Pagtangkilik sa Programa sa Pagtatayo ng mga Kingdom Hall
1 Sa ngayon ay ipinagpapatuloy ng mga Kristiyano ang espirituwal na gawaing pagtatayo na pinasimulan ni Jesus mga 1,960 taon ang nakalilipas nang siya’y nagpasimulang magtipon ng mga alagad. (Mat. 4:17; 7:24, 25, 28; Juan 7:46) Saganang pinagpala ni Jehova ang gawaing ito. (Kaw. 10:22) Samantalang ating inihahayag ang Kaharian ng Diyos, tayo’y nagtatayo rin upang paghandaan ang panghinaharap na pagsulong.—Ecles. 11:6.
2 Bawat taon sa Pilipinas ay mga 100 bagong kongregasyon ang itinatatag, at ang mga ito’y nangangailangan ng mga Kingdom Hall. Bukod dito, maraming Kingdom Hall ay maliliit na o luma na o yari sa marurupok na materyales anupat kailangang palitan. Sa nakaraang limang taon, mahigit sa 600 bagong mga Kingdom Hall ang naitayo sa Pilipinas dahil sa kaayusan ng mga Kingdom Hall loan. Ito’y posible dahil sa Kingdom Hall Fund, na nangangailangan naman ng pagtangkilik ng mga kapatid sa buong daigdig. Ang kapuri-puring positibong saloobin ng mga kapatid sa pagtugon sa pangangailangang ito ay ginagantimpalaan nang sagana.—Awit 41:1; Kaw. 19:17; Ecles. 11:1; Luc. 14:13, 14.
MAIBIGING TULONG INAALOK NG MARAMI
3 Ang Kingdom Hall Fund ng Samahan ay isang “pinaiikot na pundo.” Alalaong baga’y, ang mga tinatanggap na abuloy ay inilalagay sa isang pundong walang ibang pinaggagamitan kundi ang magpahiram sa mga kongregasyon upang tulungan silang magpatayo ng mga Kingdom Hall. Bagamat ang tinatanggap na salapi ay minamalas bilang mga abuloy sa Kingdom Hall Fund, hindi ito ibinibigay bilang “regalo” upang maitayo ang isang partikular na Kingdom Hall. Sa halip, ang salaping ipinahiram sa mga kongregasyon ay dapat na bayaran muli. Samantalang ginagawa ito ang natitipong halagang ibinayad kasama na rin ng patuloy na pag-aabuloy ng mga kongregasyon ay ipinahihiram sa iba pang mga kongregasyon para sa kanilang mga proyekto ng pagtatayo.
4 Kaayon ng ating sulat sa lahat ng mga kongregasyon noong Enero 1, 1991, maraming kongregasyon ang regular na tumutulong sa pamamagitan ng pagpapatibay ng mga resolusyon na nagbibigay-karapatan sa regular na pag-aabuloy sa Kingdom Hall Fund. Maging ang iba na nagbabayad sa kanilang utang sa Kingdom Hall ay nagpapadala ng karagdagang mga abuloy sa Kingdom Hall Fund, sa gayo’y ‘tinitingnan, hindi lamang ang kanilang sariling personal na kapakanan, kundi ang personal na kapakanan ng mga iba.’ (Fil. 2:4) Ito’y tunay na kapuri-puri at lubos na pinahahalagahan. Kahit nagpatibay ang kongregasyon ng isang resolusyon, ang isang abuluyan ukol sa Kingdom Hall Fund sa angkop na lugar sa Kingdom Hall ay makatutulong sa mga indibiduwal na kusang makapag-abuloy sa pundong ito kung nais nila. Ang anumang salaping inilagay sa abuluyang ito ay dapat na ipadala sa Samahan bilang karagdagan sa halagang pinagtibay ng kongregasyon sa kanilang resolusyon.
PAGPAPAHIRAM PARA SA PAGTATAYO NG KINGDOM HALL
5 Kapag nagbalak ang isang kongregasyon na magpatayo ng bagong Kingdom Hall, dapat na maingat na isaalang-alang ng matatanda kung ano ang kakayahan ng kongregasyon sa pagbabayad ng nasasangkot na mga gastusin. (Luc. 14:28-30) Hindi matalino na ang buong halaga ang uutangin sa Samahan, sa halip dapat na gumawa muna ng survey upang alamin (1) kung magkano ang maiaabuloy ng mga kapatid upang makabili ng lote at tumulong sa gastusin sa pagtatayo, (2) kung magkano ang lokal na mauutang at gaano katagal magagamit ang pundong ipauutang, at (3) kung magkano ang maiaabuloy ng mga mamamahayag buwan-buwan upang bayaran ang anumang uutangin bilang karagdagan sa regular na mga gastusin.
6 Tandaan na mentras mas malaki ang malilikom sa lokal, mas kakaunti ang kailangang hiramin sa Samahan anupat mas kakaunti ang kailangang bayaran buwan-buwan. Kung kaya ng kongregasyon na bilhin ang sariling lote at saka hihingi ng tulong ng Samahan sa pagtatayo lamang, lalong mabuti ito. Gayunman, hindi namin sinasang-ayunan ang paghiram ng salapi sa mga kapatid, na ang inaasahang pambayad dito ay ang loan na mula sa Samahan kapag ito’y sinang-ayunan.
7 Matapos matiyak ang mga puntong binanggit sa itaas, dapat ipakipag-usap ng matatanda ang binabalak nilang proyekto sa tagapangasiwa ng sirkito, na makapagbibigay ng payo at mga mungkahi tungkol sa proyekto. Kapag sumulat ang kongregasyon sa Samahan upang humiram, ang tagapangasiwa ng sirkito ay dapat magdagdag ng isang sulat ng rekumendasyon kung baga kailangan at praktikal ang proyekto. Ang pagpapahiram ay ilalaan kapag may sapat na pundo at depende sa pangangailangan. Pakisuyong pansinin: Ang Lupong Tagapamahala simula noong Setyembre 1, 1991 ay naglagay ng limitasyon sa halagang maipapahiram para sa mga Kingdom Hall dahil sa pangangailangan ng pananalapi sa ibang mga dako. Mangangahulugan ito na iyon lamang mga loan na kailangang-kailangan ang sasang-ayunan, at kahit ang mga ito ay kakailanganing maghintay nang matagal-tagal hanggang may sapat na pundong magagamit para dito.
MATALINONG PAGGAMIT NG PUNDONG INILALAAN
8 Minsang matanggap ang loan, dapat na organisahin ang isang komite sa pagtatayo at mag-ingat ng wastong rekord ng mga gastusin at lahat ng mga transaksiyong ginagawa. Sa tuwi-tuwina dapat iulat sa kongregasyon kung papaano ginugugol ang salapi at gaano na ang nagagawa sa konstruksiyon. Ang salaping tinanggap mula sa Samahan ay hindi dapat gamitin sa anomang negosyo o upang ipahiram sa mga kapatid. Ito ay salaping ibinukod para sa sagradong layunin kung kaya’t hindi dapat gamitin sa ibang paraan.
9 Malaki ang matitipid kung boluntaryong mga manggagawa ang gagamitin hangga’t maaari. Kapag marami sa kongregasyon ang mga karpentero, cantero, elektrisista, abp., ang kanilang pagboboluntaryo ng panahon at kakayahan ay makapagbabawas nang malaki sa magugugol sa proyekto. Napansin na yaong mga kongregasyon na gumamit ng maraming suwelduhang mga manggagawa ay madaling naubusan ng pananalapi bago matapos ang pinasimulan nilang proyekto.
10 Ang isa pang paraan upang magtipid ay ang pumili ng isang simpleng disenyo na hindi magastos at hindi nangangailangan ng maraming mga manggagawa. Hindi inirerekumenda ng Samahan na magkaroon ng magarang harapan na may disenyong tore, sapagkat ito’y magastos at hindi naman kailangan. Kahit may sapat na pananalapi ang isang kongregasyon, hindi mabuting magkaroon ng nakakatawag-pansin na mga dekorasyon o mamahaling mga disenyo. Hindi magiging praktikal kung may masyadong magarang harapan sa Kingdom Hall at pagkatapos ay sikaping magtipid sa lalong mahalagang mga bagay, tulad ng mga kasilyas, literature counter, mga upuan, abp.—Fil. 1:10.
11 May ilang simpleng mga disenyo ang Samahan na maaari ninyong hilingin kung nais ninyo at makatutulong ito sa inyong konstruksiyon ng Kingdom Hall. Kung gagamit kayo ng isang lokal na arkitekto upang magdisenyo ng gusali, tiyakin ninyo na susundin niya ang mga tagubilin ng komite sa pagtatayo, yamang madalas ang disenyo mismo ang makapagdaragdag o makababawas sa halaga ng gusali. Kung aalisin ang mga di-kinakailangang disenyo at gagawing simple ang plano, ang isang magandang Kingdom Hall ay maitatayo nang hindi napakalaki ang halaga.
KATAPATAN SA PAGTANGKILIK SA MGA LOAN
12 Ang mga kongregasyong walang hiniram sa Samahan ay makapagpapakita ng kanilang pagtangkilik sa pambuong-daigdig na kaayusang ito sa pamamagitan ng regular na pag-aabuloy sa Kingdom Hall Fund. Gaya ng binanggit sa itaas, maging ang ilan na nagbabayad ng mga loan ay nagbibigay ng karagdagang mga abuloy sa pambuong-daigdig na pundo. Ngunit kung ating iisipin ang malalaking halagang ipinauutang ngayon sa mga kongregasyon, ang pinakamahalagang kontribusyong maibibigay ng isang kongregasyon na may loan ay sa pamamagitan ng pagiging tapat sa regular na pagpapadala ng buwanang kabayaran ng utang nila sa Samahan. Yamang ang ating kongregasyon ay pinagkatiwalaan ng salapi upang gamitin pansamantala, tayo’y nagiging mga katiwala ng salaping yaon, at gaya ng sinasabi ng 1 Corinto 4:2: “Ang hinahanap sa mga katiwala ay na ang bawa’t isa ay maging tapat.”
13 Kapag ang isang kongregasyon ay tumanggap ng loan sa Samahan at pagkatapos ay nagpabaya sa pagbabayad ayon sa pinagkasunduan, ito’y hindi talagang nagpapakita ng espiritu ng pag-ibig, sapagkat ang salapi ay hindi ibinabalik sa Samahan upang gamitin sa pagtulong sa ibang mga kongregasyon. Natitiyak namin na ang lahat ay nagnanais na magpakita ng kanilang pagpapahalaga sa pamamagitan ng regular na pag-aabuloy upang mabayaran ng kongregasyon ang kanilang loan.
14 Ang pagbibigay ng pinansiyal na pagtangkilik ay maka-Kasulatan. Ang salitang Hebreong isinaling “abuloy” ay nangangahulugang “sagradong bahagi.” (Exo. 25:2, Reference Bible, talababa) Hindi natin pinayayaman si Jehova sa ating mga abuloy sa kaniyang gawain, ngunit sa ganitong paraan ay ipinakikita natin ang ating pag-ibig sa kaniya at sa ating mga kapatid, at tayo’y kaniyang pinagpapala.—1 Cron. 29:14-17; Kaw. 3:9.
15 Sumulat si Pablo sa 2 Corinto 8:12: “Sapagkat kung may sikap, lalo itong tinatanggap ayon sa tinataglay ng isa, hindi ayon sa di tinataglay.” Makabubuti kung pasisiglahin ang lahat sa kongregasyon na regular na magtabi ng halagang maiabuloy ayon sa kanilang nakakayanan at kagustuhan. (Ihambing ang 1 Corinto 16:1-4.) Sumulat si Tertullian hinggil sa unang kongregasyong Kristiyano: “Bawat tao minsan isang buwan ay nagdadala ng kaunting sinsilyo—o kailanma’t gusto niya, at tanging kung gusto lamang niya, at kung kaya niya; sapagkat walang pinipilit; ito’y kusang-loob na handog.” Sabihin pa, kung nangako ang isa kay Jehova sa kaniyang puso na magbigay ng isang tiyak na halaga buwan-buwan upang tumulong sa pagbabayad ng utang sa Kingdom Hall, kung gayon ay dapat niyang gawin ang “ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso,” na tinutupad ang kaniyang pangako nang may katapatan.—2 Cor. 9:7.
PANATILIHIN ANG ISANG MASIGASIG NA ESPIRITU
16 Ang lahat ay dapat papurihan dahil sa kanilang pagiging bukas-palad sa pagtangkilik sa Kingdom Hall Fund. Marami kaming tinanggap na pasasalamat at pagpapahalaga mula sa mga kongregasyong natulungan, at ang pangalan ni Jehova ay higit na dinadakila sa mga komyunidad kung saan may naitayong bagong Kingdom Hall. Dahil sa kaayusang ito, may nagaganap na “pagkakapantay-pantay” sa gitna ng mga kongregasyon. (2 Cor. 8:14) Maraming maliliit o mahihirap na kongregasyon ang natulungang magpatayo ng Kingdom Hall, na hindi maaaring mangyari kung wala ang kaayusan ng pagpapahiram.
17 Habang itinatayo ang isang bagong Kingdom Hall, ang sigla, sigasig, at isang positibong saloobin ay kailangan upang maging matagumpay ang proyekto. Dapat magpatuloy ang gayon ding espiritu samantalang tinutulungan natin ang marami pa na makisama sa atin sa Kingdom Hall. Ang gayong sigasig ay nagbubunga ng pagdami ng dumadalo sa mga pagpupulong at ng pag-unlad ng kongregasyon.
18 Habang patuloy nating pinalalawak ang ating ministeryo, na gumagawa nang buong sikap, walang alinlangang pagpapalain tayo ni Jehova. (Luc. 13:24) Hindi natin nalalaman kung gaano ang aabuting pagsulong sa hinaharap. Subalit kailangang maging handa tayo na tanggapin ang anomang panghinaharap na pagdagsa ng mga mananamba. Nangangailangan ito ng paghahanda natin ngayon. Kaya idinadalangin natin ang patuloy na pagpapala at patnubay ni Jehova. Sa ating gawaing pagtatayo na tumatanaw sa hinaharap, tayong lahat nawa ay maging kamanggagawa ni Jehova—sa pisikal, sa materyal, at sa espirituwal. Tiyak na tayo’y pagpapalain niya samantalang inaalagaan nating mabuti yaong mga nagmamadaling pumapasok sa kaniyang pang-Kahariang organisasyon sa katapusang bahagi ng mga huling araw na ito.—Isa. 60:8, 10, 11, 22.