Abutin ang mga Di-sumasampalatayang Kabiyak
1 Isang dahilan ng malaking kagalakan kapag ang mag-asawa ay nagkakaisa sa tunay na pagsamba. Gayunpaman, sa maraming pamilya ay iisa lamang sa magkabiyak ang tumanggap sa daan ng katotohanan. Paano natin maaabot ang mga di-sumasampalatayang kabiyak na ito at mapasisigla silang sumamba kay Jehova kasama natin?—1 Tim. 2:1-4.
2 Unawain ang Kanilang Kaisipan: Bagaman ang ilang di-sumasampalatayang kabiyak ay maaaring salansang, ang kalimitang suliranin ay dahilan sa kawalan ng interes o di-pagkakaunawaan. Maaaring madama ng isang tao na siya’y pinabayaan o kaya’y naninibugho sa bagong nasumpungang espirituwal na interes ng kaniyang kabiyak. “Sa pag-iisa sa bahay, para ba akong pinabayaan,” ang pagbabalik-tanaw ng isang asawang lalaki. “Nadarama kong para bang iniiwan na ako ng aking asawa at mga anak,” wika ng isa pa. Maaaring isipin ng ilang kalalakihan na ang kanilang pamilya’y nawawala sa kanila dahilan sa relihiyon. (Tingnan ang Agosto 15, 1990, Bantayan, pahina 20-3.) Kaya ang pinakamabuti, hangga’t maaari, ay isama ang asawang lalaki sa kaniyang asawang babae sa kaayusan ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya mula pa sa umpisa.
3 Gumawa Bilang Isang Koponan: Isang mag-asawang Saksi ang naging mabisa sa paggawang magkasama sa pagtulong sa mga taong may asawa tungo sa katotohanan. Pagkatapos na makapagtatag ang sister ng isang pag-aaral sa asawang babae, dadalaw naman ang brother sa asawang lalaki at kadalasa’y nakapagsisimula ng isang pag-aaral.
4 Maging Palakaibigan at Mapagpatuloy: Ang mga pamilya sa kongregasyon ay makatutulong sa pamamagitan ng pagkakaroon ng interes sa mga pamilya na hindi pa nagkakaisa sa tunay na pagsamba. Ang ilang palakaibigang pagdalaw ay maaaring makatulong sa di-sumasampalatayang kabiyak na makitang ang mga Saksi ni Jehova ay mapagpatuloy at mapagmahal na mga Kristiyano na nagmamalasakit sa kapakanan ng iba.
5 Sa pana-panahon, maaaring repasuhin ng matatanda kung ano ang nagawang pagsisikap kamakailan upang abutin ang mga di-sumasampalatayang kabiyak at kung ano pa ang maaaring gawin sa pag-asang matamo sila para kay Jehova.—1 Ped. 3:1, talababa sa Ingles.