Masikap na Hanapin ang mga Pag-aaral sa Bibliya
1 Nauubos na ang panahon para sa matandang sanlibutang ito. (2 Tim. 3:1-5) Ano ang kahulugan nito? Ito’y nangangahulugang ang buhay ng mga tao ay nakataya. Gayunpaman, nasa ating kapangyarihan na matulungan ang iba pa na makaligtas. (Kaw. 3:27) Dahilan dito kailangan tayong masikap na magpunyagi upang maumpisahan at maidaos ang mga pag-aaral sa Bibliya.
2 Malaki ang naisagawa ng ating salig sa Bibliyang mga literatura. Subalit ang higit na kailangan ng mga tao ay personal na tulong sa pamamagitan ng regular na pag-aaral sa Bibliya. Papaano natin sila matutulungang mapahalagahan iyon?
3 Maaari tayong magbangon ng mga katanungang ikinababahala ng mga tao. Ang gayong mga katanungan ay magpapakita kung bakit mabilis ang pagguho ng moral, bakit ang karahasan at krimen ay nagbabanta ng gayon na lamang, bakit ang isang maibiging Diyos ay magpapahintulot sa kasalukuyang mga kalagayan. Maging alisto sa mga isyu na doo’y interesado ang mga tao sa inyong teritoryo. Ituro ang maliwanag na sagot ng Bibliya sa mga katanungang ito. Ipakita kung papaano makatutulong sa kanila ang literatura upang malaman kung ano ang sinasabi ng Bibliya sa mga isyung ito na nakakaapekto sa ating lahat.
4 Sikaping akayin ang maybahay sa pakikipag-usap. Maging alisto na unawain kung ano ang ikinababahala niya. Pag-usapan ang mga bagay na doo’y interesado siya. Itawag-pansin ang impormasyon sa ating mga publikasyon na nagpapaliwanag sa solusyon ng Bibliya sa mga suliranin ng sangkatauhan. Bago lumisan, magbangon ng isa o dalawang tanong na magpapalaki ng kaniyang pananabik sa susunod ninyong pagdalaw. Sa inyong pagbabalik, ipaalaala sa kaniya ang mga katanungang ito, at pagkatapos ay gamitin ang literatura sa pagtulong sa kaniya na masumpungan ang mga kasagutan ng Bibliya.
5 Ang pagpapasimula natin ng mga pag-aaral at regular na pagdaraos ng mga ito ay maaaring magpabago sa buhay ng mga tao. Kailangan nating ipakita ang tunay na interes sa mga nasusumpungan natin sa larangan o sa impormal na mga kapaligiran. Nangangailangan ito ng paghahanda upang maantig ang kanilang interes. Nangangailangan ito ng pagtitiyaga upang patuloy na bumalik hanggang maisagawa ninyo ang isang regular na kaayusan ng espirituwal na pagpapakain. Nangangailangan ito ng maibiging interes sa mga tao mismo. Dapat na may pagnanais tayong iligtas sila mula sa nalalapit na kapahamakan. Ang ating pag-aaral sa Bibliya ay bagay na dapat ipanalanging regular at mataimtim.—1 Tes. 5:17.
6 Lubhang nakapagpapatibay na makitang halos isang milyong tao ang naging bautisadong mga alagad sa nakaraang tatlong taon. (Mat. 28:19, 20) Tayo ngayon ay nagdaraos ng mga apat at kalahating milyong pag-aaral sa Bibliya bawat buwan. Kumusta naman kayo? Gumagawa ba kayo ng taimtim na pagsisikap upang makibahagi sa pantahanang pag-aaral sa Bibliya? Tandaan, ang ating buhay at niyaong sa iba pa ay nakasalalay sa ating pagiging tapat sa bagay na ito.—Ezek. 3:17-19.