Sanayin ang Inyong mga Anak na Maging mga Ministro
1. Hinihimok ng Awit 148:12, 13 ang mga magulang na Kristiyano na gawin ang ano?
1 Inaanyayahan ni Jehova ang mga kabataan na purihin siya. (Awit 148:12, 13) Kaya naman, higit pa kaysa pagtuturo ng mga katotohanan sa Bibliya at ng batas ng Diyos hinggil sa moral ang ginagawa ng mga magulang na Kristiyano sa kanilang mga anak. Sinasanay rin nila sila na maging mga ministro ng mabuting balita. Paano ito gagawin sa progresibong paraan?
2. Paano makaaapekto sa mga anak ang mabuting halimbawa ng isang magulang?
2 Mabuting Halimbawa: Sinabi ni Hukom Gideon sa kaniyang 300 tauhan: “Matuto kayo sa pagmamasid sa akin.” (Huk. 7:17) Karaniwan nang tinitingnan at ginagaya ng mga anak ang kanilang mga magulang. Isang ama ang nagtatrabaho sa gabi, pero sa halip na matulog pag-uwi ng Sabado ng umaga, isinasama niya sa ministeryo ang mga anak niya bagaman pagod siya. Kahit walang salita, itinuturo niya sa kanila na napakahalaga ng ministeryo. (Mat. 6:33) Nakikita ba ng iyong mga anak ang kagalakan mong gawin ang iba’t ibang anyo ng pagsamba, gaya ng pananalangin, pagbabasa ng Bibliya, pagkokomento, at pangangaral? Siyempre pa, hindi ka magiging isang sakdal na halimbawa. Pero mas tutugon sila sa pagsisikap mong turuan sila na sambahin si Jehova kung nakikita nila ang sigasig mong paglingkuran siya.—Deut. 6:6, 7; Roma 2:21, 22.
3. Dapat tulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na magtakda at umabot ng anong progresibong espirituwal na mga tunguhin?
3 Mga Progresibong Tunguhin: Matiyagang tinuturuan ng mga magulang ang mga anak nila na lumakad, magsalita, magbihis, at iba pa. Habang lumalaki ang mga anak nila, nagtatakda sila ng mga bagong tunguhin para sa kanila. Kung sila ay mga magulang na Kristiyano, tinutulungan din nila ang kanilang mga anak na magtakda at umabot ng espirituwal na mga tunguhing angkop sa kanilang edad at kakayahan. (1 Cor. 9:26) Tinuturuan mo ba ang iyong mga anak na magkomento sa sarili nilang salita at maghanda ng kanilang mga bahagi sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo? (Awit 35:18) Sinasanay mo ba sila sa iba’t ibang aspekto ng ministeryo? Inihaharap mo ba sa kanila ang tunguhing magpabautismo at pumasok sa buong-panahong paglilingkod? Pinasasama mo ba sila sa maliligaya at masisigasig na ebanghelisador na makapagpapatibay sa kanila?—Kaw. 13:20.
4. Paano nakikinabang ang mga anak sa pagsasanay sa kanila ng mga magulang nila sa ministeryo habang bata pa sila?
4 Sinabi ng salmista: “O Diyos, tinuruan mo ako mula pa sa aking pagkabata, at hanggang ngayon ay inihahayag ko ang tungkol sa iyong mga kamangha-manghang gawa.” (Awit 71:17) Sanayin ang inyong mga anak na maging mga ministro habang bata pa sila. Tiyak na makikinabang sila sa espirituwal na pundasyong naitatag nila sa tulong mo!—Kaw. 22:6.