Mga Kahilingan Kapuwa sa Baguhan at sa Makaranasang Ministro
1 Ang mang-aawit ay nagtanong: “Oh Jehova, sinong makapanunuluyan sa iyong tolda? Sinong tatahan sa iyong banal na bundok?” Sumagot si David: “Siyang lumalakad na matuwid at gumagawa ng katuwiran at nagsasalita ng katotohanan.” (Awit 15:1, 2) Ang mga kahilingang yaon ay hindi nagbabago. Ang lahat ngayon ng mga sumasamba na nasa Kristiyanong kongregasyon ay dapat magwaksi sa mga gawang imoral at paglalasing. Walang lugar sa bayan ni Jehova ang mga palaaway, masyadong mainitin ang ulo, o dalawang dila. Tayo man ay kapuwa mga baguhan o mga makaranasang ministro, dapat natin laging panatilihin ang matataas na pamantayan na binalangkas sa Salita ng Diyos.—Gal. 5:19-21.
2 Maraming mga baguhan ang nakikisama sa organisasyon ni Jehova. Binago na nila ang kanilang kaisipan at iniayon ang kanilang paraan ng pamumuhay sa mga kahilingan ng Diyos. Isang batang lalake sa Timog Amerika ang lumaki na walang patnubay ng magulang at nagkaroon ng malulubhang suliranin sa personalidad. Pagsapit niya sa 18, siya’y sugapa na sa droga at nabilanggo na dahilan sa pagnanakaw para masuportahan ang bisyo. Sa pamamagitan ng isang pag-aaral sa Bibliya, humiwalay siya sa pakikisama sa mga dating kabarkada, nakasumpong ng mga bagong kaibigan sa gitna ng mga Saksi ni Jehova, at sa dakong huli ay nag-alay ng kaniyang buhay sa Diyos.
3 Gayundin, dapat tayong maging determinadong paluguran ang Diyos sa lahat ng ating paggawi, “sa tunay na katuwiran at katapatan.” (Efe. 4:24) Mayroon tayong pananagutang “hubarin ang dating personalidad lakip na ang mga gawa niyaon” at “magbihis [tayo] ng bagong personalidad, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay ginawang bago” upang tayo ay makapanatili sa tulad bundok na organisasyon ng Diyos.—Col. 3:9, 10.
4 Ang Salita ng Diyos, Isang Makapangyarihang Impluwensiya: Ang personalidad ni Jehova gaya ng inihayag sa atin ng Bibliya ay maaaring magkaroon ng matinding epekto sa ating kaisipan at mga pagkilos sa positibong paraan. (Roma 12:2) Ang kaniyang Salita ay may kapangyarihang bumago ng mga kaisipan at sumaliksik ng mga puso. (Heb. 4:12) Ang Bibliya ay nagtuturo sa atin na kalooban ni Jehova na mamuhay tayo nang matuwid sa moral, magkaroon ng lubusang bahagi sa pangmadlang ministeryo, at huwag kaligtaan ang mga Kristiyanong pagpupulong.
5 Sa mapanganib na mga panahong ito ang lumalaking panggigipit ay maaaring makaimpluwensiya sa isang Kristiyano na labagin ang mga batas ng Diyos. Kapag nakaligtaan ang personal na pag-aaral, pampamilyang pag-aaral, mga pulong ng kongregasyon, o ang ministeryo, ang isang dating malakas na Kristiyano ay maaaring mapahiwalay sa pananampalataya, kaypala’y mahulog sa masamang paggawi. Kaya si Pablo ay sumulat kay Timoteo: “Laging magbigay pansin sa iyong sarili at sa iyong turo” at, “Laging isipin ang aking sinasabi.”—1 Tim. 4:16; 2 Tim. 2:7.
6 Tayong lahat ay, dapat na laging nagpapako ng pansin sa mga kahilingan ng Diyos, lubusang maging timbang sa ministeryo, at panatilihing malakas ang ating pag-asa upang maingatan ang ating buhay. (1 Ped. 1:13-16) Ang pagsasaalang-alang araw-araw ng matutuwid na mga kahilingan ng Diyos ay lubhang kailangan.
7 Maging determinadong lumaki sa pananampalataya at maging higit na mabunga sa ministeryo sa larangan. (Roma 1:12) Ipako ang inyong kaisipan sa matutuwid na bagay sa pamamagitan ng pagiging regular sa personal na pag-aaral, sa pampamilyang pag-aaral, at pagdalo sa pulong. (Fil. 4:8) Ang inyong pagsisikap na makalugod sa Diyos sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa kaniyang mga kahilingan ay hindi maaaring di mapansin.—Col. 3:23, 24.