Ipadama sa Kanilang Sila’y Tinatanggap sa Memoryal
1 Sa nakaraang ilang mga taon, 1 lamang sa bawat 3 taong dumalo sa Memoryal ang mamamahayag ng mabuting balita. Malamang na magkatotoo itong muli sa taóng ito. Ang ilan ay maaaring dumalo dahil sa paanyaya ng isang kamag-anak o isang kaibigan, samantalang ang iba ay maaaring inanyayahan ng lokal na mga mamamahayag. Ang iba pa na dadalo, bagaman bautisado, ay hindi na aktibo sa ministeryo. Taimtim nating tinatanggap ang lahat ng nagpapakita ng paggalang sa utos ni Jesus: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.”—1 Cor. 11:24; Roma 15:7.
2 Ang mga inatasang attendant ay dapat na maging alisto sa pagtanggap sa bawat isa sa kanilang pagdating sa Kingdom Hall. Gayunpaman, dapat nating sunding lahat ang landasin ng pagkamapagpatuloy. (Roma 12:13) Papaano natin magagawa ito?
3 Sa gabing iyon ang ilang mga mamamahayag ay magiging abala sa paglalaan ng masasakyan ng mga taong interesado. Ang iba ay maaaring dumating nang maaga upang batiin ang mga bisitang dumating na walang kasama. Kapag ang isang estranghero ay pumasok sa bulwagan, magiliw siyang batiin. Tanungin siya kung may kakilala siyang kapatid. Kung mayroon, asikasuhin siya hanggang sa dumating ang kaniyang kakilala. (Ihambing ang Lucas 10:35.) Kung wala siyang kakilala, anyayahan siyang umupong katabi ninyo. Ipaliwanag kung papaano gagamitin ang alak at ang tinapay. Maaaring kakailanganin niya ang tulong sa paghanap sa mga Kasulatan na sinisipi ng tagapagsalita.
4 Sa katapusan ng pagdiriwang ng Memoryal, sabihin sa kaniya na kayo’y nalulugod sa kaniyang pagdalo. Kaypala’y may katanungan siya sa ating gawain na maaari ninyong sagutin. Ang inyong personal na interes ay maaaring umakay sa pag-uusap sa ilang paksa ng Bibliya. Ang ilang mahuhusay na mga pag-aaral sa Bibliya ay napasimulan ng alistong mga kapatid na gumawa nito. Bago siya lumisan sa Kingdom Hall, ipakilala siya sa iba, at anyayahan siyang muling bumalik.
5 Kay ligaya natin na tanggapin ang ating minamahal na mga kapatid na hindi dumadalo nang palagian o hindi aktibo sa ministeryo sa ilang mga panahon! Sa halip na tanungin kung bakit sila hindi dumadalo sa mga pulong, basta’t ipahayag ang inyong kagalakan na sila’y presente. Marahil ang kanilang napakinggan sa pahayag sa Memoryal ay magpapakilos sa kanila na muling suriin ang kanilang naaalay na kaugnayan kay Jehova. Ang magiliw na pagtanggap at pagkabahala ay maaaring sumaling sa kanilang mga puso. Ipabatid sa kanila na hinahangad ninyong makita silang muli.—Roma 1:11, 12.
6 Isang pantanging pahayag pangmadla ang ibibigay sa Abril 10 na pinamagatang “Ang Tunay na Relihiyon ay Nakatutugon sa mga Pangangailangan ng Lipunan ng Tao.” Tiyaking ang lahat ng dumalo sa pagdiriwang ng Memoryal ay maanyayahan. Inaasahan natin na ang mga dumalo sa pagdiriwang ng Memoryal ay makadaramang sila’y tinatanggap anupat mararanasan nila ang magiliw na espiritu ng pagkakapatiran sa gitna ng bayan ni Jehova.—Awit 133:1.