Tanong
◼ Sa isang teokratikong kasalan, ilang mga saksi ang kailangang pumirma sa marriage contract kasama ng ikakasal?
Mula sa mga sulat na aming natanggap, lumilitaw na ang katanungang ito ay nagiging sanhi ng pagkabahala sa marami sa ating mga kapatid. Ang ilan ay nagkaroon ng napakaraming mga saksi sa kanilang kasalan, na nagbunsod sa iba na sumulat sa Samahan. Upang magkaroon ng nagkakaisang pangmalas sa bagay na ito, nalulugod kaming ibigay ang sumusunod na mga punto.—1 Cor. 1:10.
Ang Bantayan noong Hunyo 15, 1952 sa pahina 360 ay nagsasabi: “Ang nobya at nobyo ay hinihilingang maging presente at magpahayag sa harapan ng mga saksi na kanilang tinatanggap ang mga pananagutan sa pag-aasawa; at halos lahat ng estado at mga probinsiya ay humihiling ng dalawang saksi bilang karagdagan sa nagkakasal na ministro upang pumirma sa sertipiko ng kasal.” Idiniriin din ng artikulo ang puntong ito sa pamamagitan ng isang maliit na ilustrasyong nagpapakita lamang sa dalawang ikinakasal, dalawang saksi, at ang ministrong nagkakasal. Dito sa Pilipinas, dalawa lamang legal na saksi ang kailangan, at ito’y ipinakikita ng espasyong nakalaan sa Marriage Contract para sa dalawang saksi lamang.
Yamang ang tanging layunin ng mga saksi ay upang matugunan ang legal na mga kahilingan para sa pag-aasawa, kung gayon ang anumang hihigit dito ay kalabisan at hindi na kailangan. Kaya, bakit nanaisin pa ng sinumang kapatid na lalake o babae na magkaroon ng hihigit pa sa dalawang tao sa pagpirma sa dokumento ng kasal? Tayo ba kaypala’y sumusunod sa makasanlibutang kostumbre? Tayo ba ay nasa panganib na gumawa ng pagpaparangalan sa harapan ng iba?—1 Juan 2:15-17.
Naniniwala kami na ang kaayusang nasa itaas sa pagkakaroon ng dalawang saksi lamang, isang lalake at isang babae, upang pumirma sa Marriage Contract ay dapat sundin ng lahat ng nasasangkot sa teokratikong mga kasalan sa hinaharap na pangangasiwaan ng isang tagapagkasal na inatasan ng Samahan. Inaasahan na ang impormasyong ito ay tutulong sa lahat na maging higit na makatuwiran sa pagharap sa bagay na ito kaysa nangyari sa nakaraang ilang mga kaso.