May Kapangyarihan ang Salita ng Diyos
1 Ang Bibliya ay nakaimpluwensiya nang malaki sa buhay ng milyun-milyon. Ang sinasabi nito ay higit na nagpapakilos kaysa anumang maaaring gawin ng tao. (Heb. 4:12) Masdan kung ano ang ginawa nito para sa atin. Tunay, ang halaga nito ay walang katulad.
2 Ang mga Saksi ni Jehova ay siyang pangunahing mga estudyante ng Bibliya. Ang pagbabasa ng Bibliya ay dapat nating malasin bilang isang mahalagang bahagi ng ating regular na eskedyul, na inuuna kaysa telebisyon at sa lahat ng iba pang libangan.
3 Ugaliin Ito Nang Regular: Pinahahalagahan ng bayan ni Jehova ang makapangyarihang impluwensiya na idinudulot ng regular na pagbabasa ng Bibliya. Ang karatula sa isa sa ating mga gusali ng pabrika sa Brooklyn ay humihimok sa mga tao na “Basahin ang Salita ng Diyos Araw-araw.” Ang mga bagong miyembro ng pamilyang Bethel ay hinihilingang basahin ang buong Bibliya sa unang taon nila sa Bethel. Umaalinsabay ba kayo sa lingguhang pagbabasa ng Bibliya sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro?
4 Kung nahihirapan kayong gawin ito, bakit hindi pagbutihin ito sa Nobyembre? Ang pagbabasa sa Bibliya sa buong buwan ay sa Awit 95-109, na nangangahulugang tatlo o apat na pahina sa isang linggo. Ang ilan ay bumabasa ng kaunti bawat araw, marahil ay sa madaling araw o bago magpahinga sa gabi. Ang mahalagang bagay ay na anihin ninyo ang mga kapakinabangan ng regular na pagbabasa ng Salita ng Diyos.
5 Ialok ang Bibliya sa Nobyembre: Iginagalang pa rin ng maraming tao ang Bibliya at nagnanais na makinig sa sinasabi nito. Sa Nobyembre ay iaalok natin ang New World Translation (o Ang Banal na Kasulatan) at ang aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? Ipakikita nito sa mga tapat pusong tao ang kahalagahan ng Salita ng Diyos. Maging masigla sa pagsasagawa nito.
6 Maghanda ng ilang komento sa namumukod-tanging mga katangian ng New World Translation na aakit sa mga tao para kumuha nito. Maaari ninyong gamitin ang isang paksa sa seksiyong “Bible Topics for Discussion” at iugnay ito sa aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? O maaari ninyong ipakita ang kahalagahan ng 92-pahinang indise ng mga salita sa Bibliya para sa paghahanap ng pamilyar na mga teksto. Ang ilang mga mamamahayag ay magnanais na itampok ang “Table of the Books of the Bible” at ipakita ang halaga nito sa pag-aaral ng Bibliya.
7 Tiyaking ipakita na ang New World Translation ay nasa makabagong Ingles, anupat madaling maunawaan. Ang ilang kapanapanabik na paghahambing sa King James Version ay nasa 1 Corinto 10:25 at 16:22. Ang New World Translation ay gumagamit ng banal na pangalang Jehova ng 7,210 ulit.
8 Oo, ang Bibliya ay Salita ng Diyos. Kung babasahin natin ito at ikakapit ang payo nito sa ating buhay, aanihin natin ang malaking kapakinabangan. (Roma 15:4) Mahalaga na basahin ito sa araw-araw at gamitin ito sa pagtuturo sa iba.