Ang mga Saksi ni Jehova—Tunay na mga Ebanghelisador
1 Inilagay ni Jesu-Kristo ang pananagutang mag-ebanghelyo sa lahat ng kaniyang mga alagad, at sila’y pantanging tinagubilinang mangaral ng mabuting balita ng Kaharian. (Mat. 24:14; Gawa 10:42) Ang kaniyang unang mga alagad ay nagbigay ng huwaran sa bagay na ito sa kanilang walang humpay na pagsasalita tungkol sa Kaharian—hindi lamang sa mga dako ng pagsamba kundi saanmang lugar na matagpuan nila ang mga tao sa madla at sa pagbabahay-bahay. (Gawa 5:42; 20:20) Bilang mga Saksi ni Jehova ngayon, pinatunayan nating tayo’y tunay na mga Kristiyanong ebanghelisador, sa pamamagitan ng pangangaral ng mensahe ng Kaharian sa 232 lupain at pagbabautismo sa mahigit na isang milyong bagong alagad sa nakaraang tatlong taon lamang! Bakit napakamatagumpay ng ating gawaing pag-eebanghelyo?
2 Ang Mabuting Balita ay Nagpapasigla sa Atin: Ang mga ebanghelisador ay mga mangangaral, o mga mensahero, ng mabuting balita. Sa pagiging gayon, taglay natin ang kawili-wiling pribilehiyo ng pagbabalita ng Kaharian ni Jehova—ang tanging tunay na mabuting balita na maaaring ialok sa namimighating sangkatauhan. Masigla tayo dahil sa ating tinamong patiunang kaalaman hinggil sa bagong mga langit na matuwid na magpupuno sa isang bagong lupa ng tapat na sangkatauhan sa dumarating na Paraiso. (2 Ped. 3:13, 17) Tayo lamang ang nagtataglay ng pag-asang ito, at tayo’y nananabik na ibahagi ito sa iba.
3 Tunay na Pag-ibig ang Nag-uudyok sa Atin: Ang pag-eebanghelyo ay isang gawaing nagliligtas-buhay. (Roma 1:16) Ito ang dahilan kung bakit tayo nakararanas ng malaking kagalakan sa pagpapalaganap ng mensahe ng Kaharian. Bilang tunay na mga ebanghelisador, iniibig natin ang mga tao, at ito ang nag-uudyok sa atin upang ibahagi ang mabuting balita sa kanila—sa ating mga pamilya, mga kapitbahay, mga kakilala, at sa marami pang iba hangga’t maaari. Ang pagsasagawa nito nang buong-kaluluwa ay isa sa pinakamainam na kapahayagan na magagawa ng ating tunay na pag-ibig sa iba.—1 Tes. 2:8.
4 Ang Espiritu ng Diyos ay Sumusuporta sa Atin: Tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos na kapag isinagawa natin ang ating gawaing pagtatanim at pagdidilig ng binhi ng Kaharian, si Jehova ang “nagpapalago nito.” Ito mismo ang nakikita nating nagaganap sa ating organisasyon sa ngayon. (1 Cor. 3:5-7) Ang espiritu ng Diyos ang sumusuporta sa atin sa ating gawaing pag-eebanghelyo at nagbibigay sa atin ng malaking tagumpay.—Joel 2:28, 29.
5 Dahilan sa pampatibay-loob sa 2 Timoteo 4:5 na ‘gawin ang gawain ng isang ebanghelisador,’ ang atin nawang pag-ibig para sa lahat ng tao ay mag-udyok sa atin na ibahagi ang kawili-wiling mabuting balita ng Kaharian sa lahat ng pagkakataon, na nagtitiwalang patuloy na pagpapalain ni Jehova ang ating gawain.