Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • km 9/99 p. 8
  • Ano ang Sasabihin Ninyo sa Isang Hindu?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Sasabihin Ninyo sa Isang Hindu?
  • Ating Ministeryo sa Kaharian—1999
  • Kaparehong Materyal
  • Hinduismo—Paghahanap ng Kalayaan
    Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
  • Kung Papaano Ninyo Maaaring Sagutin ang Mga Pagtutol
    Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
  • Ginagamit Mo ba ang mga Brosyur na Ito?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2012
  • Bahagi 7—c 1500 B.C.E. patuloy—Hinduismo—Ang Ngalan Mo’y Pagpaparaya
    Gumising!—1989
Iba Pa
Ating Ministeryo sa Kaharian—1999
km 9/99 p. 8

Ano ang Sasabihin Ninyo sa Isang Hindu?

1 Gaya marahil ng alam ninyo, maraming Hindu ang nabubuhay sa iba’t ibang lupain, lakip na sa bansang ito. Ito’y nangangahulugan na sa malao’t madali ay makasusumpong kayo ng isang Hindu sa inyong ministeryo. Kapag nangyari ito, paano ninyo gagawin ang pagdalaw?

2 Tandaan ang mga Puntong Ito: Ang mga misyonero na nakapagpatotoo nang matagumpay sa mga Hindu ay nagsasabi na hindi na kailangang mag-aral pa nang masinsinan tungkol sa Hinduismo upang makapagbigay ng mabisang patotoo. Ang simple at mataktikang paghaharap ng katotohanan ang kadalasang nagdudulot ng mabuting pagtugon. Hilingin munang makausap ang ulo ng sambahayan. Kung mabuti ang kaniyang pagtugon, magiging mas madali na makapagpatotoo sa iba pang miyembro ng pamilya. Sa umpisa, iwasang ipahiwatig na kayo’y nagdadala ng isang mensahe na nakahihigit sa pinaniniwalaan ng maybahay o nais ninyong talakayin ang tungkol sa tanging tunay na Diyos o ang tungkol sa pinakamatanda sa mga sagradong kasulatan. Yamang itinuturing ng maraming Hindu ang Bibliya bilang isang Kanluraning aklat, maaari ninyong alisin ang maling akala sa pamamagitan ng pagpapaliwanag na ito’y hindi nagtataguyod ng kolonyalismo o ng kahigitan ng isang lahi sa iba.

3 Gamitin ang Wastong mga Kagamitan: Dalawang brosyur ang inihanda partikular na para sa mga Hindu. Ang mga ito ay ang: Why Should We Worship God in Love and Truth? at Our Problems—Who Will Help Us Solve Them? Ang mga ito ay makukuha sa Ingles. Ang mga brosyur na “Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng Bagay” at Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos? ay napatunayan ding mabisa kapag nagpapatotoo sa mga may kabatiran sa Hindu. Ang brosyur na Hinihiling at ang aklat na Kaalaman ay maaaring gamitin nang matagumpay sa pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya.

4 Hanapin ang Puntong Mapagkakasunduan: Hindi mahirap hanapin ang isang puntong mapagkakasunduan ninyo ng mga Hindu. Sila’y naniniwala na tayo’y nabubuhay sa isang panahon na ang kabalakyutan ay nasa sukdulan at na aalisin ng Diyos ang mga suliranin sa sanlibutang ito sa pamamagitan ng isang malaking kasakunaan na susundan ng isang panahon ng katotohanan. Madali ninyong makita kung paanong ang mga paniniwalang ito ay maaaring iugnay sa mga turo ng Bibliya hinggil sa mga huling araw, sa malaking kapighatian, at sa dumarating na bagong sanlibutan. Palibhasa’y minamalas ng karamihan sa mga Hindu ang buhay bilang isang serye ng mga suliranin na walang solusyon, sila’y interesado sa mga paksa hinggil sa buhay pampamilya, krimen at kaligtasan, at kung ano ang nangyayari pagkamatay. Narito ang dalawang halimbawang presentasyon na maaari ninyong subukan.

5 Ito ay maaaring makatawag ng pansin sa isang padre de pamilya:

◼ “Ako’y dumadalaw sa mga tao na nababahala sa kalagayan ng buhay pampamilya sa maraming lupain sa ngayon. Ano sa palagay ninyo ang makatutulong upang mapanatiling buo ang pamilya? [Hayaang sumagot.] Alam ng ilang tao kung ano ang sinasabi ng kasulatang Hindu hinggil sa pamilya, subalit hindi sila kailanman nagkaroon ng pagkakataong ihambing ito sa kung ano ang sinasabi ng Bibliya sa paksang ito. Nais kong ibahagi sa inyo ang puntong ito sa Colosas 3:12-14.” Pagkatapos basahin ang kasulatan, ipakita sa maybahay ang kabanata 15 ng aklat na Kaalaman at sabihin: “Malulugod akong gumugol ng kaunting panahon sa pagbabasa ng kabanatang ito kasama ninyo.”

6 Ang isang kabataan ay maaaring tumugon dito:

◼ “Walang pagsalang naniniwala ka sa Diyos. Ano sa palagay mo ang layunin ng Diyos para sa atin?” Hayaang sumagot. Pagkatapos ay basahin ang Genesis 1:28, at sabihin: “Maraming lugar sa lupa ang lumabis na ang populasyon at sinasalot pa ng mga suliranin. Sa palagay mo ba’y tutulungan tayo ng Diyos na malutas ang ating mga suliranin?” Pagkatapos marinig ang tugon, bumaling sa isang angkop na publikasyon.

7 Tamasahin ang Mabubuting Resulta: Isang 22 taong gulang na lalaking Hindu ang lumapit sa isang kapatid na babae na nagpapatotoo sa isang palengke at humiling ng isang pag-aaral sa Bibliya. Kaniyang ipinaliwanag sa kapatid na walong taon na ang nakalilipas nang kaniyang maulinigan ang pag-uusap ng kaniyang ina at ng kapatid hinggil sa Bibliya. Bagaman siya’y humanga sa praktikal na mga sagot ng Bibliya sa mga suliranin ng sangkatauhan, ang kaniyang ina ay hindi interesado at nadama niya noon na siya’y masyadong bata pa upang itaguyod ang katotohanan sa ganang sarili. Ngayon bilang isang adulto, nais niyang matuto nang higit pa. Hindi nag-aksaya ng panahon ang kabataang lalaki. Sa loob lamang ng 23 araw, kaniyang natapos ang pag-aaral ng aklat na Kaalaman, at sa loob lamang ng apat na buwan pagkatapos niyang masumpungan ang kapatid na babae sa palengke, hiniling niyang siya’y bautismuhan!

8 Pinasimulan ng isang kapatid na lalaki ang isang pag-aaral sa isang lalaking Hindu na kaniyang nakilala sa isang tren. Ang lalaki ay may suliranin sa kaniyang pag-aasawa. Mayroon din siyang problema sa pag-inom ng alak. Sumang-ayon ang lalaki na dalawin siya ng Saksi at ibahagi sa kaniya ang payo ng Bibliya tungkol sa buhay pampamilya. Nagustuhan niya ang mga turo ng Bibliya hinggil sa moral, at siya’y sumang-ayon sa isang pag-aaral sa Bibliya. Siya at ang kaniyang pamilya ay nagpasimulang dumalo sa mga pulong nang magkakasama. Nang maglaon, ibinahagi na nila ang katotohanan sa mga kaibigan at mga kamag-anak. Hanggang sa kasalukuyan, anim sa mga taong ito ang tumanggap na ng katotohanan!

9 Kalooban ng Diyos na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:4) Kalakip dito ang mga lalaki at mga babae na nag-aangking may relihiyong hindi Kristiyano, gaya ng Hinduismo. Kung may mga Hindu sa inyong teritoryo, bakit hindi sila dalawin sa lalong madaling panahon at gamitin ang ilan sa mga mungkahi na iniharap sa artikulong ito?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share