Kusang-Loob na Paghahandog ng Sarili Para sa Bawat Mabuting Gawa
1 Isang makasanlibutang publikasyon ang tumukoy sa mga Saksi ni Jehova, na sinasabi: “Napakahirap makatagpo ng mga miyembro ng alinmang grupo na kasinsipag ng mga Saksi kung tungkol sa kanilang relihiyon.” Bakit kaya napakasikap sa paggawa ang mga Saksi ni Jehova at may gayong espiritu ng pagkukusa?
2 Ang isang dahilan ay sapagkat damang-dama nila ang pagkaapurahan. Alam ni Jesus na limitado ang kaniyang panahon upang tapusin ang kaniyang gawain sa lupa. (Juan 9:4) Sa ngayon, napagtatanto ng bayan ni Jehova na limitado lamang ang kanilang panahon upang gumawa. Dahil dito, patuloy sila sa kusang-loob na paghahandog ng sarili para sa sagradong paglilingkod. (Awit 110:1-3) Palibhasa’y kailangan pa ang higit na manggagawa sa anihán, walang humpay ang kanilang pagsisikap. (Mat. 9:37, 38) Kaya naman, nagpupunyagi silang matularan si Jesus, na naglagay ng isang sakdal na halimbawa ng pagkukusa at kasipagan sa kaniyang gawain.—Juan 5:17.
3 Ang isa pang dahilan kung bakit ang mga Saksi ni Jehova ay buong-kaluluwang gumagawa ay sapagkat ang kanilang organisasyon ay naiiba sa lahat ng ibang mga grupo. Karaniwan nang kaunting panahon at pagsisikap lamang ang hinihiling ng makasanlibutang mga relihiyon sa kanilang mga tagasunod. Ang kanilang pinaniniwalaan ay halos walang epekto sa kanilang pang-araw-araw na buhay o kung mayroon man ay maliit lamang. Mas naiibigan nila kung ang kanilang mga pastol ay ‘magsalita sa kanila ng madudulas na bagay,’ anupat tinitiyak sa kanila na ang kaunting pagsisikap nila ay sapat na. (Isa. 30:10) Pinagbigyan naman sila ng kanilang mga klero sa pamamagitan ng ‘pagkiliti sa kanilang mga tainga,’ anupat ikinikintal ang espiritu ng pagwawalang-bahala at espirituwal na katamaran.—2 Tim. 4:3.
4 Anong laking pagkakaiba sa bayan ni Jehova! Anumang bagay na may kinalaman sa ating pagsamba ay nagsasangkot ng pagsisikap at paggawa. Sa bawat araw at bawat bagay na ating ginagawa, isinasagawa natin ang ating pinaniniwalaan. Samantalang ang katotohanan ay nagdadala sa atin ng ganap na kagalakan, ito’y nagsasangkot ng “labis na pakikipagpunyagi” upang matupad natin ang mga kahilingan. (Ihambing ang 1 Tesalonica 2:2.) Ang pangangalaga lamang ng mga pananagutan ng araw-araw na pamumuhay ay sapat na upang maging abala ang karamihan. Gayunman, ito’y hindi nakapipigil sa atin sa pag-una sa kapakanan ng Kaharian.—Mat. 6:33.
5 Ang ating paglilingkod kay Jehova ay totoong kapaki-pakinabang at apurahan anupat tayo’y nauudyukang ‘bilhin’ ang panahong nakaukol sa ibang mga hangarin at gamitin ito sa espirituwal na mga bagay. (Efe. 5:16) Palibhasa’y alam nating nakalulugod kay Jehova ang ating maka-Diyos na debosyon at espiritu ng pagkukusa, tayo’y napatitibay na ipagpatuloy ang ating kasipagan. Tayo’y nagpasiyang patuloy na ‘gumawang masikap at magpunyagi’ alang-alang sa kapakanan ng Kaharian.—1 Tim. 4:10.
6 Debosyon at Espiritu ng Pagsasakripisyo sa Sarili: Inuuna ng marami sa ngayon ang materyal na pangangailangan at pakinabang kaysa ano pa man. Nakapako ang kanilang pansin sa kung ano ang kanilang kakanin, iinumin, o isusuot. (Mat. 6:31) Palibhasa’y hindi nasisiyahan sa mga pangangailangan lamang, nahihikayat sila sa tunguhing magpakasasa sa masarap na buhay ngayon at ‘mag-imbak ng maraming mabubuting bagay para sa maraming taon, kung kaya maaari na silang magpakaginhawa, kumain, uminom, at magpakasaya.’ (Luc. 12:19) Ipinalalagay ng karaniwang mga sumisimba na anumang personal na pagsisikap na hilingin ng kaniyang relihiyon ay panghihimasok sa kaniyang karapatan. Palibhasa’y nakasentro ang kaniyang pag-iisip sa kaniyang sarili, di-praktikal para sa kaniya na malinang ang espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili.
7 Iba naman ang ating pananaw sa bagay na ito. Itinaas ng Salita ng Diyos ang ating pag-iisip kung kaya nag-iisip tayo ayon sa kaisipan ng Diyos sa halip ng sa tao. (Isa. 55:8, 9) May mga tunguhin tayo sa buhay na nakahihigit sa mga makalamang mithiin. Ang pagbabangong-puri sa soberanya ni Jehova at ang pagpapabanal sa kaniyang pangalan ang pinakamahahalagang usapin sa buong sansinukob. Ang kahalagahan ng mga usaping ito ay gayon na lamang anupat, kung ihahambing, ang lahat ng bansa “ay parang isang bagay na di-umiiral sa harap niya.” (Isa. 40:17) Anumang pagtatangka na mamuhay sa paraang magwawalang-bahala sa kalooban ng Diyos ay dapat ituring na kamangmangan.—1 Cor. 3:19.
8 Kaya bagaman ang ilang materyal na bagay ay kailangan, napagkikilala natin na ang mga ito’y hindi naman talagang “ang mga bagay na higit na mahalaga.” (Fil. 1:10) Nanghahawakan tayo sa diwa ng 1 Timoteo 6:8 sa pamamagitan ng paglalagay ng limitasyon sa mga paghahangad natin sa materyal na pakinabang at ng patuloy na pagsasapuso sa ‘mga bagay na di-nakikita na walang-hanggan.’—2 Cor. 4:18.
9 Habang iniisip natin ang mga kaisipan ng Diyos, lalo namang nababawasan ang ating kabalisahan hinggil sa materyal na mga bagay. Kapag binubulay-bulay natin ang nagawa na ni Jehova para sa atin at ang kagila-gilalas na mga pagpapalang ipinangako niya sa hinaharap, nakahanda tayong gawin ang anumang pagsasakripisyong hilingin niya. (Mar. 10:29, 30) Utang natin sa kaniya ang atin mismong pag-iral. Nadarama nating dapat nating ibigay ang ating sarili, yamang anuman ang ating ginagawang paglilingkuran sa kaniya ‘ay siyang dapat nating gawin.’ (Luc. 17:10) Anumang bagay na hinihiling sa ating ibigay kay Jehova ay masaya nating ibinibigay, sa pagkaalam na tayo’y ‘aani nang sagana.’—2 Cor. 9:6, 7.
10 Kailangan Ngayon ang mga Manggagawang may Pagkukusa: Mula pa sa pasimula nito, ang Kristiyanong kongregasyon ay pumasok na sa isang panahon ng apurahang paggawa. Isang lubusang pagpapatotoo ang kinailangang ibigay bago mawasak ang Jerusalem noong 70 C.E. Noong panahong iyon ang mga alagad ni Jesus ay “lubhang abala sa salita.” (Gawa 18:5) Kinailangang magsanay ng higit pang mga ebanghelisador at may-kakayahang mga pastol dahil sa mabilis na pagdami. Ang mga lalaking may karanasan sa pakikitungo sa mga sekular na awtoridad gayundin ang mahuhusay na lalaking may kakayahang mangasiwa sa pangungulekta at pamamahagi ng materyal na mga bagay ay kinailangan. (Gawa 6:1-6; Efe. 4:11) Samantalang ang ilan ay prominenteng naglingkod, ang karamihan ay nanatili sa likuran. Subalit silang lahat ay ‘nagsikap nang buong-lakas,’ sa buong-pusong paggawa nang sama-sama upang tapusin ang gawain.—Luc. 13:24.
11 Bagaman hindi kinailangan ang buong-lakas na paggawa noong sumunod na mga siglo, nagsimula naman ang isang malakihang pagpapanumbalik ng gawaing pang-Kaharian nang pamahalaan na ni Jesus ang kaniyang Kaharian noong 1914. Sa pasimula, hindi akalain ng marami na magiging napakalaki ng pangangailangan para sa mga manggagawa, anupat kakailanganin ang tulong ng milyun-milyon sa buong daigdig.
12 Sa ngayon ang organisasyon ay abala sa napakaraming iba’t ibang proyekto na halos nagpasagad sa ating mga tinatangkilik. Ang gawaing pang-Kaharian ay nagpapatuloy sa napakalawak na antas. Ang pagkaapurahan ng ating panahon ay nagpapakilos sa atin upang magsikap at gamitin ang bawat taglay natin upang tapusin ang gawain. Sapagkat napakalapit na ang wakas ng buong balakyot na sistema ng mga bagay, inaasahan natin ang mas matindi pang gawain sa darating na mga araw! Bawat nakaalay na lingkod ni Jehova ay tinatawagan upang kusang-loob na ihandog ang sarili sa apurahang gawain ng pagtitipon!
13 Ano ang Kailangang Gawin? Totohanan nating masasabi na may “maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon.” (1 Cor. 15:58) Sa maraming teritoryo ay hinog na ang aanihin, ngunit kakaunti ang manggagawa. Tayo’y inaanyayahang gawin ang ating bahagi hindi lamang sa pagiging higit na puspusan sa pagpapatotoo sa ating sariling teritoryo kundi gayundin sa pagharap sa hamon ng paglilingkod kung saan may mas malaking pangangailangan.
14 Kapuri-puring makita sa buong daigdig ang kusang-loob na paghahandog ng mga Saksi sa kanilang sarili para sa iba pang mga gawain. Maaaring lakip dito ang pagboboluntaryo sa pagtatayo ng mga dako ng pagsamba, paglilingkod sa mga kombensiyon, pagsaklolo sa panahon ng sakuna, o paglilinis ng lokal na Kingdom Hall. Kailangang lagi nating tiyakin na ang Kingdom Hall ay iniiwang malinis at maayos pagkatapos ng bawat pulong. Ang paggawa ng mga gawaing itinuturing na mababa ay nagpapakita ng ating wastong pagkaunawa sa mga salita ni Jesus sa Lucas 16:10: “Ang taong tapat sa pinakakaunti ay tapat din sa marami, at ang taong di-matuwid sa pinakakaunti ay di-matuwid din sa marami.”
■ Pagtulong sa mga Gawain ng Kongregasyon: Ang bawat kongregasyon ay binubuo ng indibiduwal na mga mamamahayag ng Kaharian. Ang mga nagagawa ng kongregasyon ay depende lalo na sa kung gaano ang handang gawin o ang magagawa ng bawat Saksi. Ito’y nagtutuon ng pansin sa pangangaral ng mabuting balita, paggawa ng mga bagong alagad, at pagkatapos ay sa pagpapalakas sa kanila sa espirituwal. Bawat isa sa atin ay may maitutulong sa gawaing ito. Makapaglalagay rin tayo ng mga tunguhin para sa ating sarili para sa personal na pag-aaral, pakikibahagi sa pulong, at pagtulong sa mga nangangailangan sa loob ng kongregasyon. Ang mga gawaing ito ay naglalaan ng maraming maiinam na pagkakataon para sa atin upang ipamalas ang ating pagkukusa.
■ Pangunguna sa Posisyon ng Pangangasiwa: Ipinagkatiwala ni Jehova ang pangangasiwa sa bawat kongregasyon sa inatasang matatanda nito. (Gawa 20:28) Ito ang mga lalaking nakaabot upang maging kuwalipikado sa pribilehiyong ito. (1 Tim. 3:1) Halos lahat ng mga kapatid na lalaki sa kongregasyon ay may potensiyal upang maging kuwalipikado sa higit pang pananagutan. Maraming kapatid na lalaki ang sumusulong sa espirituwal. Ang mga lalaking ito ay dapat na maging masisipag na estudyante ng Bibliya at ng ating mga publikasyon. Maipamamalas nila ang kanilang pagkukusa sa pamamagitan ng pagiging mapagpasakop sa mga inatasan-ng-espiritung matatanda, na tinutularan ang kanilang pananampalataya, at nililinang ang mga katangiang hinahanap para sa mga tagapangasiwa.—Heb. 13:7, 17.
■ Pagpasok sa Pambuong-Panahong Paglilingkod: Ang pangunahing tungkulin ng kongregasyon ay ang ipangaral ang mabuting balita. (Mat. 24:14) Anong laking pagpapala kung pag-iigihin pa ng masisigasig ang kanilang pagsisikap sa pamamagitan ng pagpapatala bilang mga payunir! Ito’y karaniwan nang nangangailangan ng malaking pagbabago sa kanilang personal na buhay. Yaong mga nanghahawakan sa pribilehiyong ito sa halip na sumuko agad pagkaraan ng mga isang taon dahil sa ilang pansamantalang pagkasira ng loob ay tiyak na magtatamasa ng mayamang pagpapala ni Jehova. Matutulungan ng maibiging matatanda at iba pang mga maygulang ang mga payunir upang magtagumpay, na pinatitibay sila sa salita at sa gawa. Anong inam na espiritu ang ipinamalas ng mga kabataan na nagpayunir agad karaka-raka pagkatapos ng pag-aaral! Totoo rin ito sa mga adulto na nagpatala agad bilang mga regular pioneer pagkatapos na mabawasan ang sekular na mga obligasyon. Anong laking kasiyahan ang dulot nito sa isang nakaalay na Kristiyano kapag siya’y nakipagtulungan sa pagpapabilis ni Jehova sa gawaing pagtitipon!—Isa. 60:22.
■ Pakikibahagi sa Pagtatayo at Pagmamantini sa mga Dakong Pulungan: Daan-daang modernong Kingdom Hall at maraming Assembly Hall ang naitayo na. Halos lahat ay ginawa ng ating mga kapatid na lalaki at babae na kusang-loob na nagboluntaryo ng kanilang panahon at kakayahan. (1 Cron. 28:21) Iniingatang maayos ng libu-libong nakahandang manggagawa ang mga pasilidad na ito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng anumang trabahong kinakailangan. (2 Cron. 34:8) Yamang ang gawaing ito ay isang uri ng sagradong paglilingkod, kusang-loob na inihahandog niyaong mga tumutulong ang kanilang sarili, na walang hinihinging kapalit sa kanilang paglilingkod, kung papaanong hindi sila humihingi ng kabayaran sa kanilang pangangaral sa bahay-bahay, pagbibigay ng pahayag pangmadla, o pagtulong sa mga gawain sa asamblea o kombensiyon. Ang mga boluntaryong ito ay naghahandog ng kanilang serbisyo sa pagpaplano at pagtatayo ng mga dako ng pagsamba sa kapurihan ni Jehova. Ang tapat na mga lingkod na ito ni Jehova ay hindi sa anumang paraan naghahangad ng materyal na pakinabang tuwiran man o hindi dahil sa kanilang serbisyo, yamang lahat ng kanilang talino at tinatangkilik ay nakaalay kay Jehova. Ang gawaing ito ay nangangailangan ng masisipag na manggagawa na gumaganap ng kanilang paglilingkod “nang buong-kaluluwa na gaya ng kay Jehova.”—Col. 3:23.
15 Kung gayon, ano ang nagpabukod-tangi sa pagkukusa ng bayan ni Jehova? Iyon ay ang espiritu ng pagbibigay. Ang kanilang bukas-palad na pagbibigay ay nagsasangkot ng higit pa sa salapi o materyal na mga bagay—sila’y “kusang naghahandog ng sarili.” (Awit 110:3) Ito ang pinakadiwa ng ating pag-aalay kay Jehova. Tayo’y ginagantimpalaan sa isang natatanging paraan. Nagtatamasa tayo ng “higit na kaligayahan” at tayo’y ‘nag-aani nang sagana’ sapagkat ang ating ginagawa ay pinahahalagahan ng iba, na gumaganti naman sa atin. (Gawa 20:35; 2 Cor. 9:6; Luc. 6:38) “Iniibig [ni Jehova] ang isang masayahing nagbibigay.” (2 Cor. 9:7) Gagantihan niya tayo ng daan-daang ulit, ng mga pagpapalang mananatili magpakailanman. (Mal. 3:10; Roma 6:23) Kaya kung sa iyo’y may mabuksang pribilehiyo sa paglilingkod kay Jehova, kusang-loob ka bang magboboluntaryo at sasagot na gaya ni Isaias: “Narito ako! Suguin mo ako”?—Isa. 6:8.