Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • km 5/95 p. 3-6
  • Simplipikasyon ng 1995 Pandistritong Kombensiyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Simplipikasyon ng 1995 Pandistritong Kombensiyon
  • Ating Ministeryo sa Kaharian—1995
  • Kaparehong Materyal
  • 1997 “Pananampalataya sa Salita ng Diyos” na Pandistritong Kombensiyon
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1997
  • 1999-2000 “Makahulang Salita ng Diyos” na mga Pandistritong Kombensiyon
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1999
  • 1996 “Mga Mensahero ng Maka-Diyos na Kapayapaan” na Pandistritong Kombensiyon
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1996
  • Halikayo sa “Dalisay na Wika” na Pandistritong Kombensiyon
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1990
Iba Pa
Ating Ministeryo sa Kaharian—1995
km 5/95 p. 3-6

Simplipikasyon ng 1995 Pandistritong Kombensiyon

1 Kapana-panabik na maging presente sa espirituwal na mga piging, ito man ay sa mga pulong ng kongregasyon, mga pansirkitong asamblea, pantanging mga araw ng asamblea, o mga pandistritong kombensiyon! Bakit? Ang pakikisama sa ating mga kapatid ay nagiging kasiya-siya, at ang inihaharap na espirituwal na mga bagay ay nagpapagunita sa atin ng higit na mahahalagang bagay.

2 Libu-libo ang nadala sa gayong espirituwal na mga pagtitipon sa nakaraang mga taon. Sa pagitan ng mga taon ng 1985 at 1994, ang bilang ng mga kongregasyon sa buong daigdig ay sumulong nang mahigit sa 50 porsiyento, mula sa 49,716 tungo sa 75,573. Habang pinabibilis ni Jehova ang gawain, ang bilang ng mga pandistritong kombensiyon at mga pansirkitong asamblea ay sumusulong din. (Isa. 60:22) Maging ang bilang ng mga idinaos na kombensiyon sa Pilipinas lamang, na mula sa 23 noong 1985 tungo sa 42 noong 1994, ay nagpapakita ng pagkalaki-laking pagsulong sa bilang ng mga kongregasyon. Ang gawaing nasasangkot sa pagsasaayos at pangangasiwa ng mga kombensiyong ito ay lumalaki. Yamang tayo ay nagtitipon upang makinabang mula sa inihandang espirituwal na programa sa mga piging na ito, katalinuhan na gawing simple lamang hangga’t maaari ang pag-iintindi sa pisikal na mga pangangailangan.

3 Isasagawang Karagdagang Hakbangin: Tumitingin tayo kay Jehova para sa mga pagpapala habang tayo’y patuloy na sumusulong. Tayo’y naliligayahang makita na pinagkalooban ni Jehova ang kaniyang bayan ng kinakailangang espiritu ng karunungan at kaunawaan. Tiyak na sang-ayon tayo na sa pamamagitan ng uring tapat na alipin, mabisang pinatnugutan ni Jesu-Kristo ang mga bagay-bagay ukol sa pagsasakatuparan ng layunin ni Jehova sa isang kamangha-manghang paraan. (Mat. 24:45-47; Col. 1:9, 10) Ngayon ang tapat na alipin ay gumawa kamakailan lamang ng patalastas na ito: “Pasimula sa 1995 na mga pandistritong kombensiyon at sa Setyembre 1995 na mga pansirkitong asamblea at pantanging mga araw ng asamblea, hindi na magpapakain. Ang bawat isa ay magdadala ng sariling pagkain at inumin.” Ikakapit din natin ang kaayusang ito sa Pilipinas. Ang mga pansirkitong asamblea at pantanging mga araw ng asamblea ay maaaring magpatuloy sa kanilang kasalukuyang mga kaayusan sa pagpapakain hanggang sa Agosto 1995 kung gusto nila. Gayunman, ang mga naka-iskedyul pagkatapos ng Setyembre 1 ay susunod sa kaayusan sa itaas. Nakatitiyak kami na magkakaroon ng positibong pagtugon sa patalastas na ito. Maaaring interesado kayong makaalam kung papaano magiging kapaki-pakinabang ang pagbabagong ito. Marahil ang sumusunod na mga pagbabago na ginawa sa nakaraang mga taon ay magsisilbing isang mabuting paalaala sa mga kapakinabangang natamo sa paggawang simple ng gawain sa mga kombensiyon.

4 Nakaraang mga Pagbabago Upang Gawing Simple: Bago pa gawing simple ang mga kaayusan sa pandistritong kombensiyon, gaya ng food service, volunteer service, at rooming, malaking gawain ang kailangan sa bahagi ng libu-libong lokal na mga kapatid na nagtatrabaho bago ang kombensiyon. Dahilan sa panggigipit sa ating mga kapatid dulot ng pang-araw-araw na pamumuhay at patuloy na paglaki ng organisasyon, tunay na kailangan ang mga pagbabago upang gawing simple ang gawain. Bukod dito, bilang resulta ng pagiging simple ng operasyon sa pagpapakain sa Estados Unidos noong 1978, mahigit sa 70,000 mga kapatid na dating nagtatrabaho kapag may sesyon upang paglaanan tayo ng pagkain ang nakakapakinig ng programa. Noong 1987 higit pang simplipikasyon ang ginawa sa pagpapakain sa mga kombensiyon at sa mga Assembly Hall sa Estados Unidos. Sa dakong huli, ang pagkain ay ginawang libre para sa mga dumadalo sa mga kombensiyon at sa mga asamblea. Anong inam na mga pagbabago ang mga ito, na nagpagaan sa gawain at nagpangyaring makapagbigay ng higit na pansin sa espirituwal na mga bahagi ng kombensiyon, anupat ang mga manggagawa ay nakakapakinig at nagtatamasa ng higit mula sa programa. (Deut. 31:12) Subalit ano pang gawain ang maaaring alisin upang maging posible na higit pa ang makinabang nang lubusan sa espirituwal na programa?

5 Inaasahang mga Pagbabago: Sa mga taon na may simpleng pagpapakain sa Estados Unidos at sa ibang mga bansa, nakita na tila “iilang bagay” ang tunay na “kinakailangan.” (Ihambing ang Lucas 10:38-42.) Gayunpaman, ito’y nangangailangan pa rin ng maraming suplay at gawain, at mamahaling kagamitan. Gayundin, malaking bilang ng mga boluntaryo ang kinakailangan upang maorganisa at masuportahan ang kaayusan. Ang Samahan ay gumamit ng malalaking refrigerated trailers sa ilang lupain upang maghatid ng pagkain nang milya-milya. Ang mga ito ay nangangailangan ng pag-aasikaso. Sa pamamagitan ng karagdagan pang pagpapasimple, ang ekstrang trabaho at gastos na ito ay mawawala.

6 Ang kusang paglilingkod niyaong mga nagtrabaho bilang mga boluntaryo sa mga gawaing ito ay lubos na pinahahalagahan. Gayunman, sa pamamagitan ng karagdagang simplipikasyon, ang maraming kapatid na nagtatrabaho sa pamimili, paghahanda, at pagpapakain ay makagagamit ng kanilang panahon sa iba pang gawaing pang-Kaharian, lakip na ang lubusang pagtatamasa ng kasiyahan sa pakikipagsamahan sa kombensiyon. Ang mga boluntaryong ito na dating naglilingkod sa Food Service ay makatutulong na ngayon sa iba pang mga departamento, gaya ng Attendant at Cleaning. Ito’y magpapagaan ng dalahin ng bawat isa at hindi na mangangailangang magtrabaho sa gabi, madaling araw, o sa mga panahon ng sesyon, gaya ng nangyayari sa karamihan na nasa Food Service.

7 Pagtataguyod sa mga Kaayusan: Lubos na pinahahalagahan ng Samahan ang mainam na pagsuporta ninyo mga kapatid taglay ang “sakdal na puso” sa mga kaayusan ng kombensiyon sa loob ng maraming taon, lakip na sa paghahanda ng pagkain. (1 Cron. 29:9) Ito’y nakatulong sa maraming paraan. Ginawa nitong posible na umupa ng mga pasilidad ng kombensiyon at matugunan ang gastos ng kombensiyon. Pinapangyari rin nito na manatili ang mga dumadalo sa lugar ng kombensiyon sa panahon ng pananghalian upang madaling kumuha ng pagkain, makapagpahinga, at maging presente sa espirituwal na programa. At walang alinlangang ang pagkabukas-palad at suporta na ipinagkaloob ng mga kapatid sa pamamagitan ng kusang-loob na pag-aabuloy para sa gastos ng kombensiyon ay magpapatuloy, na ginagamit ang mga kahon para sa kontribusyon.—Kaw. 11:25; Luc. 16:9.

8 Pag-aasikaso sa Inyong Pangangailangan sa Pagkain: Gayunpaman, dahilan sa ganitong karagdagang pagbabago, ang kailangan lamang para sa mga indibiduwal at mga pamilya ay paglaanan ang kanilang sarili ng materyal na pagkain sa panahon ng ating pahinga sa tanghali. Saklaw nito ang mga payunir, na magdadala rin ng kanilang sariling pagkain, katulad ng kanilang ginagawa sa kanilang atas na teritoryo. Mataas ang ating pagpapahalaga sa maiinam na kapakinabangan ng espirituwal na pagkain. Ang pagpapahintulot sa pisikal na pagkain na kumuha ng di-nararapat na kahalagahan ay di-katalinuhan. Mahalaga sa bawat isa na ‘matiyak ang mga bagay na higit na mahalaga’ sa bagay na ito. (Fil. 1:9, 10a) Ang malalaking kombensiyon ng bayan ni Jehova kamakailan lamang sa Polandiya, Russia, at Ukraine, at gayon din sa ibang mga lugar, ay naidaos nang matagumpay na walang mga kaayusan sa pagpapakain. Sa mga lugar na ito, ang mga delegado ay nagdala ng kanilang sariling pagkain para sa pananghalian. Masusumpungan natin na kung magdadala lamang tayo ng pampawing-gutom sa tanghalian, hindi mabigat na pagkain, ito’y makatutulong sa pagkakaroon natin ng alistong isipan, upang tamuhin ang pinakamalaking kapakinabangan mula sa programa sa hapon. Kasuwato nito, dapat na magdala ang bawat isa ng pagkaing simple at masustansiya. Halimbawa, nang pakanin ni Jesus ang mga pulutong, siya’y naglaan lamang ng dalawang bagay, tinapay at isda. (Mat. 14:16-20; tingnan din ang Lucas 10:42a.) Dahilan dito, nalulugod kaming magbigay ng ilang mungkahi hinggil sa kung ano ang maaaring angkop at praktikal dahilan sa pinaikling pahinga sa tanghali at sa uri ng pasilidad na ating ginagamit.

9 Dahilan sa hindi na magkakaroon ng mga kaayusan sa pagpapakain sa kombensiyon, taglay ang mabuting pagpaplano, yaong mga dumadalo ay makapag-aalmusal kasama ng kanilang pamilya sa bahay man o sa kanilang tuluyan, o sa isang lokal na kainan. Sa pagkakaroon ng sapat na pamamahinga sa nagdaang gabi, kayo ay makababangong maaga upang makapaghanda ng inyong kailangan sa inyong agahan at tanghalian at makarating sa kombensiyon nang nasa oras upang tamasahin ang pakikipagsamahan sa iba pang mga delegado.

10 Ang pahinga sa tanghali ay mas maikli kaysa nakaraang mga kombensiyon. Gayunpaman, ito’y makapagbibigay ng pagkakataon para kumain ng simpleng pagkain, at gayon din ng panahon para sa pakikipagsamahan sa iba. Ang ating mga kapatid na lalaki at babae na naninirahan sa lugar ng kombensiyon o malapit dito at umuuwi gabi-gabi ay madaling makapaghahanda ng kaunting pagkain para sa bawat miyembro ng pamilya para sa pananghalian. Ito’y nakakatulad ng pananghaliang dinadala ng mga kabataan sa paaralan, na marahil ay kaunting kanin at ulam, o isang sandwich at isang prutas, o tinapay, at inumin. Maraming tao ang nagdadala ng ganitong pananghalian sa kanilang pinapasukang trabaho.

11 Walang alinlangang ito’y magiging isang hamon para sa mga dumadalong galing pa sa malalayong lugar mula sa pinagdarausan ng kombensiyon, yamang kakailanganin ang patiunang pagpaplano para sa kanilang pananghalian. Marahil ang mga bagay mula sa bahay gaya ng mga napkin at mga basong papel na itinatapon matapos gamitin ay maaaring dalhin. Masusumpungan ng ilan na ang pagkaing hindi mabigat tulad ng sariwang prutas ay makasasapat sa kanilang pangangailangan, at ang mga ito’y maaari ring dalhin mula sa bahay. Ang iba pang pagkain na kakailanganin para sa pananghalian bawat araw ay maaaring makuha mula sa mga tindahan ng pagkain sa lugar ng kombensiyon.

12 Dahilan sa bagong kaayusang ito, minamabuti naming ang lahat ng dadalo mula sa malalayong lugar ay sumulat at humiling ng tuluyan sa mga pribadong tahanan o malapit na otel, sa halip na dumuon sa mga silid-aralan o saanmang dako ng istadyum. Ito’y dahilan sa paghihigpit na WALANG PAHIHINTULUTANG MAGLUTO KAILANMAN SA LOOB NG PASILIDAD NG KOMBENSIYON. Hindi lamang ito mapanganib, kundi ito’y napakapangit din. Kaya yaong mga nagnanais na magluto ng anuman para sa kanilang pananghalian ay kailangang gumawa nito sa bahay o sa kanilang tuluyan bago sila magtungo sa kombensiyon. O marahil ay may mabibili kayong mga bagay na luto na sa tindahan na pagkain na malapit sa inyong tuluyan. Ang pagbili ng ganitong bagay ay makababawas o magpapagaan ng paghahanda ng pagkain sa inyong mga tuluyan. Sa ilang lugar ng bansa ang mga kapatid ay marunong maghanda ng kanin sa paraang ito’y hindi mapapanis kahit na ilang araw. Gayon din, ang tuyo o tinapa o adobo ay maaaring tumagal na hindi nasisira. Kung ang mga ito ay maihahanda nang patiuna, maiiwasan ang pagluluto araw-araw.

13 Yamang ang lugar ng kombensiyon ay aktuwal na nagiging isang malaking Kingdom Hall sa panahon ng kombensiyon, katalinuhan din na iwasan ang pagkakaroon ng kapaligiran na parang nagpipiknik sa panahon ng pahinga sa tanghali. Dahilan dito, napakainam kung ang bawat miyembro ng pamilya ay magkaroon ng kani-kaniyang maliit na lalagyan ng pagkain, na maaaring lagyan ng pagkain bago umalis sa tuluyan sa umaga, sa halip na magdala ng isang malaking lalagyan at pagkatapos ay doon ihain sa bawat miyembro ng pamilya sa kombensiyon. At kung papaanong hindi tayo kumakain sa panahon ng pulong sa Kingdom Hall, hindi rin tayo kakain o iinom sa panahon ng sesyon ng kombensiyon. Ang malalaking pampamilyang mga picnic cooler ay hindi pahihintulutan sa pasilidad kung saan idinadaos ang kombensiyon. Ang mga ito ay maaaring magdulot ng panganib at hindi maaaring iwan sa mga pasilyo o sa mga upuan. Marahil ang mga bag na papel na maaaring gamiting muli o maliliit na lalagyang plastik ang aangkop sa simpleng pagkain na kakailanganin para sa ating pahinga sa tanghali. Kung kinakailangan, ang isang maliit na cooler na maaaring ilagay sa ilalim, hindi sa ibabaw, ng upuang maaaring gamitin.

14 Ang pag-iingat ay kinakailangan din hinggil sa uri ng mga lalagyan ng inuming nais nating dalhin sa lugar ng kombensiyon. Ang mainit o malamig na inumin sa mga termos ay maaaring dalhin. Ang mga lalagyang nababasag anumang uri ito ay maaaring maging mapanganib. Kung gayon, kami’y nakikiusap na WALANG MGA LALAGYANG BABASAGIN ang dadalhin sa dakong pinagdarausan. Kung ang inyong napiling malamig na inumin ay hindi mabibili sa lalagyang plastik o aluminum, mas mainam kung maisasalin ito sa isang maliit na lalagyang plastik.

15 Karagdagang mga Pakinabang: Tunay na nakikita natin ang karunungan ng gayong binagong kaayusan. Makapagbibigay ang lahat ng ganap na pansin sa pagtatamo ng espirituwal na mga kapakinabangan—ang tunay na layunin ng ating pagtitipon. Ang mga kapakinabangang ito ay inilalaan ng pagsasamahang ating tinatamasa at maging ng mismong programa. Kaya sa halip na magtungo sa labas sa panahon ng ating pahinga sa tanghali upang bumili ng pagkain sa mga kalapit na restauran, higit na kapaki-pakinabang na magbaon ng ating makakain. Pangyayarihin nito na tamasahin ang pakikipagsamahan sa ating mga kapatid na lalaki at babae at hindi natin malilibanan ang anumang programa sa hapon. Babawasan din nito ang pagbili natin sa mga tindero sa labas na maaaring nagnanais magsamantala sa malalaking pulutong.

16 Palibhasa’y naginhawahan sa espirituwal pagkatapos ng programa sa hapon, nanaisin ng ilan na patuloy na tamasahin ang Kristiyanong pakikipagsamahan sa mas masustansiyang pagkain kasama ng pamilya at ng mga kaibigan sa mga lokal na restauran. Ang iba naman ay maaaring bumili ng ilang pagkain sa isang tindahan ng grocery samantalang pauwi sa bahay. Yaong mga puwedeng umuwi sa kanilang sariling tahanan ay maaaring maghapunan doon, katulad ng kanilang ginagawa sa mga araw ng kanilang pagtatrabaho o paglilingkod sa larangan.

17 Tunay na tinatamasa natin ang espirituwal na bangkete sa mga asambleang ito at mga kombensiyon, kung saan tayo tumatanggap ng mga bagong publikasyon, mainam na pagtuturo, at praktikal na payo. Ang mga pagpapalang ito ang natatandaan ng bawat isa, lakip na ang kagalakan ng pagiging kasama ng nagkatipong bayan ng Diyos. Ang Kawikaan 10:22 ay nagsasabi: “Ang pagpapala ni Jehova—iyan ang nagpapayaman, at hindi niya idinaragdag ang kapanglawan.” Ito’y sapagkat bilang bayan ni Jehova, hindi tayo dumadalo sa mga kombensiyon na hinahanap ang materyal na pagnanasa at kaginhawahan. Tayo’y nagtitipon sa pagnanasang magtamo ng pinakamalaking kapakinabangan hangga’t maaari sa espirituwal na paraan, at mayaman tayong pinagpapala ni Jehova dahilan sa espiritu na ating ipinakikita.—1 Tim. 6:6-8; Heb. 11:6.

18 Ang mga okasyong ito para sa pagpapatibay-loob ay nagpapagunita rin sa atin hinggil sa pagsulong ng espirituwal na pag-aani. (Juan 4:35, 36) Ang pambungad na pananalita ng Isaias kabanata 54 ay nananawagan sa tulad-asawang organisasyon ni Jehova na maghanda para sa nakagagalak na pagsulong. Ang karagdagang pagsulong, paglawak, at panibagong kalakasan ay napipinto na gaya ng inihula ni Isaias: “Iyong palakihin ang dako ng iyong tolda. At iladlad nila ang tabing ng tolda ng iyong dakilang tabernakulo. Huwag kang umurong. Habaan mo ang iyong mga lubid, at patibayin mo ang mga tulos ng iyong tolda. Sapagkat lalago ka sa kanan at sa kaliwa.” Ang katuparan ng kapana-panabik na hulang ito ay nagdulot ng pambihirang paglawak sa tunay na pagsamba na ating nakikita ngayon.—Isa. 54:1-4.

19 Tunay na lumilitaw na landas ng katalinuhan na ipatupad ang karagdagang pinasimpleng kaayusan ng kombensiyon upang tamasahin nating lahat ang inihandang espirituwal na programa taglay ang mas kaunting pagkagambala. Nagtitiwala kami na ito’y magtatamo rin ng pagpapala ni Jehova, yamang pangyayarihin nito ang mas mabisang pangangasiwa para sa karagdagan pang pagsulong. Sa pagbibigay pansin sa kung ano ang kinakailangan, tatamasahin natin ang isinaplanong mga araw ng maliligayang pakikipagsamahan at espirituwal na mabubuting bagay. Taimtim nating panalangin na pagpapalain ni Jehova ang lahat nating pagsisikap habang patuloy tayong nagtitipon at kumakain sa kaniyang hapag.—Ihambing ang Deuteronomio 16:14, 15.

[Kahon sa pahina 6]

Mga Pakinabang sa Hindi Pagkakaroon ng Kaayusan sa Pagpapakain

◼ Kakaunting trabaho bago, sa panahon, at pagkatapos ng programa, na nagpapahintulot ng higit na pakikipagsamahan

◼ Walang kagamitan sa pagpapakain na pangangalagaan

◼ Mas maraming tao ang makapagbibigay ng higit na atensiyon sa espirituwal na programa

◼ Mas maraming boluntaryo na magagamit upang tumulong sa ibang mga departamento

◼ Mas maraming panahon ang magagamit sa iba pang teokratikong tunguhin

Mungkahing mga Bagay na Dadalhin sa Pananghalian

◼ Pampawing-gutom lamang, simple, lutong pananghalian

◼ Tinuyong mga prutas, mga sandwich, sariwang prutas

◼ Maliliit na cooler kung kailangan

◼ Inuming pampalamig, katas ng prutas, o tubig sa lalagyang di-nababasag

HUWAG Dadalhin sa Pasilidad ng Kombensiyon

◼ Inuming de-alcohol

◼ Lalagyang babasagin

◼ Malalaking pampamilyang picnic cooler

◼ Anumang kasangkapan sa pagluluto

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share