Tanong
◼ Ang mga magulang ay dapat gumawa ng anong mga pag-iingat kapag ang kanilang menor-de-edad na mga anak ay nakikibahagi sa paglilingkod sa larangan?
Wastong isinasama ng mga Kristiyanong magulang ang kanilang mga anak sa ministeryo sa larangan, na sinasanay silang ibahagi ang mabuting balita ng Kaharian sa iba. Sa paggawa nito, kailangang bantayang mabuti ang kanilang mga batang anak dahilan sa mga panganib na maaaring naroroon sa teritoryo, kahit na sa “ligtas” na mga kapaligiran. Higit at higit na nagiging puntirya ng karahasan at pang-aabuso ang mga bata dahilan sa paglaganap ng kasakiman at kabuhungan sa sekso sa ‘mapanganib na panahong ito’ na ating kinabubuhayan. (2 Tim. 3:1-5) Kailangang magsagawa ang mga magulang ng makatuwirang pag-iingat upang mapangalagaan ang kanilang mumunting mga anak mula sa mga nagnanais bumiktima sa kanila. Ano ang maaaring gawin?
Ang Bibliya ay may katalinuhang nagpapayo na tayo’y dapat na maging maingat at patiunang alamin ang posibleng panganib. (Kaw. 22:3; Mat. 10:16) Ang layunin nito ay hindi upang gumawa ng mga alituntunin, kundi makabubuti para sa magulang o sa iba pang adulto na samahan ang isang bata kapag naglilingkod sa larangan. Kung ang dalawang responsableng kabataang mamamahayag ay gumagawang magkasama, makabubuti para sa magulang o iba pang adulto na magmasid sa kanila sa lahat ng panahon. Sabihin pa, habang lumalaki ang isang bata at nagiging lalong responsable, maaaring magpasiya ang mga magulang kung siya’y nangangailangan na lamang ng kaunting tuwirang superbisyon ng mga magulang.—Tingnan din ang “Tanong” sa Nobyembre 1992 ng Ating Ministeryo sa Kaharian.
Katalinuhan din ang maging laging palaisip sa kaligtasan habang naglalakbay sa pamamagitan ng kotse at habang naglalakad. Sa pamamagitan ng wastong pag-iingat, kadalasang naiiwasan ang mga aksidente at ang dulot nitong kirot, gastos sa pagpapagamot, at posibleng mga sagutin sa legal na asunto na dumarami sa sanlibutang nakapalibot sa atin.
Angkop lamang para sa mga kabataan na “purihin . . . ang pangalan ni Jehova.” (Awit 148:12, 13) Ang kanilang kaiga-igayang mga salita at mabubuting paggawi habang nasa ministeryo sa larangan ay lubhang nakaaakit sa iba at nagdudulot ng karangalan kay Jehova. Mga magulang, huwag mag-atubili, tulungan ang inyong mga anak na makibahagi nang palagian sa paghahayag ng mabuting balita habang kayo’y alisto rin sa pangangalaga sa kanila mula sa umiiral na posibleng mga panganib!