Anong mga Tunguhin ang Inilagay Mo Para sa Iyong mga Anak?
1 Ang tagumpay sa buhay ay depende sa paglalagay at pagkakamit ng makabuluhang mga tunguhin. Kailangan ang karunungan upang magpasiya kung anu-anong tunguhin ang dapat itaguyod upang “makapanghawakan nang mahigpit sa tunay na buhay.” (1 Tim. 6:19) Anong laki ng ating pasasalamat sapagkat eksaktong ipinakikita sa atin ni Jehova kung aling daan ang dapat lakaran!—Isa. 30:21.
2 Si Jehova ay naglagay ng isang mainam na halimbawa para sa mga magulang. Sa halip na pabayaan nila ang kanilang walang-karanasang mga anak na pumili kung aling daan ang pinakamabuti, sila’y sinasanay ng matatalinong magulang sa daan na dapat nilang lakaran, at kung sila’y tumanda man, “hindi [nila] hihiwalayan ito.” (Kaw. 22:6) Alam ng mga magulang mula sa karanasan na dapat silang tumiwala kay Jehova. (Kaw. 3:5, 6) Ang mga anak ay higit na nangangailangan nito, yamang limitado sila sa kaalaman at karanasan.
3 Ang mga magulang ay makapaglalagay sa harap ng kanilang mga anak ng makabuluhang mga tunguhin na tutulong sa kanila upang magbigay-pansin sa “mga bagay na higit na mahalaga.” (Fil. 1:10) Makapagsisimula sila sa pag-aaral ng pamilya, anupat pinatitibay ang mga anak na magpahalaga rito. Makabubuti para sa mga anak na ugaliin ang patiunang pag-aaral para sa mga pulong sa kongregasyon at maghanda upang makasagot mula sa kanilang sariling pananalita. Ang regular na pakikibahagi sa gawaing pangangaral ay mahalaga. Ang maliliit na bata ay makatutulong sa pamamagitan ng pag-aalok ng mga tract, o magasin, o sa pagbabasa ng kasulatan. Kung sila’y nakakabasa na, makatutulong sa kanilang espirituwal na pagsulong ang pagpapatala sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Ang pagiging isang kuwalipikadong di-bautisadong mamamahayag o ang matanggap para sa bautismo ay isang malaking hakbang pasulóng.
4 Habang lumalaki ang kanilang mga anak, ang mga magulang ay dapat makatotohanang makipag-usap sa kanila tungkol sa mga kukuning kurso. Ang mga tagapayo sa paaralan at mga kaklase ay madaling makaiimpluwensiya sa kanila para sang-ayunan ang mga materyalistikong hangarin. Dapat na tulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pagpili sa mga kurso sa paaralan na maglalaan ng praktikal na pagsasanay, anupat sinasangkapan sila upang mapangalagaan ang kanilang materyal na mga pangangailangan nang hindi isinasakripisyo ang kapakanan ng Kaharian. (1 Tim. 6:6-10) Maaari silang himukin upang itaguyod ang “kaloob” na pagkawalang-asawa at sa dakong huli, kung gusto na nilang mag-asawa, makakayanan na nilang balikatin ang mabibigat na pananagutan ng pag-aasawa. (Mat. 19:10, 11; 1 Cor. 7:36-38) Ang pagsasalita sa isang positibong paraan tungkol sa pagpapayunir ay magkikintal sa mga anak maging sa murang edad ng pagnanasa na gamitin ang kanilang buhay sa paraang makalulugod kay Jehova, magbibigay-pakinabang sa iba, at sa kanilang sarili.
5 Napakarami nating kabataan sa organisasyon sa ngayon na nanghahawakan sa matataas na Kristiyanong pamantayan at nagtataguyod sa mga teokratikong tunguhin. Karamihan sa kanilang tagumpay ay utang nila sa kanilang maiibiging magulang. Kung ikaw ay isang magulang, saan ba waring patungo ang iyong mga anak? Sila ba’y pasulóng na nagpapatuloy tungo sa isang buhay na nakapako sa mga kapakanan ng Kaharian? Tandaan, ang isa sa pinakamahalagang bagay na iyong magagawa ay ang ikintal sa iyong mga anak ang katotohanan at banggitin ito araw-araw. Mabibiyayaan ka ng isang sambahayang tapat na naglilingkod kay Jehova.—Deut. 6:6, 7; Jos. 24:15.