Tanong
◼ Anong paraan ang nararapat sundin kapag naghaharap ng mga resolusyon sa kongregasyon?
Ang isang resolusyon ay kailangan kapag gumagawa ng pagpapasiya hinggil sa mahahalagang bagay gaya ng pagbili ng ariarian, pag-aayos o pagtatayo ng Kingdom Hall, pagpapadala ng pantanging mga kontribusyon sa Samahan, o pagbalikat sa gastos ng tagapangasiwa ng sirkito. Karaniwan nang pinakamabuting magharap ng isang resolusyon upang pagpasiyahan sa bawat pagkakataong gagamitin ang pondo ng kongregasyon.
Ang isang iksepsiyon ay kapag may pantanging mga pangangailangan may kaugnayan sa mga mahahalagang proyekto o gawain. Halimbawa, maaaring pagpasiyahan ng kongregasyon nang minsanan na mag-abuloy ng tiyak na halaga bawat buwan para sa pambuong daigdig na gawaing pangangaral o para sa Kingdom Hall Fund. Gayundin, ang normal na gastos sa Kingdom Hall, tulad ng elektrisidad at kagamitan sa paglilinis ay hindi nangangailangan ng isang resolusyon.
Kapag may pangangailangan, dapat talakayin ito nang lubusan ng lupon ng mga matatanda. Kung sumasang-ayon ang karamihan na gawin ang anumang bagay, isang matanda, marahil ay miyembro ng Komite ng Kongregasyon sa Paglilingkod, ay dapat na maghanda ng isang nasusulat na resolusyon upang iharap sa Pulong Ukol sa Paglilingkod.
Ang matanda na gumaganap bilang tsirman ay dapat na magpaliwanag sa pangangailangan at kung ano ang rekomendasyon ng lupon ng mga matatanda para matugunan ito. Ang kongregasyon ay bibigyan ng pagkakataong magbangon ng angkop na mga katanungan. Kung ito’y masalimuot, pinakamabuting ipagpaliban ang botohan hanggang sa susunod na Pulong Ukol sa Paglilingkod upang mabigyan ng panahong mag-isip ang bawat isa. Ang aktuwal na botohan ay ginagawa sa pamamagitan ng pagtataas ng kamay ng mga miyembro ng kongregasyon.
Ang pagboto sa resolusyon ay limitado sa mga nag-alay at bautisadong miyembro ng kongregasyon. Hindi angkop na makibahagi ang mga bisita mula sa ibang kongregasyon.
Pagkatapos na mapagtibay ang resolusyon, ito’y dapat na petsahan, pirmahan, at ilagay sa salansan ng kongregasyon.