Tanong
◼ Bakit dapat nating bigyan ng pantanging pansin ang ating pananamit at pag-aayos kapag dumadalaw sa mga pasilidad ng Samahan sa Brooklyn, Patterson, at Wallkill, New York, at sa mga tanggapang pansangay sa buong daigdig?
Inaasahang pananatilihin ng mga Kristiyano ang wastong asal. Sa lahat ng panahon ang ating pananamit at pag-aayos ay dapat kakitaan ng mabuting asal at dignidad na naaangkop sa mga lingkod ng Diyos na Jehova. Lalo nang ito’y totoo kapag dumadalaw sa mga pasilidad ng Samahan sa New York at sa mga sangay sa palibot ng daigdig.
Sa 1998, idaraos ang mga pandistrito at pang-internasyonal na kombensiyon. Libu-libo sa ating mga kapatid mula sa maraming lupain ang dadalaw sa punong tanggapan ng Samahan sa New York at gayundin sa mga sangay sa ibang bansa. Hindi lamang kapag dumadalaw sa mga pasilidad na ito kundi kahit na kailan, kailangan nating ‘irekomenda ang ating sarili bilang mga ministro ng Diyos sa lahat ng paraan,’ lakip na sa angkop na pananamit at pag-aayos natin.—2 Cor. 6:3, 4.
Sa pagtalakay sa kahalagahan ng wastong pananamit at pag-aayos, ang Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo ay nagkomento hinggil sa pangangailangan ng pisikal na kalinisan, mahinhing pananamit, at mabuting pag-aayos sa ating pakikibahagi sa ministeryo sa larangan at sa pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Pagkatapos, sa pahina 131, parapo 2, ito’y nagsabi: “Kumakapit din ito kapag tayo ay dumadalaw sa tahanang Bethel sa Brooklyn o sa alinmang tanggapang pansangay ng Samahan. Tandaan, ang pangalang Bethel ay nangangahulugang ‘Bahay ng Diyos,’ kaya ang ating pananamit, pag-aayos at paggawi ay dapat na maging katulad niyaong inaasahan sa atin kapag dumadalo sa mga pulong ukol sa pagsamba sa Kingdom Hall.” Ang ganito ring mataas na pamantayan ay dapat isaalang-alang ng mga mamamahayag ng Kaharian sa inyong lugar at ng mga nanggagaling sa malalayong dako upang makipagkita at makisama sa mga miyembro ng pamilyang Bethel at dumalaw sa mga pasilidad ng sangay.
Ang ating pananamit ay dapat magkaroon ng positibong impluwensiya sa iba kung paano nila mamalasin ang tunay na pagsamba kay Jehova. Gayunman, napansin na kapag dumadalaw sa mga pasilidad ng Samahan, ang ilang kapatid ay masyadong di-pormal sa kanilang pananamit. Ang gayong pananamit ay hindi angkop kapag dumadalaw sa alinmang tahanang Bethel. Hinggil sa bagay na ito, tulad na rin sa lahat ng iba pang aspekto ng ating Kristiyanong pamumuhay, nais nating mapanatili rin ang mataas na pamantayan na nagpapakitang kakaiba ang bayan ng Diyos sa sanlibutan sa pamamagitan ng paggawa ng lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos. (Roma 12:2; 1 Cor. 10:31) Makabubuti ring makipag-usap sa ating mga estudyante sa Bibliya at sa iba pa na sa unang pagkakataon ay dadalaw sa Bethel at ipaalaala sa kanila ang kahalagahan ng pagbibigay-pansin sa wastong pananamit at pag-aayos.
Kaya kapag dumadalaw sa mga pasilidad ng Samahan, tanungin ang inyong sarili: ‘Mahinhin ba ang aking pananamit at pag-aayos?’ (Ihambing ang Mikas 6:8.) ‘Mabuti ba ang ipinahihiwatig nito hinggil sa Diyos na aking sinasamba? Magagambala o masusuya ba ang iba dahilan sa aking hitsura? Ako ba’y nagbibigay ng mabuting halimbawa sa iba na maaaring dumadalaw sa unang pagkakataon?’ Sa pamamagitan ng ating pananamit at pag-aayos, lagi nawa nating “magayakan ang turo ng ating Tagapagligtas, ang Diyos, sa lahat ng bagay.”—Tito 2:10.