Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • km 12/94 p. 3-4
  • Magbigay ng Pansin sa Makahulang Salita

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Magbigay ng Pansin sa Makahulang Salita
  • Ating Ministeryo sa Kaharian—1994
  • Kaparehong Materyal
  • Magbigay-Pansin sa Makahulang Salita ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Manampalataya sa Makahulang Salita ng Diyos!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Magbigay-Pansin sa Makahulang Salita ng Diyos!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
Iba Pa
Ating Ministeryo sa Kaharian—1994
km 12/94 p. 3-4

Magbigay ng Pansin sa Makahulang Salita

1 “Taglay namin ang makahulang salita na ginawang higit na tiyak.” (2 Ped. 1:19) Bakit sinabi ito ni Pedro? Ang mga hula hinggil sa Kaharian na mula sa Hebreong Kasulatan at yaong mula mismo kay Jesu-Kristo ay pinagtibay, o “ginawang higit na tiyak,” sa pamamagitan ng nakita at narinig ni Pedro at ng dalawang iba pang alagad sa lugar ng pagbabagong anyo mga 32 taon ang kaagahan. Ang dramatikong pangitaing ito ay nagbigay ng katiyakan sa kanila na si Jesu-Kristo ay magkakaroon ng kapangyarihan ng Kaharian taglay ang ganap na suporta ng kaniyang Ama. Ang mga Kristiyano noong unang siglo ay ‘mahusay ang ginagawa sa pagbibigay-pansin sa makahulang salita gaya ng isang lamparang lumiliwanag.’ Ang pagbibigay ng pansin sa makahulang salita ay magpapangyari sa kanila na manatiling gising sa pagbubukang liwayway ng isang bagong araw, sa pagsikat ng “bituing pang-araw,” si Kristo, sa kaluwalhatian ng Kaharian.—2 Ped. 1:16-19; Mat. 17:1-9.

2 Wala tayo doon kasama ni Pedro upang makita ang maluwalhating pagbabagong anyo. Gayunman, ang mga Kristiyano sa lahing ito na nagbigay ng pansin sa makahulang salita ay nagkapribilehiyo na makita ang saganang katibayan na ang maluwalhating Hari ay tunay na namamahala! Bawat taon mula noong 1914, ang makahulang salita ay ginawang higit na tiyak habang ating nasasaksihan ang katuparan ng maraming bahagi ng “tanda” na ibinigay ni Jesus hinggil sa kaniyang maharlikang “presensiya.” Ang isang mahalagang bahagi ng tandang iyon ay ang pagbabalita hinggil sa kaniyang pamahalaan sa lahat ng bansa bago puksain ng Hari ang sistemang ito ng mga bagay. Sa ilalim ng patnubay ni Kristo, ang pangangaral ng Kaharian ay isinasagawa ngayon sa 231 mga lupain. (Mat. 24:3-14) Karagdagan pa, habang ang “malaking kapighatian” ay nalalapit na, ang nakaluklok na Hari ay nagtitipon sa “isang malaking pulutong” na nakakaunawa rin sa kaniyang presensiya.—Apoc. 7:9, 10, 14.

3 Yamang ang “bituing pang-araw” ay sumikat na, na nangangahulugang si Kristo ay tumanggap na ng kapangyarihan ng Kaharian, mayroon pa bang dahilan upang magbigay ng pansin sa makahulang salita? Oo! Ang niluwalhating si Jesu-Kristo ay nagbigay kay apostol Juan ng sunud-sunod na pangitain na bumuo sa aklat ng Apocalipsis. Ang mga ito ay may pantanging kahalagahan sa atin na nabubuhay sa “araw ng Panginoon.” (Apoc. 1:10) Kaya ang bayan ni Jehova sa pangkalahatan ay gagawa ng karagdagang pag-aaral sa aklat na Apocalipsis.

4 “Maligaya siya na bumabasa nang malakas at yaong mga nakikinig sa mga salita ng hulang ito, at tumutupad sa mga bagay na nasusulat dito; sapagkat ang itinakdang panahon ay malapit na.” (Apoc. 1:3) Upang tayo’y maging maligaya, dapat nating makuha ang diwa, oo, ang tunay na unawa, sa makahulang pangitaing ito. Humihiling ito ng ano? Ang pag-uulit ay kailangan upang pumasok sa ating puso ang kahulugan ng ulat ng Apocalipsis. Kinilala ni apostol Pedro, isang miyembro ng unang siglong lupong tagapamahala, ang kahalagahan ng pag-ulit sa mga pangunahing katotohanan upang ‘gisingin’ ang kaniyang mga kapatid sa espirituwal na paraan. (2 Ped. 1:12, 13) Ang makabagong panahong “tapat at maingat na alipin” ay tumutulong din sa atin sa pamamagitan ng paulit-ulit na pag-akay ng ating pansin sa makahulang salita.—Mat. 24:45-47.

5 Papaano Magbibigay ng Pansin: Anong uri ng pansin ang nararapat ibigay sa Apocalipsis? Ipinaalaala sa atin ni apostol Pablo na ang Diyos ay hindi nagsalita sa mga Kristiyano sa pamamagitan ng mga anghel o ng mga propeta gaya ng ginawa niya bago pa si Kristo. Sa halip, si Jehova ay nakipag-usap sa atin sa pamamagitan ng kaniyang pinakamamahal na Anak, na kaniyang inatasan bilang “tagapagmana ng lahat ng mga bagay.” (Heb. 1:1, 2) “Iyan ang dahilan kung bakit kailangan nating magbigay ng higit kaysa sa karaniwang pansin sa mga bagay na narinig natin, upang hindi tayo kailanman maanod palayo.” (Heb. 2:1) Oo, dapat tayong magbigay ng pansin lalo na sa makahulang salita sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Papaano tayo makapagbibigay ng pantanging pansin sa ating pag-aaral ng Apocalipsis?

6 Una, mahalaga na maging presente bawat linggo sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Totoo, para sa marami sa atin, ito ang ikatlong pag-aaral natin sa aklat na Apocalipsis. Kaya, maaaring malasin ng iba na hindi gaanong mahalaga ang pag-aaral sa aklat, anupat kahit na malibanan nila ang isang pulong, alam na nila ang materyal. Gayunpaman, sa bawat paglipas ng taon, ang makahulang impormasyon ay lalong higit na napapanahon kaysa noong 1989 nang una nating pag-aralan ang aklat na Apocalipsis. Kailangang maging alisto tayong lahat sa makabagong panahong mga pangyayari na mabilis na nagaganap bilang katuparan ng mga hula sa Apocalipsis. Gawin ninyong personal na tunguhin na walang malibanan kahit na isang pag-aaral sa aklat, hanggat maaari, sa mahalagang pagsasaalang-alang na ito ng Apocalipsis.

7 Ikalawa, ihandang mabuti ang inyong leksiyon. Tingnan ang mga binanggit na kasulatan at isaalang-alang kung papaano tumutulong ito sa pagpapaliwanag ng mga talata ng Apocalipsis. Sa ganitong paraan malaki ang matututuhan ninyo kaysa basta malaman ang kasagutan sa mga tanong. Pagsikapang tamuhin hindi lamang ang kaalaman kundi ang karunungan at kaunawaan. (Kaw. 4:7) Ikatlo, aktibong makibahagi sa pagbibigay ng mga komento at pagbabasa ng Bibliya. Gawing tunguhin na sumagot kahit minsan man lamang at mas mabuti kung ilang ulit sa bawat pag-aaral. Ang paggawa nito ay makatutulong upang ituon ang inyong isipan sa leksiyon.

8 Ang pagbibigay ng higit kaysa karaniwang pansin sa makahulang salita ay nagsasangkot ng higit pa sa paghahanda, pagdalo, at pakikibahagi lamang. Ito rin ay nangangahulugang pagkatapos ng pag-aaral, patuloy tayong ‘magmuni-muni sa mga bagay na ito, at magbuhos ng pansin sa mga ito.’ (1 Tim. 4:15) Upang ang makahulang salita ay maging lamparang lumiliwanag sa ating mga puso, kailangang makaapekto ito nang malalim sa ating panloob na pagkatao—sa ating kaisipan, pagnanasa, emosyon, motibo, at mga tunguhin. (2 Ped. 1:19) Kaya, dapat nating itanong sa sarili: Ano ang kahulugan ng impormasyong ito sa akin nang personal? Ano ang aking natutuhan hinggil kay Jehova at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo? Sumasapuso ko ba ang diwa ng pag-aaral? Papaano ko ikakapit ang mga katotohanang ito sa aking buhay? Sa aking sambahayan? Sa kongregasyon? Sa pamamagitan ng paggawa ng praktikal na pagkakapit sa ating natututuhan, makapagsasabi tayo gaya ng salmista: “Ang salita mo ay lampara sa aking paa, at liwanag sa aking landas.”—Awit 119:105; Job 29:3, 4.

9 Manatiling Gising sa Mapanganib na mga Panahon: Noong taóng 33 C.E., binabalaan ni Jesus ang kaniyang mga alagad sa Jerusalem hinggil sa dumarating na pagkapuksa at sa hudyat kung kailan sila dapat tumakas sa dako ng kaligtasan. (Luc. 19:41-44; 21:7-21) Pagkatapos ay lumipas ang 30 taon. Maaaring sa pakiwari ng ilang mga Kristiyanong Judio ay walang malaking pagbabago na mangyayari sa malapit na hinaharap. Tunay na napapanahon ang payo ni apostol Pedro sa kaniyang ikalawang liham, na isinulat nang bandang 64 C.E., na ‘magbigay ng pansin sa makahulang salita’! (2 Ped. 1:19) Di natagalan, noong 66 C.E., ang Jerusalem ay kinubkob ng hukbong Romano. Nang ang puwersang Romano ay biglang umalis, ang gising na mga Kristiyanong Judio ay sumunod sa mga tagubilin at tumakas. Pagkatapos, noong 70 C.E., ang hukbong Romano ay nagbalik at lubusang pinuksa ang Jerusalem. Anong ligaya ng mga Kristiyano na sila’y nagbigay ng pansin sa makahulang salita ni Jesus!

10 Ano ang dapat nating bantayan bilang makabagong panahong mga Kristiyano? Sa pangitain sa Apocalipsis, binabalaan ni Jesus ang mga Kristiyanong nabubuhay sa araw ng Panginoon hinggil sa maraming pangyayari na malapit nang mangyari. Sa nakaraang 80 taon, marami sa mga pangyayaring ito ang naganap na; ang pagsilang ng Kaharian; ang digmaan sa langit, na sinundan ng pagbubulid kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo sa kapaligiran ng lupa; ang pagbagsak ng Babilonyang Dakila; ang pagiging bantog ng mabangis na hayop na kulay-pula, ang ikawalong pandaigdig na kapangyarihan. Ang katuparan ng mga bahaging ito ng makahulang salita sa Apocalipsis ay higit na tumitiyak sa atin na di na matatagalan at ating makikita ang nalalabing dramatikong mga pangyayari: ang pagtatatak sa huling miyembro ng 144,000, ang natapos na pagtitipon ng malaking pulutong, ang pagkapuksa ng Babilonyang Dakila, ang digmaan ng Armahedon, ang pagbubulid sa kalaliman kay Satanas, at ang Milenyong Pamamahala ni Kristo. Gaano kahalaga na magbigay ng pansin sa babala ni Jesus: “Narito! Dumarating akong gaya ng isang magnanakaw. Maligaya ang nananatiling gising, at nag-iingat ng kaniyang mga panlabas na kasuutan.”—Apoc. 16:15.

11 Tayo ba ay nananatiling gising? Gaano kataimtim nating kinikilala ang makahulang salita? Nag-alay man tayo ng buhay kay Jehova sa nakaraang 5 taon o 50 taon, ang mga salita ni Pablo sa mga Kristiyanong Romano ay angkop na kumakapit sa atin: “Alam ninyo ang kapanahunan, na oras na upang gumising kayo sa pagkakatulog, sapagkat mas malapit na ngayon ang ating kaligtasan kaysa noong panahon nang tayo ay maging mga mananampalataya. Ang gabi ay malalim na; ang araw ay malapit na.” Pagkatapos ay pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano na “alisin natin ang mga gawang nauukol sa kadiliman” at “lumakad tayo nang desente.” (Roma 13:11-13) Tayo’y nabubuhay sa daigdig ng pusikit na kadiliman sa moral. Ang nakagigimbal na paggawi sa nakalipas lamang na 30 o 40 taon ay naging pangkaraniwan na sa maraming taga-sanlibutan sa huling dekadang ito ng ika-20 siglo. Mag-ingat, mga kapatid, na hindi ninyo pinahihintulutan ang sarili na maanod tungo sa kadiliman ng sanlibutan at mag-antok sa moral na paraan. Kung papayagan ninyo ang sarili na sumang-ayon sa mababang uri ng pamumuhay ng sanlibutang ito, mawawala sa inyong pangmalas ang malalaking isyu na malapit nang lutasin magpakailanman: ang pagbabangong puri sa soberanya ni Jehova at pagpapabanal sa kaniyang pangalan. Ang espirituwal na pag-aantok ay magsasapanganib sa inyong kaligtasan, na ngayo’y lubhang malapit na.

12 Palaguin ang Taus-pusong Pagpapahalaga Para sa Makahulang Salita: Ang sinaunang mga propetang Hebreo ay lubhang interesado sa katuparan ng kanilang mga hula hinggil sa Mesiyas. Sila’y gumawa ng “masikap na pagsisiyasat at maingat na pagsasaliksik” sa katuparan ng layunin ng Diyos. (1 Ped. 1:10, 11) Gayundin, habang kayo’y nagbibigay ng pansin sa makahulang salita sa aklat ng Apocalipsis, lalakí ang inyong pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay. Mag-iibayo ang inyong espirituwal na gana, upang kayo’y mapasiglang maghukay sa “malalalim na bagay ng Diyos.” (1 Cor. 2:10) Habang pinupunô ninyo ang inyong puso ng pagpapahalaga sa makahulang salita, hindi na kailangang himukin pa kayo ng iba na dumalo sa mga pulong; kayo’y mapakikilos na dumalo at makibahagi nang palagian. (Luc. 6:45) At kung ang ‘salita ay nasa inyong sariling puso,’ kayo ay mapakikilos na ‘gumawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaligtasan.’—Roma 10:8-10.

13 Habang lumalalim tayo sa panahon ng katapusan, higit tayong lilibakin ng mga manunuya dahilan sa ating matatag na pananampalataya sa makahulang kapahayagan ng Diyos. (2 Ped. 3:3, 4) Subalit, dapat tayong manatiling gising sa makahulang salita. Ang lampara ng Salita ng Diyos ay nagtuturo sa atin kung nasaan na tayo sa agos ng panahon. Maningning nitong nililiwanagan ang katotohanan na tayo ay nasa mga huling araw ng madilim na sanlibutang ito. Ang bituing pang-araw ay sumilang na! Si Kristo ay nasa kapangyarihan na ng Kaharian! Abot-tanaw na natin ang pagbubukang liwayway ng isang bagong araw. Nawa ang pangako ng Diyos na bagong sanlibutan ay patuloy na maging tunay sa atin kung papaanong ang Kaharian ay naging gayon para sa tatlong apostol na nagkapribilehiyo na makita ang pangunang pagpapamalas nito sa isang makahimalang pangitain sa pagbabangong anyo ni Jesus!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share