Isang Bagong Taon ng Paglilingkod
1 Sa Setyembre magsisimula ang 1992 taon ng paglilingkod. Sa paglingon sa katatapos pa lamang na 1991 taon ng paglilingkod, maaari tayong magalak sa mga pagpapala ni Jehova. Libu-libo ang nabautismuhan, at mainam ang pagsulong sa bilang ng mga mamamahayag at pag-aaral sa Bibliya. Totoo ba ito sa inyong kongregasyon?
2 Subalit ngayon ay panahon upang tumingin sa unahan at magtakda ng mga tunguhin para sa taóng darating. Matapos repasuhin ang ulat ng nakaraang taon, naniniwala kami na ang susunod na tatlong tunguhin ay angkop na sikaping abutin ng bawat isa sa atin: (1) Pasulungin ang pagkapalagian sa paglilingkuran, na nangangahulugang lingguhang paglilingkod. Kalakip din dito ang regular na pag-uulat ng ating paglilingkod sa larangan buwan-buwan. (2) Sisikapin ng bawat mamamahayag na magdaos ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Kulang sa 25% ng mga mamamahayag sa kongregasyon ang kasalukuyang nagdaraos ng mga pag-aaral. Bakit hindi ninyo gawing personal na tunguhin na magsimula ng isa sa taóng ito? (3) Pasulungin ang oras na ginugugol ninyo sa paglilingkod sa larangan. Hangga’t maaari, sikaping mag-auxiliary payunir kahit minsan man lamang sa taóng darating.
3 Pagpalain nawa kayo ni Jehova samantalang nagpaplano ngayon upang higit na palawakin pa ang inyong pakikibahagi sa kaniyang paglilingkuran sa 1992 taon ng paglilingkod.