Tayong Lahat ay Kailangan Upang Matapos ang Gawain
1 Dapat na maunawaan ng bawat alagad ni Jesu-Kristo na napakahalaga ng kaniyang mga pagsisikap sa pagsuporta at pakikibahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian. Batid ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay magluluwal ng iba’t ibang dami ng mga bunga ng Kaharian. (Mat. 13:23) Bagaman ang malaking bahagi ng gawaing pangangaral ay isinasagawa ng maraming masisipag na payunir, dapat papurihan ang lahat ng masikap na nagpapatuloy sa pagluwalhati sa Diyos sa pamamagitan ng pagluluwal ng napakaraming bunga hangga’t maaari.—Juan 15:8.
2 Malaki ang Naisasakatuparan ng Sama-samang Paggawa: Inihula ni Jesus na ang pinagsama-samang pagsisikap ng lahat ng kaniyang mga alagad ay magbubunga ng mga gawa na mas dakila sa nagawa niya. (Juan 14:12) Nililimitahan man ng ating personal na kalagayan ang ating magagawa o pinahihintulutan man tayo na mag-ukol ng maraming panahon sa pangangaral ng Kaharian, tayong lahat ay kailangan upang matapos ang gawain. Katulad ito ng sinabi ni Pablo: “Ang buong katawan, palibhasa’y pinagsama-samang magkakasuwato at pinapangyaring magkatulungan sa pamamagitan ng bawat kasukasuan na nagbibigay ng kung ano ang kinakailangan, ayon sa pagkilos ng bawat isang sangkap sa kaukulang sukat, ay gumagawa tungo sa paglaki ng katawan.”—Efe. 4:16.
3 Maaaring madama ng ilan na hindi gaanong malaki ang kanilang nagagawa. Gayunman, ang mahalagang bagay sa paningin ni Jehova ay ang ating buong-kaluluwang paglilingkod. Lahat ng ating ginagawa para sa kaniya ay mahalaga at pinahahalagahan.—Ihambing ang Luc. 21:1-4.
4 Patuloy na Suportahan ang Gawain: Tayong lahat ay may pribilehiyong mag-abuloy ng materyal para sa pandaigdig na gawain. Ang ilan ay makatutulong din sa pisikal na gawain bilang pagsuporta sa gawaing pang-Kaharian. Bawat isa ay maaaring magsikap na magbigay ng mga inihandang-mabuting komento sa mga pulong at makibahagi sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Sa pagsasamantala sa mga pagkakataong magpatibay sa iba, nakapagbibigay tayo ng makabuluhang tulong sa espirituwalidad ng kongregasyon, at pinauunlad nito ang kakayahan ng kongregasyon na isakatuparan ang gawaing ipinagkatiwala rito.
5 Oo, tayong lahat ay kailangan upang matapos ang gawain. Walang sinuman ang dapat makadama na hindi siya kailangan. Ang ating sama-samang pagsisikap, malaki man o maliit, sa paglilingkod kay Jehova ay nagpapakilala sa atin bilang ang tanging tunay na mga mananamba ng Diyos. (Mal. 3:18) Bawat isa sa atin ay maaaring magkaroon ng makabuluhang bahagi sa pagpaparangal kay Jehova at sa pagtulong sa iba na makilala at paglingkuran siya.