Tiyaking Dumalaw Muli
1 “Sa nakalipas na mahigit sa dalawang taon, nabasa ko ito [ang aklat na Creation] nang apat na beses at ako’y patuloy na humahanga sa lalim ng pag-aaral, karunungan, at dokumentasyon na ginugol sa paggawa nito. Ang aklat na ito ay dapat na nasa kamay ng bawat tao sa daigdig. Kung mangyayari ito, lahat ng pamimintas at kalituhan tungkol sa ating pinagmulan at ang ateistikong mga paniwala ay magwawakas kaagad.” Ito ang isinulat ng isang abogado, gaya ng iniulat sa Gumising! ng Abril 22, 1992, pahina 32.
2 Taglay ang ganitong napakainam na komento, hindi ba natin nanaising lahat na maisakamay ang aklat na Creation sa pinakamaraming tao hanggat maaari? Pagkatapos dapat nating tiyaking gumawa ng mga pagdalaw muli upang patuloy na pukawin ang interes sa publikasyong ito.
3 Walang sinuman sa atin ang nakagawa ng isang detalyadong pag-aaral ng napakaraming teorya na ginawa ng mga ebolusyonista. Gayunpaman, hindi natin kailangang malamang lahat ang mga teorya ng mga ebolusyonista upang maipakita sa mga tapat-pusong tao ang saganang patotoo na ang turo ng ebolusyon ay isang paraang ginagamit ni Satanas upang siraan ang Maylalang ng sangkatauhan. Huwag mag-atubiling dumalaw muli dahilan sa takot na hindi ninyo masasagot ang mga teknikal na katanungang maaaring itanong ninuman. Ang publikasyon sa ganang sarili ay naglalaan ng saganang patotoo para sa bawat pananalitang ginagamit nito.
4 Bukod dito, may napakaraming impormasyon sa mga kabanata 16 hanggang 20 na tumatalakay sa turo ng Bibliya hinggil sa pinagmulan ng sangkatauhan, ang layunin ng Diyos para sa lupang ito at sa tao, at ang mga pagpipiliang nakaharap sa sangkatauhan ngayon. Kaya napakaraming maiinam na impormasyon na magagamit ninyo sa paggawa ng mga pagdalaw muli.
5 Kung kayo’y nag-aatubili sa paggawa ng mga pagdalaw muli, bakit hindi ipagsama ang sinumang may higit na karanasan o isa na mas nakakaalam sa turo ng ebolusyon? Maaaring ito’y isang kabataang kapatid na lalake o babae na nag-aaral sa eskuwelahan na higit na pamilyar sa kasalukuyang teorya ng ebolusyon. O maaaring mayroon sa inyong kongregasyon na dating naniniwala sa ebolusyon subalit natuto ng katotohanan ng Bibliya at ngayon ay makatutulong sa pagpapabulaan sa mga maling turo ng ebolusyon.
6 Huwag mag-atubiling akayin ang atensiyon sa kabanata 19 ng aklat na Creation at gamitin ang pag-asa ng Bibliya sa hinaharap bilang saligan para sa inyong pagdalaw muli. Ang mga kabanatang iyon ay nagtataglay ng maraming punto na maaaring gamitin upang pasiglahin ang isang tao na matuto hinggil sa mga pangako ng Bibliya para sa hinaharap. Maaari ninyong gamitin ang seksiyon pasimula sa pahina 236 at ang subtitulong “The Earth Transformed,” na sinusundan ng “An End to Poverty” at “No More Sickness, No More Death” sa mga pahina 238-9.
7 Ang mainam na publikasyong ito ay nakatulong sa maraming tao na masumpungan ang daan tungo sa buhay. Matulungan nawa natin ang marami pa sa pamamagitan ng pagpapasigla sa kanilang basahin ang sinasabi ng aklat na Creation hinggil sa buhay at kung papaano ito umiral dito.