Halikayo sa “Dalisay na Wika” na Pandistritong Kombensiyon
1 Ang makahulang salita ni Jehova sa Zefanias 3:9 ay nagsasabi: “Sapagka’t akin ngang sasaulian ang mga bayan ng dalisay na wika, upang silang lahat ay makatawag sa pangalan ni Jehova, na paglingkuran siya na may pagkakaisa.” Ang kombensiyon sa taóng ito ay hindi lamang magpapakilala sa “dalisay na wika” kundi tutulong din sa atin na mapahalagahan kung bakit ang pagkaalam at pagsasalita nito nang matatas ay napakahalaga at kung papaanong ang ating kakayahang gamitin ito ay magpapatibay sa pagkakaisa ng pambuong daigdig na pagkakapatiran.
2 DUMATING NANG MAAGA: Ang organisasyon ni Jehova ay nag-aanyaya sa atin na kumain sa kaniyang espirituwal na dulang. Tanda ng paggalang ang dumating nang nasa panahon. Ito’y nangangahulugan na tayo ay dapat na dumating nang maaga bawa’t araw at umupo bago magpasimula ang programa. Upang magawa ito, kailangang maglaan ng sapat na panahon para sa pagpaparada ng ating sasakyan at paghanap ng upuan.—1 Cor. 14:40.
3 Ang mga delegado sa mga kombensiyon sa Polandiya nang nakaraang taon ay humanga sa maka-diyos na debosyon, pag-ibig, at pagkakaisa ng kanilang mga kapatid. Ang malalim na pagpapahalaga sa espirituwal na mga paglalaan ay natanghal. Bawa’t umaga, ang mga kapatid ay maagang dumarating sa lugar ng kombensiyon, nauupo at handa para sa pambukas na awit at panalangin. Sila’y nanatili hanggang sa pansarang awit at panalangin, at sila’y nanatili pa rin pagkatapos ng programa upang makipagsamahan sa kanilang mga kapatid.
4 Ang pagiging maayos ng mga kapatid ay isang huwaran. Sila’y nagtungo roon upang makinig at matuto. Kahit na ang pagpatak ng ulan sa bukás na estadiyum sa Poznan at Chorzow ay hindi nag-alis ng kanilang pansin sa programa. Ang mga kabataan, lakip na ang mga maliliit na mga anak, ay lubusang disiplinado, tahimik, at nakikinig sa programa. Ang mga pamilya ay umupong magkakasama. Papaano tayo makikinabang sa kanilang halimbawa?
5 Maka-kasulatan na tularan ang mabuting halimbawa ng iba. (2 Tes. 3:7) Bagaman ang ating personal na mga kalagayan ay nagkakaiba, nanaisin nating tamuhin ang pinakamabuti mula sa ating mga kombensiyon. Upang maiwasan ang kabalisahan at kabiguan dahilan sa pagkilos nang huli patungong kombensiyon, ang ilang pamilya ay nagtatakda ng oras para sa maagang pagtulog. Kaya sila’y natutulog nang mahimbing sa gabi at nakahandang magpasimulang maaga sa susunod na araw. Sa pamamagitan nito ay naiiwasan ang pagdating samantalang nagpapasimula na ang programa, at makagagambala naman doon sa mga nakaupo na. Ang ating pagiging palaisip sa bagay na ito ay nagpapakita ng ating pagpipitagan at paggalang kay Jehova at sa ating pag-ibig at konsiderasyon sa ating mga kapatid.
6 APAT NA ARAW NA KOMBENSIYON: Ang “Dalisay na Wika” na Pandistritong Kombensiyon ay magtatagal ng apat na araw. Ito’y magpapasimula sa Huwebes ng 1:30 n.h. at magtatapos ng humigit-kumulang sa 5:10 n.h. ng Huwebes, Biyernes, at Sabado, at 4:00 n.h. ng Linggo. Sa Biyernes hanggang Linggo ang programa ay magpapasimula sa 8:30 n.u. Bawa’t araw ay punong-puno ng mahahalagang impormasyon may kaugnayan sa pagsasalita ng dalisay na wika. Magkakaroon ng mga pahayag, pagtatanghal, karanasan, symposium, at dalawang drama sa Bibliya. Pansinin: Ang programa ay magkakapareho sa lahat ng mga kombensiyon, lakip na sa Metro Manila. Ang tanging pagkakaiba sa Maynila ay ang pagkanaroroon ng mga delegadong dayuhan na inanyayahang dumalo.
7 Gawin ninyong kapasiyahan na walang malibanan kahit na isang sesyon. Kakailanganin nito ang personal na pagsasakripisyo at mga pagbabago sa inyong eskedyul. Nakita ng ilan na kakailanganing gumawa ng pantanging kaayusan sa kanilang pinapasukan. Tinatalikuran ng marami ang mga pinansiyal na kapakinabangan makadalo lamang sa lahat ng sesyon. Gayumpaman, isipin kung ano ang kailangang isakripisyo at tiisin ng maraming mga kapatid sa Polandiya nang nakaraang taon upang makadalo lamang sa mga kombensiyon. Di ba’t nagpapasigla ito sa inyo na madaluhan ang inyong kombensiyon sa lahat ng sesyon nito? Walang pagsalang pagpapalain ni Jehova yaong mga nananalangin ukol dito at nagsasagawa ng buong pusong pagsisikap upang makadalo.—Heb. 10:24, 25.
8 MAKINIG NA MABUTI: Sa Awit 50:7 ay sinabi ni Jehova: “Iyong dinggin, Oh aking bayan, at ako’y magsasalita.” Kung gayon, sa panahon ng programa sa kombensiyon, huwag pahintulutang ang mga nakikita o naririnig na walang kinalaman sa materyal na inihaharap sa plataporma ay makagambala sa inyo. Ang ating pagnanais na magsalitang matatas ng dalisay na wika ay dapat magpasigla sa atin na sumunod nang lubusan sa pakiusap ni Jehova sa Isaias 55:2: “Makinig kayong mabuti sa akin.”
9 Ang lahat ng materyal na ihaharap sa kombensiyong ito ay para sa ating espirituwal na kapakinabangan at magpapatibay sa ating kapasiyahang manatiling matatag sa ating paglilingkuran kay Jehova at makipagkaisa sa ating mga kapatid. Tutulungan tayo ng kombensiyon na tanggapin kung ano ang kailangan natin sa kasalukuyan at tutulungan tayong makaalinsabay sa organisasyon ni Jehova. Maiiwanan tayo kung hindi tayo magbibigay-pansin. Kailangan nating ibuhos nang lubusan ang ating isipan sa programa upang tamuhin ang ganap na kapakinabangang dulot niyaon at pagkatapos ay ikapit ang ating natutuhan.—Sant. 1:25.
10 Mayroon pa ba tayong magagawa upang higit na makapagbigay-pansin at matandaan ang mga inihaharap na impormasyon? Oo, mayroon. Maraming mga delegado ang nagkaroon ng ugaling kumuha ng nota sa panahon ng programa. Ilakip ang isang notebook sa inyong Bibliya at songbook kapag dumadalo ng kombensiyon. Kung kayo’y may pag-aalinlangan sa pagkuha ng nota, bakit hindi ninyo subukan iyon sa “Dalisay na Wika” na Kombensiyon? Makikita ninyong iyon ay isang mabuting paraan upang maipako ang inyong pansin sa sinasabi at ito’y magsasanggalang sa inyo na huwag gumala-gala ang kaisipan.
11 Hindi naman kailangang detalyado ang mga nota. Kadalasang ang isa o dalawang parirala ay sapat na para sa isang susing punto. Nasumpungan ng mga matatanda na makatutulong na magkaroon ng masinop na nota sa pangangasiwa ng isang makabuluhang repaso sa programa ng kombensiyon sa Pulong Ukol sa Paglilingkod. Gayundin, nanaisin nilang gamitin ang marami sa mga puntong iniharap para sa kanilang gawaing pagtuturo at pagpapastol.
12 AWIT AT PANALANGIN: Pinararangalan natin si Jehova sa pamamagitan ng pag-awit ng papuri sa kaniya. Ito’y bahagi ng ating pagsamba. Si Jehova ay nalulugod din kapag ang kaniyang bayan ay lumalapit sa kaniya sa taimtim na panalangin. (Kaw. 15:8b) Ang mga pandistritong kombensiyon ay nagbibigay sa atin ng di karaniwang pagkakataon na makiisa sa libu-libo nating mga kapatid sa pagpuri kay Jehova kapuwa sa awit at panalangin. Gayumpaman, ang ilan ay kinakitaan ng kawalang-galang sa mahahalagang bahaging ito ng ating pagsamba. Papaano? Sa pamamagitan ng pagdating sa panahon ng awit at panalangin o pagkatapos nito. O sa pagtatapos ng programa, ang ilan ay umaalis sa kanilang upuan samantalang umaawit at bago manalangin. Bakit? Sa ilang okasyon maaaring may mabuting dahilan sa paggawa nito. Gayumpaman, wastong paggalang ba sa dulang ni Jehova kapag tinatalikdan ng ilan ang pribilehiyo ng pag-awit at pakikisama sa pananalangin dahilan lamang sa gusto nilang makauwi nang maaga o kumain?—Mat. 6:33.
13 Dapat tayong mag-ingat na dahilan sa paghanap ng personal na kaalwanan, hindi natin pinahihintulutan ang makasanlibutang saloobin ng ako-muna na makahadlang sa ating espirituwal na pagsulong. Maipakita nawa natin ang katulad na espiritu ng pagpapahalaga sa banal na mga bagay tulad ng ginawa ng ating mga kapatid sa mga kombensiyon sa Polandiya nang nakaraang taon, at makalakad nawa tayo na kabalikat nila sa pamamagitan ng pagpapakita ng paggalang sa panalangin at pag-awit ng mga papuri kay Jehova.—Awit 69:30.
14 ANG ATING KRISTIYANONG PAGGAWI: Ang ating mga paggawi at ayos bilang mga Kristiyano sa mga kombensiyon ay nagdulot ng isang mabuting reputasyon sa atin bilang mga Saksi ni Jehova. Ito’y dahilan sa tayo’y taimtim sa ating pagsamba kay Jehova at hindi natin minamalas ang pagdalo sa kombensiyon bilang isa lamang sosyal na pagtitipon. Kapag dumadalo sa gayong pantanging okasyon, dapat nating panatilihin ang Kristiyanong dignidad at espirituwal na kalagayan ng isip, na gumagawi bilang mga ministro sa lahat ng panahon.—1 Cor. 10:31-33.
15 Gayumpaman, nakababahalang makita na ang ilang nagtutungo sa mga kombensiyon ay masyadong kasuwal sa kanilang pananamit, pagsasalita, at paggawi. Ano ang magagawa kapag nakikita ito sa lokal na mga kongregasyon o mga kombensiyon? Yaong nagtataglay ng espirituwal na kuwalipikasyon ay dapat na magbigay ng maibiging payo upang sila’y magbago. (Gal. 6:1; Efe. 4:11, 12) Ang pagsasalita ng dalisay na wika ay dapat na magpasigla sa atin na itaguyod ang mabuting reputasyon at mataas na pamantayan ng paggawi.
16 Isang bisita sa kombensiyon ang nag-iwan ng ganitong kalatas sa isang kahon ng kontribusyon: “Ako’y lubusang nasiyahan sa inyong programa. Ngayo’y mag-aaral na ako ng Bibliya kasama ng isa sa mga kapatid. Ito ang una kong pagdalo sa inyong mga asamblea. Ako’y nagplanong dumalo lamang noong Sabado, dahilan sa ang Linggo ay para sa aking pagsimba. Gayon na lamang ang aking paghanga anupa’t dinala ko pati na ang aking buong pamilya. Gayumpaman, hindi ko ikinasiya ang malalakas na usapan ng mga may edad na samantalang nagpapahayag ang tagapagsalita.”
17 Napansin din na sa ilang kombensiyon may mga tin-edyer na nauupo sa likuran at nagbubulungan, at sa pangkalahatan ay hindi nakikinig sa programa. Ito’y nagpapakita na sila’y nangangailangan pa ng superbisyon ng magulang at dapat na umupong kasama ng pamilya. Ang responsableng mga magulang ay magbibigay-pansin sa mga bagay na ito at maglalaan ng patnubay sa kanilang mga anak. (Efe. 6:4) Dapat pahalagahan ng lahat, mga kabataan at matatanda, na kapag may programa, ito’y panahon ng pakikinig, hindi ng pagsasalita.—Deut. 31:12.
18 Bagaman ang karamihan sa ating mga kapatid ay nagbibigay ng karangalan sa pangalan ni Jehova, dapat nating aminin na ang ilang mga pamilyang dumadalo sa mga kombensiyon ay nagiging sanhi ng reklamo. Halimbawa, pagkatapos na umarkila ng isang kuwarto para sa apat o limang tao lamang, ang ilan ay nagpapasok ng hanggang sampung tao, at ito’y kawalang katapatan. Upang mapaglaanan ang mga ito, kailangang alisin ang mga kutson mula sa kama at ilagay sa sahig. Pagkatapos ay humiling ng karagdagang kubrekama sa pamunuan. Ayaw na ng ilang motel na magpaarkila ng silid sa mga Saksi ni Jehova dahilan sa ang ilan ay sumira sa mga regulasyon sa pagluluto ng pagkain. May reklamo pang iniwan daw ng mga kapatid ang mga silid sa kanilang motel sa pangit na kalagayan. Ang kalinisan at pagkamakonsiderasyon ay dapat na makita hindi lamang sa ating pananamit at paggawi kundi sa paraan din ng ating paggamit sa ariarian ng iba, lalo na kung tayo ay tumutuloy sa mga silid ng paaralan o gusali ng pamahalaan na maibiging inialok sa atin ng pamunuan ng estadiyum. Mayroon bang anumang kadahilanan na hindi lisaning malinis at masinop ang silid? Ang pagkilos nang walang konsiderasyon ay nakasisira sa ating mabuting pangalan. Sa dumarating na mga pandistritong kombensiyon, pagsikapan nating lahat na gumawi upang “palamutihan ang aral ng ating Tagapagligtas, ang Diyos, sa lahat ng bagay.”—Tito 2:10.
19 Sa ilang kombensiyon, napansin sa nakaraang taon na napakaraming basurang naiwan sa assembly hall. Maraming piraso ng papel, balutan ng kendi, botelya, at iba pang sisidlan ang naiwang nakakalat sa palibot ng mga upuan. Ito’y hindi pagpapakita ng paggalang sa pangalan ni Jehova o konsiderasyon sa mga inatasang tagapaglinis pagkatapos na tayo’y umalis. Tiyaking pulutin ang anumang nakita nating kalat sa palibot at itapon iyon sa basurahan, o kung hindi magkasiya doon, dalhin iyon sa bahay at doon itapon.
20 Sa kombensiyon ang ating kaisipan ay dapat na nakapako sa espirituwal na mga bagay, yamang ito’y isang bahagi ng ating banal na paglilingkod. Magiging kawalang galang sa dulang ni Jehova kung gagamitin natin ang okasyong ito sa pagnenegosyo o paraan ng pagkita ng pera, na sinasamantala ang malaking bilang ng mga kapatid na dumadalo. Nais naming muling ipagunita sa lahat na anumang pagtitinda ng mga personal na bagay ay hindi pinahihintulutan sa loob ng kombensiyon, at ang mga bagay lamang na mula sa Samahan ang pahihintulutan sa bookroom o sa iba pang departamento ng kombensiyon.
21 Kaayon ng nasa itaas, ang mga departamento ng refreshment ay sasarhan sa panahon ng mga sesyon ng kombensiyon, kaya dapat na kunin na ang mga kakailanganin ninyo sa pagitan ng mga sesyon. Sa ganitong paraan ay makakapakinig ang lahat sa sinasabi sa plataporma, lakip na ang mga gumagawa sa mga departamento sa refreshment.
22 PARA SA MGA MAGULANG: Ang mga anak at ang mga tin-edyer ay dapat na magsalitang matatas ng dalisay na wika. Anong inam na makita ang mga kabataan na natutong magbigay ng matamang pansin sa lahat ng mga pulong Kristiyano at interesadong-interesado sa programa ng kombensiyon! (Awit 148:12, 13) Subali’t ang kalakhang bahagi nito ay depende sa halimbawa at superbisyon ng mga magulang. Maraming mga kabataan ang nasanay na mabuti sa pagkuha ng mga nota. Kung bilang isang magulang ay hindi pa ninyo natuturuan ang inyong mga anak na kumuha ng nota, bakit hindi gamitin ang nalalabing panahon bago ang inyong kombensiyon na gawin iyon? Kahit na ang mga musmos pa ay maaaring turuang sumulat ng mga Kasulatang binabanggit at kaugnay na mga susing salita na kanilang naririnig sa mga tagapagsalita. Isinaayos ng ilang mga magulang na repasuhin ang mga pangunahing punto mula sa programa bawa’t araw sa pag-uwi sa bahay o samantalang naglalakbay papauwi.
23 Sabihin pa, nauunawaan ng karamihang magulang ang likas na hilig na maglaro ng mga anak. Kulang pa sila ng karanasan sa buhay, at sila’y wala pang gulang. Kaya, sila’y kailangang turuan kung kailan makikinig at kung papaano gagawi sa mga pulong. Ang ilang magulang ay naging pabaya sa bagay na ito. May panahon, bagaman ang mga magulang ay nagpapakita ng wastong pagpipitagan kay Jehova sa panahon ng panalangin, ang kanilang mga anak naman ay naglalaro at nakagagambala sa iba. Dapat na malaman ng mga magulang kung ano ang ginagawa ng kanilang mga anak kapag nananalangin. Gayundin, ano ang kanilang ginagawa kapag sila’y umaalis sa kanilang upuan sa panahon ng programa?—Kaw. 29:15.
24 ANG INYONG LUBOS NA PAKIKIPAGTULUNGAN AY PINAHAHALAGAHAN: Matagal na pagpaplano ang isinagawa upang magkaroon ng sapat na upuan, literatura, pagkain, at iba pang paglalaan ang bawa’t dadalo sa kombensiyon. Upang matiyak na magiging mabisa ang mga kaayusang ito, ang bawa’t kongregasyon ay inatasan sa isang partikular na kombensiyon. Ang inyong lubos na pakikipagtulungan ay mahalaga upang maiwasan ang pagsisiksikan. Pahahalagahan lalo na kung ang mga naninirahan sa Metro Manila ay mahigpit na susunod sa mga atas sa isa sa tatlong kombensiyon sa Enero 3-6, 1991. Maiiwasan nito ang pagsisiksikan sa isa lamang estadiyum. Yaong mga manggagaling sa lalawigan ay tinatanggap sa mga kombensiyon sa Maynila at sinisikap namin na magkaroon ng sapat na lugar. Gayumpaman, gaya ng nabanggit sa itaas, ang programa ay magkapareho sa Maynila at sa dadaluhan ninyo sa mga lalawigan.
25 Ang inyong lubos na pakikipagtulungan ay hinihiling may kaugnayan sa mga upuan. Pakisuyong ingatan sa isipan na ang MGA UPUAN AY MAAARI LAMANG IRESERBA SA MGA MIYEMBRO NG SAMBAHAYAN AT SA MGA NAGLALAKBAY KASAMA NINYO SA INYONG SARILING SASAKYAN. Pakisuyong huwag magreserba ng upuan para sa iba pa. May mga panahon na wala naman talagang pinagrereserbahan ang mga ekstrang upuan. Ito’y kawalan ng pag-ibig at nakalilito para sa mga attendant at sa iba na naghahanap ng upuan. Kasuwato ng payo ng Bibliya, dapat tayong magsikap na magpakita ng pag-ibig sa kapatid at makipagtulungan nang lubusan sa sinang-ayunang kaayusan sa pagrereserba ng mga upuan.—2 Ped. 1:5-8.
26 Ang paggamit ng mga video camera at kasangkapan sa pagre-record ay pinahihintulutan sa lugar ng kombensiyon. Gayumpaman, ang mga gumagamit ng gayong kasangkapan ay hindi dapat makaabala o makagambala sa iba. Ang gayong mga kasangkapan ay hindi dapat ilagay sa daan o sa labasan. Walang gayong kasangkapan ang ikakabit sa public address system. Ang malalakas na liwanag ay hindi pinahihintulutan. Ang mga nagiging sanhi ng pagkagambala ay dapat na karakarakang magbago kapag naitawag ito sa kanilang pansin. Dapat na maging alisto ang mga attendant upang ituwid ang anumang paglabag sa mga tagubiling ito, at sila’y dapat na tumanggap nang lubos na pakikipagtulungan mula doon sa gumagamit ng gayong kasangkapan.
27 Tunay, ang bayan ni Jehova ay nagpapahalaga sa pagtitipong samasama sa maiinam na pasilidad taun-taon upang makinabang mula sa inihandang espirituwal na programa. Tayo rin ay nagpapahalaga sa maraming paglilingkod at kaalwanan na inilalaan sa gayong mga pagtitipon. Malaki ang gastos ng Samahan sa pagsasagawa ng mga kaayusan para sa mga estadiyum o bulwagan, sound system, at marami pang mga paglilingkod upang gawing kasiyasiya at nakarerepresko sa espirituwal ang ating mga kombensiyon.
28 Ang mga gastos na ito ay natatakpan sa pamamagitan ng ating boluntaryong abuluyan bilang pagtataguyod sa gawain ng Samahan sa buong daigdig. Ukol sa ating kaalwanan, ang mga kahong abuluyan na malinaw na minarkahan ay nakalagay sa buong pasilidad ng kombensiyon. Ang lahat ng mga kontribusyon ay pinahahalagahan nang lubusan, at nais na patiunang pasalamatan ng Samahan ang inyong bukas-palad at nagkakaisang pagsuporta sa kapakanan ng Kaharian sa ganitong paraan. Kami ay nagtitiwala na mapakikilos ang lahat upang makadama ng kanilang indibiduwal na pananagutan sa bagay na ito at patuloy na makikipagtulungan sa pamamagitan ng pakikibahagi sa abot ng ipinahihintulot ng kanilang kalagayan.—Luc. 6:38.
29 HALIKAYO SA “DALISAY NA WIKA” NA PANDISTRITONG KOMBENSIYON: Sa pamamagitan ng pagdalo sa “Dalisay na Wika” na Pandistritong Kombensiyon at maingat na pakikinig sa programa, mapahahalagahan ninyo nang higit pa kung bakit tayo binigyan ni Jehova ng dalisay na wika at kung bakit tayo’y dapat na laging nagbabantay laban sa anumang sakim na hilig na makahahadlang sa ating pakikipagkaisa sa ating mga kapatid. Gawin na ang inyong plano ngayon upang kayo’y naroroon sa pambukas na awit at makadalo sa lahat ng sesyon hanggang sa katapusang panalangin sa Linggo ng hapon.
[Kahon sa pahina 4]
Mga Paalaala sa Pandistritong Kombensiyon
TULUYAN: Kami ay nagpadala ng suplay ng Room Request forms sa bawa’t kongregasyon. Dapat punan ang isa sa mga ito ng mga nangangailangan ng tuluyan sa mga kombensiyon sa lalawigan at ibigay sa convention coordinator ng inyong kongregasyon. Susuriin niya at pipirmahan iyon, at pagkatapos ay ipadadala sa Watch Tower Convention sa isa sa mga direksiyon sa ibaba. Pansinin: Hindi magkakaroon ng kaayusan sa tuluyan sa mga kombensiyon sa Maynila. Kaya yaong mga manggagaling sa lalawigan na dadalo sa Maynila ay kailangang magsaayos ng kanilang sariling tuluyan.
Disyembre 13-16, 1990
Masbate, Masbate: c/o Yolando Alburo, 56-K Tara Street, Masbate, 5400 Masbate.
Disyembre 20-23, 1990
Ilagan, Isabela: c/o Zosimo G. Linda, Baculod, Ilagan, 3300 Isabela.
Laoag City: c/o Leon Agbayani, PLDT Radio Station, Gen. A. Luna Street, 2900 Laoag City.
Binalonan, Pangasinan: c/o Santiago Partido, Assembly Hall of Jehovah’s Witnesses, Binalonan, 2436 Pangasinan.
Alaminos, Pangasinan: c/o Bonifacio Rancudo, 20 Don Carlos Garcia Street, Alaminos, 2404 Pangasinan.
Mangaldan, Pangasinan: c/o Benjamin Caberto, Sr., 97 Salay, Mangaldan, 2432 Pangasinan.
Lucena City: Kingdom Hall, 1 Granja Street, 4301 Lucena City.
Iriga City: c/o Leonardo de Villa, 38 Waling-waling Street, San Miguel, 4431 Iriga City.
Tagbilaran City: c/o Hermenegildo Sang-an, 11 Tamblot Street, 6300 Tagbilaran City.
Roxas City: Kingdom Hall, Dayao, 5800 Roxas City.
Dumaguete City: c/o Alexander Echon, 110-A Springville, Tubod, 6200 Dumaguete City.
Tacloban City: 185 M. H. del Pilar Street, 6500 Tacloban City.
Davao City: Kingdom Hall, Corner Lopez Jaena and F. Torres Streets, 8000 Davao City.
Digos, Davao del Sur: Kingdom Hall, Lim Street Extension, Digos, 8002 Davao del Sur.
Cagayan de Oro City: Kingdom Hall, F. Abellanosa Street, 9000 Cagayan de Oro City.
Zamboanga City: Kingdom Hall, 541 San Jose Road, Baliwasan, 7000 Zamboanga City.
Disyembre 27-30, 1990
Tuguegarao, Cagayan: c/o Santiago Panaga, 60 Public Market, Tuguegarao, 3500 Cagayan.
Bayombong, Nueva Vizcaya: c/o Trinidad V. Bunuan, Market Site, Diversion Road, Bayombong, 3700 Nueva Vizcaya.
Baguio City: c/o Osmundo Delis, 46 General Luna Road, 2600 Baguio City.
Tarlac, Tarlac: c/o Gregorio Ibarra, Aguso, Tarlac, 2300 Tarlac.
San Fernando, Pampanga: Kingdom Hall, 850 Juliana Subdivision, San Fernando, 2000 Pampanga.
Puerto Princesa City: Kingdom Hall, Malvar Street, 5300 Puerto Princesa City.
Cebu City: c/o Parcon’s Machine Shop, Bagumbayan Street, 6000 Cebu City.
Maasin, Southern Leyte: c/o Conrado Balaga, Rosario Village, Asuncion, Maasin, 6600 Southern Leyte.
Bacolod City: c/o Serafin Sabordo, 68 Mabini Street, 6100 Bacolod City.
Koronadal, South Cotabato: c/o Candido Alima, 756 Posadas Street, Koronadal, 9506 South Cotabato.
Tagum, Davao del Norte: Kingdom Hall, 1036 Rizal Street, Tagum, 8100 Davao del Norte.
Surigao City: c/o Alfredo Alutaya, 735 Navarro Street, 8400 Surigao City.
Dipolog City: c/o Jose Machutes, Jr., 097-E Magsaysay Street, 7100 Dipolog City.
Kabacan, North Cotabato: c/o Felipe Mapanao, Poblacion, Kabacan, 9407 North Cotabato.
Enero 3-6, 1991
Manila: P.O. Box 2044, 1099 Manila.
Marikina: P.O. Box 2044, 1099 Manila.
Quezon City: P.O. Box 2044, 1099 Manila.
BAUTISMO: Dapat pagsikapan ng mga kandidato sa bautismo na sila’y nasa kanilang mga upuan na sa itinalagang seksiyon bago magpasimula ang programa sa Sabado ng umaga. Isang mahinhing pambasa at isang tuwalya ang dapat dalhin ng bawa’t isa na nagpaplanong magpabautismo. Pagkatapos ng pahayag sa bautismo at panalangin ng tagapagsalita, ang tsirman sa sesyon ay magbibigay ng maikling tagubilin sa mga kandidato sa bautismo at magpapaawit. Pasimula sa huling berso, aakayin ng mga attendant ang mga kandidato sa bautismo sa lugar ng pagbabautismuhan o sa mga sasakyang maghahatid sa kanila doon, samantalang tatapusin ng tagapakinig ang pagkanta ng awit. Yamang ang bautismo ay sagisag ng pag-aalay ng isa at ito’y isang napakalapit at personal na bagay sa pagitan ng indibiduwal at ni Jehova, walang paglalaan para sa tinatawag na ka-partner sa bautismo na doo’y ang dalawa o mahigit pang kandidato sa bautismo ay magyayakap at maghahawak ng kamay samantalang binabautismuhan.
MGA PANTANGING PAGTITIPON: Ang isang pulong ay idaraos kasama ng lahat ng mga regular at espesyal payunir at naglalakbay na tagapangasiwa sa 11:15 n.u. sa Biyernes, samantalang ang pulong ng lahat ng mga matatanda ay idaraos sa 11:15 n.u. ng Sabado. Ang mga lugar para sa mga pulong na ito ay ipatatalastas sa plataporma.
PIONEER IDENTIFICATION: Ang lahat ng mga regular at espesyal payunir, gayundin ang mga naglalakbay na tagapangasiwa ay kailangang magdala ng kanilang Identification and Assignment card (S-202) sa kombensiyon. Ang mga payunir na nasa listahan na simula noong Hulyo 1, 1990 o bago ng petsang iyon ay tatanggap ng ₱80.00 halaga ng tiket sa kombensiyon kapag iniharap ang kanilang ID card sa isa lamang kombensiyon. Ituring gaya ng pera ang card. Ito’y hindi maaaring palitan sa kombensiyon.
BOLUNTARYONG PAGLILINGKOD: Ang kusang-loob na tulong ay kailangan para sa mahusay na pagkilos ng pandistritong kombensiyon. Kahit na kayo’y makagagawa lamang ng ilang pagtulong sa kombensiyon, pinahahalagahan ang inyong paglilingkod. Kung makatutulong kayo, pakisuyong mag-report sa Volunteer Service Department sa inyong pagdating sa kombensiyon. Ang mga batang wala pang 16 na taong gulang ay maaari ring makatulong sa ikapagtatagumpay ng kombensiyon, subali’t sila’y hinihilingang gumawang kasama ng isa sa kanilang magulang o ng ibang maygulang na kapatid.
LAPEL CARDS: Pakisuyong isuot ang pantanging dinisenyong lapel card sa kombensiyon o habang naglalakbay mula at patungong kombensiyon. Kadalasang ito ay nagpapangyaring tayo’y makapagbigay ng mainam na patotoo habang naglalakbay. Ang lapel cards ay dapat kunin sa kongregasyon, yamang ang mga ito ay hindi makukuha sa kombensiyon. (Pansinin ng kalihim: Ang lapel card ay dapat na pinidido sa Special Order Blank for Forms. Kung hindi ito naisagawa, magpadala ng pidido ngayon sa regular na S-14 para dito.)
BABALA: Saan man kayo dadalo, bantayan ang inyong daladalahan sa lahat ng panahon. Kung mayroon kayong sasakyan, tiyaking iyon ay nakasusi at huwag kayong mag-iiwan ng mga mahahalagang bagay sa loob ng isang nakaparadang sasakyan. Gayundin mag-ingat laban sa mga magnanakaw at mandurukot na naaakit ng malalaking pagtitipon. Kasama na rito ang hindi pag-iiwan ng anumang bagay na mahalaga na walang nagbabantay sa mga upuan sa kombensiyon. Pakisuyong mag-ingat.