Mga Paraan Upang Pasulungin ang Ating Pangangaral ng Kaharian
1 Ang ating gawaing pangangaral ay apurahan ngayon higit kailanman. Ang buhay o kamatayan ng tao ay nakasalalay sa kanilang pagtugon sa mabuting balita. (1 Ped. 4:5, 6, 17; Apoc. 14:6, 7) Kaya laging pagsikapang pasulungin ang ating pangangaral ng Kaharian. Ano ang ilang paraan upang makagawa ng pagsulong?
2 Maghandang Mabuti: Ginagamit ang kasalukuyang isyu ng Ating Ministeryo sa Kaharian, piliin ang presentasyon na makatatawag ng pansin ng mga tao sa inyong teritoryo. O nanaisin ninyong maghanda ng sariling presentasyon, na ginagamit ang mga Kasulatang nasumpungan ninyong mabisa. Nangangailangan kayo ng pumupukaw-interes na pambungad. (Tingnan ang aklat na Nangangatuwiran, pahina 9-15.) Marahil ay pinaplano ninyo na magtanong o humiling ng komento sa maybahay hinggil sa isang lokal na balita. Kapag buo na sa isip ninyo ang inyong presentasyon, insayuhin ito sa miyembro ng inyong pamilya o sa ibang mamamahayag na makapagbibigay sa inyo ng mga mungkahi ukol sa ikasusulong.
3 Makipag-usap sa mga Tao: Ang layunin natin ay upang itawid ang mahalagang mensahe. Magagawa ito sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga tao. Kung ang maybahay ay nagbangon ng pagtutol o nagharap ng isang opinyon, maingat na makinig sa kaniya. Ang kaniyang mga komento ay makatutulong sa inyo para magbigay ng maka-Kasulatang kasagutan. (1 Ped. 3:15) Kung ang kaniyang pangmalas ay hindi kasuwato ng Bibliya, maaari ninyong sabihin: “Ganiyan din ang nadarama ng maraming tao. Subalit, narito ang iba namang pangmalas na maaaring isaalang-alang sa paksang ito.” Pagkatapos ay basahin ang isang angkop na teksto, at kunin ang kaniyang komento.
4 Magkaroon ng Naibabagay na Eskedyul: Ang pagiging handang handa ay may kaunti lamang halaga kung hindi natin makakausap ang mga tao. Sa ilang lugar sa ngayon iilan lamang maybahay ang nasa tahanan sa panahon ng ating pagdalaw. Kung totoo ito sa inyong teritoryo, subuking baguhin ang inyong eskedyul upang maratnan ninyo ang mas maraming tao sa tahanan. Marahil ang pinakamabuting panahon upang dumalaw ay sa dulong sanlinggo; ang iba ay maaaring maratnan sa dakong gabi. Ang mga tao ay karaniwang nakapahingalay na at mas madaling kausapin sa gayong mga panahon.
5 Suriin Kung Mabisa ang Inyong Presentasyon: Pagkatapos lumisan sa bawat pintuan, tanungin ang sarili: ‘Naabot ko ba ang puso ng maybahay? Napasigla ko ba siya na magsalita at pinakinggan ang kaniyang sinabi? Sumagot ba ako nang mataktika? Ginamit ko ba ang pinakamainam na paglapit?’ Makatutulong kung gagawa kasama ng makaranasang mamamahayag o payunir sa pana-panahon at matamang makinig sa kaniyang presentasyon upang mapasulong ang pagiging mabisa ninyo sa ministeryo.
6 Kung ika’y bihasa sa iyong gawain, sa pamamahagi mo ng katotohanan ng Kaharian ay “ililigtas mo kapuwa ang iyong sarili at yaong mga nakikinig sa iyo.”—1 Tim. 4:16; Kaw. 22:29.