Gawin ang Lahat ng Bagay Para sa Kaluwalhatian ng Diyos
1 Kay ginhawang makisama sa ating mga kapatid! (1 Cor. 16:17, 18) Ginagawa natin ito sa mga pulong, sa mga asamblea, at sa ministeryo. Tayo rin ay nakikipagsamahan kapag may bumibisitang panauhin sa ating tahanan. Sa pagsasagawa nito, tayo’y nagpapamalas ng pagiging mapagpatuloy at nagpapatibay sa isa’t isa.—Roma 12:13; 1 Ped. 4:9.
2 Organisadong mga Gawaing Sosyal: Tayo man ay ‘kumakain o umiinom o gumagawa ng anupaman,’ dapat nating ‘gawin ang lahat ng bagay para sa kaluwalhatian ng Diyos.’ (1 Cor. 10:31-33) Ang payong ito ay hindi pinapansin ng ilan, anupat ang mga problema ay kadalasang bumabangon dahilan sa malalaking pagtitipong sosyal na doon ang makasanlibutang paglilibang ay itinatampok. Ang mga ito’y kahawig na kahawig ng makasanlibutang gawain, na ang espiritu ay hindi kasuwato ng mga simulain ng Bibliya.—Roma 13:13, 14; Efe. 5:15-20.
3 Iniulat na malalaking bilang ng mga Saksi ang nagtitipon sa inupahang mga pasilidad kung saan sila’y nalilibang sa pamamagitan ng skating, pagsasayaw, at pagkain. Dahil sa mahirap pangasiwaan nang wasto ang gayong malalaking grupo, bumangon ang mga problema. Pagkakaingay, sobrang pag-inom ng alak, at maging ang imoralidad ay nagaganap kung minsan. (Efe. 5:3, 4) Ang ganitong mga pagtitipong sosyal ay hindi nagdudulot ng karangalan kay Jehova. Sa halip, ang mga ito ay nagdudulot ng upasala sa kongregasyon at nakatitisod sa iba.—1 Cor. 10:23, 24, 29.
4 Ang mga Kristiyano ay pinatitibay na magpakita ng pagkamapagpatuloy, subalit ito’y dapat magtuon ng pansin sa espirituwal na pagpapatibayan sa isa’t isa. (Roma 1:11, 12) Ang maliliit na pagtitipon ay kadalasang siyang pinakamabuti. Ang aklat na Ating Ministeryo ay nagsasabi sa mga pahina 135-6: “Kung minsan, ang ilang mga pamilya ay inaanyayahan sa isang tahanan para sa Kristiyanong pakikipagsamahan. . . . Makatuwiran lamang, na yaong mga nag-anyaya ay dapat makadama na sila ang personal na nananagot sa anumang mangyayari. Taglay ito sa isipan, ang maunawaing mga Kristiyano ay nakakakilala sa katalinuhan ng hindi pagpapahintulot sa ganitong mga pagtitipon na maging lubhang malaki ang grupo at huwag gaanong lumawig ang haba nito.” Ipinakita ni Jesus na hindi tayo kailangang maghanda ng maraming bagay kapag ang ating tunguhin ay ang patibayin ang ating mga kaibigan sa espirituwal.—Luc. 10:40-42.
5 Isang mainam na bagay ang maging mapagpatuloy sa kapuwa mga Kristiyano. Gayunpaman, may malaking pagkakaiba ang katamtamang pagtitipon sa ating tahanan at ang masalimuot na okasyon na nagpapakita ng makasanlibutang espiritu sa isang inupahang pasilidad. Kapag kayo’y nag-anyaya ng iba bilang inyong bisita, dapat ninyong gawing maliit lamang ang grupo upang lubusan ninyong mapanagutan kung ano ang magaganap.
6 Sa pagiging katamtaman at makatuwiran sa mga gawaing sosyal, tayo’y magdudulot ng kaluwalhatian sa ating Diyos at magpapatibay sa iba.—Roma 15:2.