Magbigay ng Palagiang Pansin sa Iyong Turo
1 Ang bagong programa sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay magpapasimula sa Enero 1995. Ano ang bago sa programa? Ang kapanapanabik na kasaysayan ng makabagong panahong organisasyon ni Jehova ang paksang tatalakayin sa karamihan sa mga pahayag na nagtuturo. Sa buong taon, 178 mga pahina ng aklat na Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos ang tatalakayin. Yamang walang mga tanong para sa pagrerepaso sa katapusan ng pahayag na nagtuturo mula sa aklat na Tagapaghayag, ano ang magagawa natin upang magbigay ng pansin sa ating pagtuturo at makuha ang pinakamalaking kapakinabangan?—1 Tim. 4:16.
2 Bagaman marami ang nakabasa na sa aklat na Tagapaghayag, ang pagtalakay nito sa paaralan ay makatutulong sa lahat na mapahalagahan pa nang higit ang kanilang teokratikong pamana. (Awit 71:17, 18) Bakit hindi mag-eskedyul ng ilang panahon bawat linggo upang repasuhin ang atas na materyal sa aklat na Tagapaghayag?
3 Buháy at Kapanapanabik na Pahayag na Nagtuturo: Ang mga pahayag na nagtuturo mula sa aklat na Tagapaghayag ay dapat na iharap sa buháy at kapanapanabik na paraan. Dapat na itampok nito ang praktikal na kahalagahan ng impormasyon, na ginagamit ito upang palalimin ang paggalang sa organisasyon ni Jehova at pagpapahalaga sa ating mga pribilehiyo bilang mga lingkod ng Diyos. Kung ang bawat pamilya ay magdadala ng kopya ng aklat na Tagapaghayag sa pulong, maingat na masusubaybayan ng mga miyembro ng pamilya ang pahayag na nagtuturo at makikinabang mula sa mga ilustrasyon at mga litrato sa aklat.
4 Pumupukaw-kaisipang Pagbabasa ng Bibliya: Ang mabuting pagbabasa, na may wastong pagdiriin at damdamin, ay mahalagang bahagi ng mabisang pagtuturo. Bukod dito, ang iniatas na materyal na babasahin sa Pahayag Blg. 2 ay hindi mahaba, kaya may sapat na panahon para sa pambungad at pansarang komento ng tagapagsalita. Ang pambungad ay dapat pumukaw ng interes sa materyal at ihanda ang tagapakinig na maunawaan ang praktikal na kahalagahan nito. Ang konklusyon ay maaaring maglakip ng pagpapaliwanag at aplikasyon ng materyal, na lubusang ginagamit ng tagapagsalita ang itinakdang panahon.
5 Ang karagdagang impormasyon hinggil sa programa ng paaralan at kung papaano gaganapin ang mga atas ay masusumpungan sa “Theocratic Ministry School Schedule for 1995.” Tayo’y nagbibigay pansin sa ating turo sa pamamagitan ng pagrerepaso sa mga tagubilin sa materyal na ito, sa pamamagitan ng mabuting paghahanda sa ating mga atas, at sa pamamagitan ng pagkakapit sa payong ibinigay sa atin. Yaong mga hindi pa nakatala sa paaralan ay masigla naming inaanyayahang gawin iyon.