Kumusta ang Inyong mga Kamag-anak?
1 Ang karamihan sa atin ay may mga kamag-anak na wala sa katotohanan. Anong laki ng ating pagnanais na sumama sila sa atin sa daan tungo sa buhay! Ito’y totoo lalo na kapag sila’y kabilang sa ating sambahayan. Kahit mga taon na ang itinatagal ng ating pagsisikap upang tulungan sila, hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa.
2 Nang isinasagawa ni Jesus ang kaniyang pangangaral, “ang kaniyang mga kapatid, sa katunayan, ay hindi nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya.” (Juan 7:5) Sa isang pagkakataon, inisip ng kaniyang mga kamag-anak na siya’y nasisiraan-ng-bait. (Mar. 3:21) Subalit hindi sila tinigilan ni Jesus. Sa dakong huli, tinanggap ng kaniyang mga kapatid ang katotohanan. (Gawa 1:14) Ang kaniyang kapatid sa ina na si Santiago ay naging isang haligi ng Kristiyanong kongregasyon. (Gal. 1:18, 19; 2:9) Kaya huwag huminto sa pagsisikap na abutin ang inyong mga kamag-anak taglay ang mabuting balita ng Kaharian.
3 Maging Nakagiginhawa, Hindi Nakababalisa: Nang si Jesus ay nangangaral sa iba, ang kaniyang mga tagapakinig ay nakadama ng kaginhawahan, hindi pagkasindak. (Mat. 11:28, 29) Hindi niya pinabibigatan sila ng mga aral na hindi nila maiintindihan. Upang maginhawahan ang inyong mga kamag-anak sa mga tubig ng katotohanan, bigyan lamang sila ng kaunti sa bawat panahon, hindi yaong masyadong marami! Isang naglalakbay na tagapangasiwa ang nagsabi: “Ang pinakamabuting mga resulta ay natatamo niyaong mga marunong pumukaw sa pagkamausisa ng kanilang mga kamag-anak sa pagbibigay ng patotoo sa pamamagitan ng katamtamang dosis.”—1 Corinto 3:1, 2.
4 Maraming Kristiyano ang mabisang nakapagpatotoo sa kanilang mga di sumasampalatayang asawa sa pamamagitan ng pag-iiwan ng literaturang nakabukas sa mga paksang maaaring pumukaw ng kanilang interes. Isang kapatid na babae na gumawa ng ganito ay nakapagdaos din ng pag-aaral sa kaniyang mga anak sa pakinig ng kaniyang asawa, na nagbibigay ng mga paliwanag na pakikinabangan niya. Kung minsan siya’y nagtatanong sa kaniya: “Ganito ang aking natutuhan sa aking pag-aaral ngayon. Ano ang masasabi mo sa bagay na ito?” Sa dakong huli ay tinanggap ng kaniyang asawang lalaki ang katotohanan.
5 Maging Magalang, Huwag Mayamot: Isang mamamahayag ang nagkomento na “maging ang mga kamag-anak ay may karapatan sa kanilang sariling mga pangmalas at mga opinyon.” Kaya dapat tayong magpakita ng paggalang kapag sila’y nagbibigay ng kanilang opinyon o kapag sila’y tuwirang nagsasabi sa atin na huwag na silang kausapin hinggil sa katotohanan. (Ecles. 3:7; 1 Ped. 3:15) Sa pagiging matiyaga at sa pagiging mabuting mga tagapakinig, maaari tayong humanap ng angkop na mga pagkakataon upang makapagbigay ng mataktikang patotoo. Sa gayong pagtitiyaga ay maaaring tamuhin ang gantimpala, gaya ng makikita sa pangyayari sa isang Kristiyanong asawang lalaki na matiyagang nagtiis sa masamang trato ng kaniyang di sumasampalatayang asawang babae sa loob ng 20 taon. Nang siya’y magpasimulang magbago, sinabi niya: “Anong laki ng aking pasasalamat kay Jehova na ako’y natulungang malinang ang bunga ng espiritu na mahabang pagtitiis, dahilan sa nakikita ko ngayon ang resulta: Ang aking asawa ay nagsimula nang lumakad sa landas ng buhay!”
6 Kumusta ang inyong mga kamag-anak? Maaaring sa pamamagitan ng inyong mabuting paggawing Kristiyano at ng inyong mga panalangin alang-alang sa kanila, ay “ipagwagi ninyo sila para kay Jehova.”—1 Ped. 3:1, 2, talababa sa Ingles.