Ipangaral ang Kaharian
1 Sa Hebreo 10:23, tayo ay hinihimok na “panghawakan nating mahigpit ang pangmadlang pagpapahayag ng ating pag-asa.” Ang ating pag-asa ay nasa Kaharian ng Diyos. Ipinag-utos ni Jesus na kailangang ipahayag ang mabuting balita ng Kaharian sa lahat ng bansa. (Mar. 13:10) Kailangan nating ingatan ito sa isipan sa ating ministeryo.
2 Kapag natatagpuan natin ang mga tao, sinisikap nating pasimulan ang pag-uusap hinggil sa bagay na nakababahala sa kanila. Kadalasan nating binabanggit ang mga bagay na alam-na-alam nila, gaya ng krimen sa kapaligiran, mga suliranin ng mga kabataan, mga kabalisahan hinggil sa pamumuhay, o krisis sa daigdig. Yamang ang isipan ng mga tao ay nakatuon sa “mga kabalisahan sa buhay,” kapag nabanggit natin ang mga ito, kadalasang ipinahahayag ng mga tao kung ano ang nasa isipan nila. (Luc. 21:34) Ito’y makapagbubukas ng daan sa atin upang ibahagi ang ating pag-asa.
3 Gayunman, kung hindi tayo mag-iingat, ang ating pag-uusap ay maaaring magtungo sa negatibong mga bagay hanggang sa punto na mabigo tayong maisagawa ang layunin ng ating pagdalaw—upang ipangaral ang mensahe ng Kaharian. Bagaman itinatawag-pansin natin ang masasamang kalagayan, ang ating tunguhin ay ang akayin ang pansin sa Kaharian, na siyang lulutas sa lahat ng suliranin ng sangkatauhan. Taglay natin ang isang kamangha-manghang pag-asa na lubhang kailangang marinig ng mga tao. Kaya bagaman sa pasimula ay tinatalakay natin ang “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” dapat nating karaka-rakang akayin ang pansin sa ating pangunahing mensahe, ang “walang hanggang mabuting balita.” Sa ganitong paraan ay lubusan nating magaganap ang ating ministeryo.—2 Tim. 3:1; 4:5; Apoc. 14:6.