Purihin ang Diyos ng Paglalang
1 Ang magagandang tanawin, makukulay na paglubog ng araw, mabituing kalawakan kung gabi, maiindayog na awitin ng mga ibon—kanino ninyo ibinibigay ang kapurihan para sa kalugod-lugod na mga bagay na ito? Oo, tayo’y napakikilos upang purihin ang Diyos ng paglalang. Tayo’y buong pusong sasang-ayon sa kapahayagan ng Apocalipsis 4:11. Dahilan sa lahat ng mga bagay na nilalang niya, si Jehovang Diyos ay karapatdapat sa ating papuri.
2 Sa kabila ng katibayan ng mga gawang paglalang ng Diyos, itinaguyod pa rin ng mga tao ang ideyang ang buhay ay lumitaw dahilan sa aksidente o sa pamamagitan ng bulag na ebolusyon. Ang napakalaking kasinungalingang ito ay nagpababa at nagpasama sa mga tao, at ito’y isang pamumusong sa ating Dakilang Maylalang.—Ecles. 12:1; Roma 1:20, 25.
3 Sa Hunyo, bilang mga tapat na lingkod ni Jehova, tayo ay may pagkakataong iharap ang katotohanan hinggil sa ating Maylalang at sa kaniyang kamangha-manghang mga gawa. Ang aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? ay iaalok sa lahat ng nagpapakita ng interes na matutuhan ang mga katotohanan hinggil sa pinagmulan at layunin ng buhay. Sasangkapan tayo ng publikasyong ito upang gumawa ng may tibay-loob na pagtatanggol sa katotohanan hinggil sa pinagmulan ng buhay.
4 Mga Pantanging Teritoryo: Bukod pa sa pagpapatotoo sa bahay-bahay, makagagawa tayo ng pantanging pagsisikap na makipag-usap sa mga tao na may partikular na interes sa paksa ng ebolusyon o paglalang, maging sa kanilang dakong pinagtatrabahuhan o sa paaralan. Halimbawa, ipinakita ito ng mga kabataang Saksi sa kanilang mga guro. Isang kabataang Saksi ang nagbigay sa kaniyang guro ng aklat na Creation at namanghang hindi lamang ito pinag-aralan ng guro nang lubusan kundi pinasimulang gamitin ito bilang saligan ng pagtuturo sa klase. (w90 9/1 p. 32; w86 10/1 p. 32) Bakit hindi kayo lumapit sa bawat guro ninyo at mga kamag-aral na nadarama ninyong masisiyahan sa pagbabasa ng publikasyong ito?
5 Isang pantanging pagsisikap ang maaaring gawin para maabot ang mga estudyante sa kolehiyo, at mga guro na nakatira o nagtatrabaho sa inyong teritoryo. Ang mga taong propesyonal gaya ng mga abogado at mga doktor ay nagpahalaga sa malalim na pagsasaliksik at sa mga reperensiyang masusumpungan sa aklat na Creation. (yb87 p. 54) Ang mga nilalapitan ninyo ay maaaring magnais ding magkaroon ng publikasyong ito na may magandang paglalarawan bilang reperensiya.
6 Katalinuhang ialok ang aklat na Creation sa sinumang masusumpungan natin sa Hunyo. Walang alinlangan na habang tinatalakay ninyo ang isa o higit pang mga puntong nakapagtuturo mula sa aklat at nagpapatibay ng pananampalataya sa Maylalang, marami kayong masusumpungang nais na matuto nang higit pa at karakarakang kukuha ng aklat.
7 Nawa ang mainam na kasangkapang ito ay hindi lamang tumulong sa marami pa na makita ang pagiging kakatuwa ng teorya ng ebolusyon kundi matulungan silang magkaroon ng pagpapahalaga sa “Maygawa ng langit at lupa.”—Awit 146:6.