Tanong
◼ Ano ang dapat ingatan sa isipan hinggil sa pagbabasa ng mga parapo sa mga pulong?
Ang karamihan sa oras na inilaan sa Pag-aaral ng Bantayan at sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay ginagamit sa pagbabasa ng mga parapo. Ito’y nangangahulugang ang mga kapatid na inatasan bilang tagabasa ay nagtataglay ng mabigat na pananagutan bilang isang guro. Kailangan siyang bumasa sa paraang ‘mailalagay niya ang kahulugan’ sa materyal upang hindi lamang maunawaan ito ng nakikinig kundi maudyukan sa pagkilos. (Neh. 8:8) Kaya, ang tagabasa ay nangangailangang maghandang mabuti para sa kaniyang atas. (1 Tim. 4:13; tingnan ang araling 6 ng Giya sa Paaralan.) Narito ang ilang bagay na kinakailangan para sa makahulugang pagbabasa sa madla.
Gumamit ng Wastong Pagdiriin: Tiyakin nang patiuna kung alin sa mga salita ang kinakailangang idiin upang maitawid ang tamang pagkaunawa.
Bigkasin Nang Wasto ang mga Salita: Ang wasto at malinaw na pagbigkas ay kailangan upang maunawaan ng tagapakinig ang mga pananalita sa publikasyon. Tingnan ang hindi pamilyar na mga salita sa talasalitaan.
Magsalita Nang Malakas at Masigla: Ang masiglang pagsasalita ay lumilikha ng interes, umaantig ng damdamin, at nagpapakilos sa tagapakinig.
Maging Masigla at Parang Nakikipag-usap: Ang pagiging natural ay kasama ng katatasan. Sa pamamagitan ng paghahanda at pagsasanay, ang tagabasa ay maaaring maging panatag, at ang resulta ay nakaaakit sa halip na nakayayamot at nakapapagod.—Hab. 2:2.
Basahin ang Materyal Gaya ng Pagkakaimprenta: Ang mga talababa at gayundin ang mga impormasyon sa panaklong o mga bracket ay kadalasang binabasa nang malakas kung ang mga ito ay nagpapaliwanag sa nakaimprentang materyal. Ang tanging eksepsiyon ay ang mga reperensiya na nagsasabi lamang ng pinanggalingang materyal. Ang talababa ay dapat basahin kung saan ito binabanggit sa parapo, sa pamamagitan ng paunang pagsasabing: “Ang talababa ay nagsasabi . . . ” Pagkabasa nito, ipagpatuloy ang natitirang bahagi ng parapo.
Kapag ang pangmadlang pagbabasa ay ginawang mabuti, ito ay isang paraan upang ‘maturuan natin ang iba na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos’ ng ating Dakilang Guro.—Mat. 28:20.