Kay Laking Pakinabang na Alalahanin Kung Ano ang Ginawa ni Jehova!
1 Ang kinasihang manunulat ng Awit 48 ay humimok sa nasa Israel na ‘magmartsa sa palibot ng Sion, bilangin ang tore nito, siyasatin ang tirahang dako nito, upang kanilang maisaysay ito sa susunod na lahi.’ Pinakikilos ng pag-ibig kay Jehova, sila’y magiging lubhang interesado sa bawat detalye ng makalupang sentro ng teokratikong pamamahalang iyon. Napakahalaga ng mga detalyeng ito sapagkat ito ang lunsod na pinaglagakan ni Jehova ng kaniyang sariling pangalan! Kanilang sasalitain ang tungkol dito, at higit sa lahat ay titiyakin nilang marinig ng kanilang mga supling ang lahat ng mga bagay na pinagyayaman sa kanilang mga puso.—Awit 48:12, 13.
2 Tayo ngayon ay nabubuhay sa panahong ang teokratikong pamamahala ng Mesiyas ni Jehova ay nakasentro hindi na sa makalupang Sion kundi sa makalangit na Jerusalem. (Heb. 12:22) Ang Kaharian ni Jehova sa mga kamay ni Jesu-Kristo ay namamahala na mula pa noong 1914. (Apoc. 12:10) Ang pagkilos nito ang siyang may pinakadakilang interes para sa atin. Tayo ay lubhang interesado rin sa paraan ng pag-akay ni Jehova sa kaniyang mga lingkod sa lupa upang maisakatuparan nila ang kaniyang kalooban bilang nakikitang kinatawan ng Kahariang iyon. Kahali-halinang mga detalye hinggil dito ang inilarawan sa ating bagong aklat na Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos. Anong laking kasiyahan natin na tanggapin ito sa ating nakaraang “Banal na Pagtuturo” na Pandistritong Kombensiyon!
3 Noong Setyembre 1, 1993, ang aklat ay nailabas na sa 20 mga wika, at ang pagsasalin at paglilimbag ay patuloy upang punan ang pangangailangan ng mga nagsasalita sa 13 ibang mga wika. Nakakuha na ba ang inyong sambahayan ng isang kopya? Binabasa ba ninyo ito? Sinasabi ba ninyo ang mga bagay na natututuhan ninyo mula rito?
4 Pagkatapos tingnan ang mga larawan at basahin ang paliwanag kasama nito, gaya ng iminungkahi sa kombensiyon, maraming kapatid na lalake at babae ang karakarakang nagtungo sa kabuuan ng materyal. Ano ang kanilang mga komento? Narito ang ilan lamang sa mga ito.
5 Isang kapatid na babae ang sumulat: “Ito lamang ang aklat na natanggap ko na gusto ko kaagad tapusin upang mabasa kong muli. Ako ay nasa kabanata 25 na ngayon. Habang dumarami ang nababasa ko, lalo naman akong naluluha at ang aking puso ay napupuno ng pag-ibig kay Jehova. Ang aklat ay talagang nakapagpapasigla at nakapagpapatibay ng pananampalataya.”
6 Isang kapatid na lalake na naglilingkod kay Jehova sa mahigit nang 40 taon ang nagsabi: “Hindi ko lubos na nababatid kung gaano magiging kapanapanabik ang aklat. Malalim na kung ako’y matulog sa gabi at bumabangon nang maaga kaya nakompleto ko ang pagbabasa sa dalawang linggo. Tunay na ito’y isa sa nakapagpapakilos na aklat na nabasa ko. Ito’y isang obra-maestra ng pagsasaliksik subalit isa ring obra-maestra sa pagpapatibay ng loob.”
7 Isang Regular na Programa ng Pagbabasa: Ang ilan sa mabilis na nakabasa ng buong aklat ay determinado na muling basahin ito subalit sa mas mabagal na paraan.
8 Kung mahigit sa isa ang miyembro ng inyong sambahayan na nasa katotohanan, nanaisin ninyong gamitin ang mga bahagi ng aklat sa inyong pampamilyang pag-aaral. Ang ilang pamilya ay nagpasimulang gumawa ng gayon makalipas lamang ang ilang araw matapos nilang matanggap ang isang kopya sa kombensiyon. Hindi ito nangangahulugan na ang ibang mga bagay, tulad ng paghahanda sa Pag-aaral ng Bantayan, ay dapat kaligtaan. Subalit masusumpungan ninyong kapakipakinabang na gamitin ang karagdagang 15 o 20 minuto sa pagbabasa at pagtalakay ng materyal mula sa aklat na Tagapaghayag.
9 Ang ibang sambahayan ay bumabasa ng dalawa o tatlong pahina—marahil ay isa o dalawang sub-titulo—bawat gabi bago iwan ang hapag kainan. Bilang indibiduwal maaaring nabasa na nila ang karamihan sa aklat, subalit sila’y nakikinabang sa mas mabagal na pagkubre nito anupat may pagkakataong pag-usapan ang materyal. Ang ilan na gumagawa nito ay marami nang taon na naglilingkod kay Jehova. Habang sila’y nagbabasa, maraming maliligayang alaala ang nagbabalik. Pinasisigla nito ang kanilang puso habang kanilang pinag-uusapan ang kanilang sariling bahagi sa mga pangyayari na kanilang nababasa.
10 Dahilan sa mga kalagayan sa inyong tahanan, maaaring nag-iisa lamang kayo sa pagbabasa nito. Isang kapatid na babae na sumulat sa Samahan ang nagsabi: “Binabasa ko ang aklat na ito nang unti-unti bawat gabi bago ako matulog. Ang aklat na ito ay nagpapatibay sa akin na magkaroon ng mas malalim na pagpapahalaga at pag-ibig sa katotohanan, at nadarama ko na ako’y mas malapit kay Jehova at labis na nagpapasalamat na ako’y bahagi ng kaniyang organisasyon. Tunay na ninanamnam ko ang bawat pahinang binabasa ko.”
11 Bagaman malaki ang aklat, hindi gayon ang bawat seksiyon. Ang panimulang seksiyon ay isang mabilis subalit kabigha-bighaning pagkubre sa mga pangyayari mula sa kaarawan ni Abel hanggang sa taóng 1992—sa loob lamang ng 108 mga pahina. Ang ibang seksiyon ay mula sa 13 hanggang 150 mga pahina. Ang bawat seksiyon ay hinati sa ilang mga kabanata. Sa halip na magmadali sa mga ito, kunin ang isang seksiyon, isang kabanata, o isang sub-titulo sa bawat pagkakataon; lubos na tamasahin ang kasiyahan at kapakinabangan mula dito.
12 Gumugol ng Panahon Upang Isipin Kung Ano ang Nabasa Ninyo: Ano ang inyong magiging tunguhin habang nagbabasa? Ang basta kubrehan ang mga pahina—kumpletuhin ang aklat—ay di dapat na maging tunguhin ninyo. Ang aklat na Tagapaghayag ay naglalaman ng rekord ng inyong espirituwal na pamana. Dapat ninyong lubusang malaman ito. Gumugol ng panahon upang mag-isip hinggil sa kahulugan ng inyong binabasa. Habang nirerepaso ninyo ang gawain ng sinaunang mga saksi ni Jehova, isaalang-alang kung papaano ninyo matutularan ang kanilang pananampalataya. (Heb. 12:1, 2) Kapag nababasa ninyo ang tungkol sa pagkakaroon ng malaking apostasya, pansining mabuti ang mga patibong na nakasilo sa mga humiwalay, sa layuning pangalagaan ang inyong sariling espirituwalidad. At habang nirerepaso ninyo ang ating makabagong-panahong kasaysayan, pansinin ang espirituwal na mga katangian niyaong mga ginamit ng Diyos, kung papaano nila itinanghal na ang paggawa ng kalooban ng Diyos ang siyang pinakamahalagang bagay sa kanilang buhay, at kung papaano sila humarap sa mga situwasyon—ang ilan sa mga ito ay napakahirap—na ipinahintulot ng Diyos.—Heb. 13:7.
13 Masusumpungan ninyong nakapagpapatibay ng pananampalataya na alamin ang mga detalye na nagpapakita kung papaano inakay ni Jehova ang kaniyang bayan tungo sa maliwanag na pagkaunawa sa katotohanan ng Bibliya na ating tinatamasa sa ngayon. Ang inyong pagpapahalaga sa nakikitang kaayusan na ginagamit ni Jehova ay lalaki habang kayo’y higit na nabibihasa sa pagsulong ng organisasyon. Tiyak na makadarama kayo ng kagalakan habang inyong binabasa kung papaano, bilang katuparan ng hula, ang mabuting balita ay nakaabot sa kaduluduluhang bahagi ng lupa. Ang inyong puso ay mapasisigla ng mga karanasan ng mga tapat sa lahat ng panig ng lupa na masigasig na gumawa upang ipahayag ang Kaharian. Kayo ay mapatitibay upang harapin ang personal na mga pagsubok habang inyong binabasa kung ano ang pinagtiisan ng mga tapat na kapatid na lalake at babae dahilan sa kanilang pag-ibig kay Jehova.
14 Pagkatapos ninyong basahin ang isang bahagi ng materyal, gumugol ng panahon upang talakayin ang kahalagahan nito nang magkakasama at repasuhin ang mga detalye. Kung mayroon kayong mumunting mga anak, isangkot sila sa pamamagitan ng pagpapaliwanag nila sa mga larawan at pagsasabi sa inyo kung ano ang kanilang nalalaman sa mga taong naroroon. Kahit na kayo’y nagbabasang mag-isa, sikaping ibahagi sa iba ang inyong natututuhan. Habang angkop, gamitin ang materyal sa mga pagdalaw muli at kapag nagdaraos ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Kapag inuulit ninyo ito maikikintal ito sa inyong isip at puso, at ito’y pakikinabangan din ng iba.
15 Magkaroon ng Interes sa mga Detalye: Ang panahong inyong ginagamit sa pagbabasa ng aklat na Tagapaghayag ay dapat na maging kapuwa kasiyasiya at kapakipakinabang.
16 Nais ba ninyong dumalaw ang inyong pamilya sa pandaigdig na tanggapan ng mga Saksi ni Jehova? Ang mga pahina 208-9 ay nagpapakita ng mga pasilidad na ginamit ng Samahan isang siglo na ang nakararaan sa lugar ng Pittsburgh. Ang mga pahina 216-17 ay magpapakita sa inyo ng mga gusaling ginamit sa dakong huli sa Brooklyn. Ang mga larawan sa mga pahina 352-6 ay makatutulong sa inyo na makita ang pandaigdig na tanggapan sa ngayon. Ang mga kabanata 26 at 27 ay punong-puno ng detalye hinggil sa gawaing isinasagawa sa Bethel, at ang mga pahina 295-8 ay nagbibigay ng higit na impormasyon hinggil sa buhay sa Bethel.
17 Ang karamihan sa atin ay hindi nakadadalaw sa maraming mga sangay ng Samahan. Ang mga pahina 357-401 ng aklat na Tagapaghayag ay magdadala sa inyo sa paglalakbay sa daigdig. Hindi kailangang magmadali. Gumamit ng ilang panahon sa bawat bansa at masiyahan dito. Gamitin ang mapa ng daigdig sa mga pahina 415-17 upang hanapin ang bawat dako. Basahin ang mga komento na kasama ng bawat larawan ng sangay. Sa pamamagitan ng indise maaari din ninyong makita ang iba pang kasiyasiyang impormasyon sa bawat bansa. Gamitin ang pagkakataong ito upang makilala ang mga miyembro ng inyong espirituwal na pamilya sa ibang lupain.
18 Kapag nagsasamasama ang mga tao sa sosyal na paraan, kung minsan sila’y nagpapalaisipan hinggil sa kaalaman sa sekular na mga bagay. Hindi ba’t higit na kapakipakinabang kung aalamin ang mga mahahalagang petsa at pangyayari sa makabagong panahong kasaysayan ng bayan ni Jehova? Masusumpungan ninyo ang karamihan sa mga ito na nakatala sa mga pahina 718-23 sa aklat na Tagapaghayag. Ito’y naglalaan ng isang saligang balangkas; maaaring dagdagan ninyo ito mula sa mga detalye na masusumpungan sa iba pang bahagi ng aklat. Gamitin ang mga ito na saligan ng pagrerepaso. Kaypala’y maisasaulo ng mga kabataan sa pamilya ang mga ito nang mas madali. Ang ilan sa atin na may edad na ay maaaring medyo mabagal. Subalit ang mga ito ay detalye ng teokratikong kasaysayan na maaari nating pakinabangang lahat. Pagkatapos ninyong mabatid ang mga petsa at mga saligang katotohanan, magtayo sa pundasyong iyon. Tingnan kung gaano karaming mga detalye ang inyong maaalaala hinggil sa bawat pangyayari. Pagkatapos ay pag-usapan ang naging bahagi ng bawat pangyayari sa pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos. Pagkatapos, talakayin kung papaano ito nakaapekto sa inyong sariling buhay at kung papaano kayo umaangkop sa ginagawa ni Jehova.
19 Tingnan ang mga Pagkakataong Bukas Para sa Inyo: Habang inyong binabasa at tinatalakay ang Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos, masusumpungan ninyong nabubuksan sa inyong pangmalas ang dakilang katuparan ng Isaias 60:22. Ang aklat ay nagsasabi sa pahina 519: “Ang katuparan ng pangako na ‘ang munti ay magiging isang libo’ ay talagang naganap, at higit pa sa inaasahan! Sa bawat isa sa mahigit na 50 lupain na noo’y wala kahit isang ‘munti’—kung saan wala pang mga Saksi ni Jehova noong 1919, at wala pang pangangaral na nagawa—sa ngayon ay may mahigit na isang libong tagapuri kay Jehova. Sa ilan sa mga lupaing ito, mayroon na ngayong sampu-sampung libo, oo, mahigit sa isang daang libo, ng mga Saksi ni Jehova na masisigasig na tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos! Sa buong daigdig, ang mga Saksi ni Jehova ay naging ‘isang makapangyarihang bansa’—higit ang dami bilang pinagsamang pambuong-daigdig na kongregasyon kaysa indibiduwal na populasyon ng alinman sa di-kukulangin sa 80 lupain sa daigdig na may sariling pamahalaan.”
20 Ang gawaing iyon ng pagsulong ng Kaharian ay hindi pa nagwawakas. Sa kabaligtaran, ito’y pinabibilis ni Jehova sa antas na walang kapantay. Hanggang saan kayo makikibahagi rito? Talaga bang alam ninyo ang lahat ng mga pagkakataong bukas para sa inyo? Habang kayo ay natututo sa ginagawa ng iba, ang inyo nawang sariling puso ay magpakilos sa inyo na gamitin ang inyong sarili upang lubusang makibahagi sa dakilang gawain na ipinatutupad ng ating maibiging Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo sa ating kaarawan.