubos na ang kaniyang panahon.
6 Pulong Ukol sa Paglilingkod: Ito rin ay 45-minutong pulong. Kalakip ang Paaralang Teokratiko at mga awit at panalangin, ang buong programa ay hindi lalampas sa isang oras at apatnapu’t limang minuto. Ang mga bahaging sasaklawin ng tanong at sagot ay nangangailangan lamang ng maikling pambungad. Hindi na ito kailangan pang palawakin. Ang mga pagtatanghal ay dapat na insayuhing mabuti at dapat na ang mga may bahagi ay handa at nasa kanilang puwesto na upang magamit na mabuti ang inilaang panahon.
7 Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat: Ito’y isang oras na pulong, kasama na ang pambukas at pansarang panalangin. Babasahin ang lahat ng parapo. Hahatiin ng konduktor ang materyal upang maiwasan ang pagmamadali sa huling bahagi ng leksiyon. Kailangang unawain ng konduktor kung gaano kalaking panahon ang gagamitin sa bawa’t parapo. Upang magawa ito kailangan ang sining ng pagtuturo.—Tito 1:9.
8 Mga Pagtitipon Bago Maglingkod: Hindi ito dapat lumampas sa 15 minuto, kasama na ang pag-aatas ng teritoryo at panalangin sa katapusan. Ang konduktor ay dapat na magpasimula nang nasa oras, hindi nag-aantabay hanggang sa lumaki ang naroroong grupo. Minsang naiatas na ang teritoryo at nakapanalangin na, dapat na magtungo kaagad ang grupo sa larangan. Mahalaga ito lalo na sa mga payunir.
9 Tayong lahat ay makikinabang mula sa mga pulong na nagpapasimula at nagtatapos nang nasa oras. Pinahahalagahan ito lalo na ng mga may asawang di kapananampalataya na umaasang sila ay makauuwi sa isang tiyak na oras. Walang alinlangan, ang pagsisimula at pagtatapos sa mga pulong nang nasa oras ay pagpapakita ng konsiderasyon sa lahat ng mga dumadalo na may eskedyul na dapat na sundin, at nakatutulong ito sa pagsasagawa ng mga bagay nang “desente at may kaayusan.”—1 Cor. 14:40.