Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa Madalas Gawing Teritoryo
1 Ang pangangaral sa madalas gawing teritoryo ay isang hamon. Papaano ninyo mapananatiling sariwa at nakatatawag-pansin ang pabalita? Ano ang kailangang gawin sa ilan na nagpasiya nang sila’y talagang hindi interesado? Ano ang maaari nating sabihin sa mga nagsasabing tayo’y madalas dumalaw?
MAGING POSITIBO
2 Ang teritoryong madalas gawin ay kadalasang nagluluwal ng mabubuting resulta kaysa doon sa madalang gawin. Kaya dapat nating mapagtagumpayan ang anumang negatibong kaisipan hinggil sa pagdalaw sa gayunding pintuan. Magiging kamalian na magsabing hinatulan na ni Jehova na di karapatdapat ang mga hindi tumutugon sa kabila ng malimit na mga pagdalaw sa kanila.
3 Ang pagpapakita ng impatiya ay napakahalaga sa madalas gawing teritoryo. Ang pagtataglay ng espesipikong pabalita na nakakaapekto sa mga tao sa kanilang lokal na kapaligiran ay malamang na magdulot ng positibong pagtugon ng ilan na hindi sana makikinig. Alisto ba kayo sa kasalukuyang mga pangyayari at handa ba ninyong ipakita kung papaanong ang Bibliya ay makatutulong sa mga tao sa problemang napapaharap sa kanila?
BAGUHIN ANG PAGLAPIT
4 Baguhin ang inyong paglapit sa madalas gawing teritoryo. Sa isang pagkakataon ay maaari ninyong gamitin ang tract sa inyong pambungad. Sa iba namang pagkakataon ay isa sa mahigit sa 40 mga pambungad sa pahina 9-15 ng aklat na Nangangatuwiran ang maaaring gamitin alinsunod sa lokal na kalagayan. Maaaring naisin ninyong banggitin ang inyong huling pagdalaw na maaaring makapag-alis sa pagtutol na ito. Ang isang mainam na komento ng maybahay noong huling dumalaw kayo ay maaaring gamitin upang mapalawak pa ang pag-uusap.
5 Magkaroon ng pangmalas sa tao kagaya niyaong kay Jehova, at patuloy na magpakita ng pagkabahala sa mga nagsabi sa atin na sila’y hindi interesado. Si Jehova ay paulit-ulit na nanawagan sa kaniyang sinaunang bayan sa kabila ng kanilang kawalang pagpapahalaga. (2 Cron. 36:15; Jer. 7:13) Marami sa mga nakadamang sila’y hindi interesado noong una ay mga kapatid na natin ngayon. Maging ang mga pusakal na salangsang ay nadala na rin sa katotohanan. Nagpapasalamat ang mga ito na may nagtiyaga sa kanilang dumalaw taglay ang mabuting balita.
MAG-INGAT NG MAAYOS NA REKORD
6 Mahalagang mag-ingat ng maayos na house-to-house record. Ang muling pagdalaw doon sa mga wala sa bahay ay magpapangyaring lubusang makubrehan ang teritoryo at mapahaba ang panahon sa pagitan ng mga pagdalaw. Ipinagpalit ng ilan ang not-at-home record sa gitnang sanlinggong paglilingkuran doon sa mga gumagawa tuwing dulong sanlinggo. Sa pamamagitan nito’y nababago ang panahon ng pagdalaw at nasusumpungan ang mga wala sa ilang panahon at araw ng sanlinggo.
7 Nalalaman ni Jehova kung kailan ang sapat na pagsisikap ang nagawa upang abutin ang lahat na makikinig. Maaari tayong makapagtiwalang ang gawain ay matatapos sa panahong itinakda.—Ezek. 9:11.