Magkaroon ng Kaluguran sa Pagbibigay ng Lubusang Patotoo
1 Tayong lahat ay nasisiyahan sa paggawa ng mga bagay na mahusay nating naisasakatuparan. Ang Marcos 7:37 ay nagsasabing ang karamihan ay nagpahayag ng ganito hinggil kay Jesus: “Ginawa niyang mahusay ang lahat ng mga bagay.” Hindi kataka-takang nagkaroon ng kaluguran si Jesus sa paggawa ng kalooban ni Jehova! (Ihambing ang Awit 40:8.) Sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa sumusunod na mga mungkahi, makasusumpong din tayo ng kagalakan habang ating sinusunod ang utos ni Jesus na “mangaral sa mga tao at lubusang magpatotoo.” (Gawa 10:42) Sa Enero tayo’y mag-aalok ng alinman sa 192-pahinang aklat na inilathala bago pa ang 1985 na maaaring nasa istak ng kongregasyon o ng aklat na Mabuhay Magpakailanman. Paano natin magagamit ang mga publikasyong ito upang makapagbigay ng lubusang patotoo?
2 Yamang malimit na ikinababahala ng mga tao ang mga suliranin sa kalusugan, maaari ninyong sabihin ang ganito:
◼ “Sa kabila ng mahahalagang tagumpay na natamo sa larangan ng medisina, napakarami pa ring pagdurusa dahilan sa karamdaman. Sa palagay ninyo, bakit kaya ganito? [Hayaang sumagot.] Sinabi ni Jesu-Kristo na ang salot ay magiging bahagi ng mga huling araw. (Luc. 21:11) Subalit inilalarawan din ng Bibliya ang panahon kapag ang sakit ay wala na. [Basahin ang Isaias 33:24.] Pansinin kung paanong nagbibigay ng pag-asa ang aklat na ito hinggil sa saligang turong iyan ng Bibliya.” Ipakita ang angkop na mga komento sa aklat na inyong itinatampok at ialok ito sa karaniwang kontribusyon.
3 Kapag nagpapatotoo nang impormal malapit sa mga “shopping area,” maaari kayong bumati at pagkatapos ay magtanong:
◼ “Sa palagay ba ninyo’y napakamahal na ngayon ng mga bagay-bagay anupat mahirap pagkasyahin ang pera? [Hayaang sumagot.] Sa palagay ba ninyo’y darating pa ang panahon na magkakaroon ng tunay na kapanatagan sa ekonomiya?” [Hayaang sumagot.] Pagkatapos ay itampok ang isang angkop na Kasulatang sinipi mula sa aklat na inyong iniaalok. Magpatuloy sa pagsasabing: “Ipinakikita ng aklat na ito kung paano, sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian, lulutasin ng Diyos ang mga suliranin na nagpapahirap ngayon sa buhay.” Ialok ang aklat sa karaniwang kontribusyon. Maaari ninyong sabihin na lubusan kayong nasiyahan sa pag-uusap, at magtanong: “May paraan ba upang maipagpatuloy natin ang pag-uusap na ito sa susunod na pagkakataon?” Sa ganitong paraan ay maaari ninyong makuha ang numero ng telepono ng tao o ang direksiyon ng tahanan.
4 Maaari kayong magkaroon ng pagkakataong subukin ang presentasyong ito hinggil sa pandaigdig na kapayapaan, na ginagamit ang aklat na “Mabuhay Magpakailanman”:
◼ “Bakit, sa palagay ninyo, napakahirap tamuhin ang pandaigdig na kapayapaan? [Hayaang sumagot, at pagkatapos ay ipakita ang ilustrasyon sa pahina 20-1.] Ito’y larawan ng isang pangyayari sa Bibliya na ipinakikita sa Apocalipsis. [Basahin ang Apocalipsis 12:7-9, 12, nang tuwiran sa parapo 17. Pagkatapos ay basahin ang kapsiyon na kasama ng larawan.] Ang kawalan ng kapayapaan sa daigdig ay isang epekto ng pagbubulid sa Diyablo dito sa lupa. Ang aklat na ito ay sumasagot sa maraming mahalagang katanungan, at ako’y naliligayahang ipagkaloob ito sa inyo.” [Banggitin ang kontribusyon.] —Upang makita ang iba pang mabisang paraan ng paghaharap ng aklat na Mabuhay Magpakailanman, tingnan ang huling pahina ng Setyembre 1995, Pebrero 1995, Setyembre 1994, Setyembre 1993, na mga labas ng Ating Ministeryo sa Kaharian.
5 Kapag bumabalik upang dalawin ang mga nagpakita ng interes, maaaring pagsikapan ninyong mapasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya sa pamamagitan ng paggamit ng ganitong paraan:
◼ “Noong huli tayong mag-usap, nagbigay kayo ng isang kapana-panabik na komento. [Banggitin ang isang komentong ibinigay ng indibiduwal.] Pinag-isipan ko ito, anupat nais kong ibahagi sa inyo ang resulta ng ilang pagsasaliksik na ginawa ko sa paksang ito. [Ibahagi ang angkop na kasulatan.] Nais naming makapagdaos ng isang libreng kurso ng pag-aaral na nakatulong sa milyun-milyong tao upang masuri ang mga saligang turo ng Bibliya sa loob ng maikling yugto ng panahon. Ang gayong pagsusuri ay makapagbibigay sa inyo ng pagtitiwala sa tiyak na katuparan ng mga pangako ng Diyos.” Ibangon ang ilang mga katanungan na sasagutin. Kung tumanggi ang tao sa iniaalok na pag-aaral sa Bibliya, ipaliwanag na mayroon din tayong pinabilis na kurso na gugugol lamang ng 15 minuto sa isang linggo sa loob ng 16 na linggo. Ipakita ang brosyur na Hinihiling, bumaling sa aralin 1, at itanong kung maaari ninyong itanghal ang unang aralin.
6 Alalahaning Gamitin ang mga Handbill: Ang mga ito ay magagamit nang mabisa sa inyong pambungad upang pumukaw ng interes sa espirituwal na mga bagay, o ang mga ito ay maaaring ialok kapag walang kinuhang literatura. Kapag may interes, gamitin ang inimprentang mensahe sa likod ng handbill upang pasiglahin ang tao na tumanggap ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya at upang dumalo sa ating mga pulong.
7 Maging bihasa sa inyong gawain, at kayo’y magkakaroon ng kagalakan dito. Maglaan ng palagiang pansin sa pagbibigay ng lubusang patotoo, at magkaroon ng kaluguran sa pagsasakatuparang mabuti ng lahat ng pitak ng ministeryo.—1 Tim. 4:16.