Lubusang Itaguyod ang Programa ng Inyong Kongregasyon sa Pahayag Pangmadla
1 Mga ilang taon na ang nakararaan isang kabataang lalake ang nakasumpong ng isang handbill na naglalathala ng mga pulong ng lokal na kongregasyon. Yamang siya’y naghahanap ng katotohanan, nagpasiya siyang dumalo sa Pahayag Pangmadla nang Linggong iyon at maagang dumating sa bulwagan. Isang mamamahayag ang masiglang bumati sa kaniya at nag-alok ng pag-aaral sa Bibliya. Ang kabataang lalakeng ito ay mabilis na sumulong at nabautismuhan pagkaraan ng ilang mga buwan. Maaari tayong matuto ng di kukulangin sa tatlong leksiyon sa karanasang ito.
2 Una, ang Pahayag Pangmadla ay inianunsiyo. Ginagamit ba ninyo ang mga handbill upang ianunsiyo ang Pahayag Pangmadla sa inyong kongregasyon? Habang ipinatatalastas ng tsirman ang pamagat ng pahayag pangmadla sa susunod na linggo, isipin yaong mga nasa teritoryo ninyo na maaaring may pantanging interes sa paksa. Ang ilang mga tao ay ayaw magbasa, subalit maaaring sila’y handang makinig sa isang pahayag sa Kasulatan.
3 Ikalawa, ang baguhan ay binigyan ng masiglang pagtanggap. Planuhing dumating nang maaga sa bulwagan upang batiin ninyo ang inyong mga kapatid at ang sinumang interesado. (Heb. 10:24) Kung ang isang baguhan ay dumalo sa unang pagkakataon, maaaring wala siyang alam kung ano ang maaaring asahan. Ipaliwanag na ang ating mga pulong ay pinasisimulan sa awit at panalangin, at sabihin sa kaniya kung papaano isasagawa ang pulong. Kung angkop, anyayahan siyang umupong kasama ninyo upang pareho ninyong magamit ang inyong Bibliya at songbook. Anyayahan siyang ipakipag-usap sa inyo ang anumang magiging katanungan niya pagkatapos ng pulong.
4 Ikatlo, ang pahayag ay inihandang mabuti. Yaong mga kumakatawan sa kongregasyon bilang mga tagapagsalita ay dapat na gumugol ng maraming oras sa paghahanda ng materyal upang ang mga tagapakinig ay maudyukan sa pag-ibig at mabubuting gawa. Tayong lahat ay nasa ilalim ng panggigipit sa ngayon, at ang nakaaaliw na katotohanan mula sa Salita ng Diyos ay tutulong sa ating makapagtiis. Sabihin pa, ang pahayag pangmadla ay hindi makapagbibigay sa atin ng kapakinabangan kung hindi tayo matamang makikinig sa kung ano ang sinasabi. Kayo ba’y nahihirapan kung minsan na magbigay ng matamang pansin sa pahayag? Makatutulong kung gagawa ng maiikling nota, gaya ng ating ginagawa sa panahon ng ating mga kombensiyon. Sa paghahanda, isipin kung ano ang alam na ninyo sa paksa at anumang mga katanungan na babangon hinggil dito. Pagkatapos ay pansinin kung papaano sinagot ng tagapagsalita ang mga katanungan. Tiyaking sundan sa inyong Bibliya ang bawat Kasulatan na binabasa at ipinaliliwanag.
5 Ang Samahan ay naglaan ng mga pahayag pangmadla sa napakaraming iba’t ibang paksa. Sa pamamagitan ng punong tagapangasiwa o ng kapatid na inatasan niya, ang lupon ng mga matatanda ay nagsasaayos ng programa ng kongregasyon sa Pahayag Pangmadla upang ang mga paksang inihaharap ay angkop sa lokal na pangangailangan. Huwag kaliligtaan ang alinman sa mahahalagang impormasyong ito, at pasiglahin ang mga baguhan na lubusang makinabang mula sa programa ng inyong kongregasyon sa lingguhang Pahayag Pangmadla.